Kinwento ko ang lahat kay Serria kinabukasan. ‘Yung ipinakita sa ‘king CCTV footage at ‘yung ako raw ang may sala sa sunog na naganap. Pati mismo ang mga sinabi sa ‘kin ng Presidente ay sinabi ko sa kanya. At ipinaalam ko rin sa kanya ‘yung nakita kong kakaibang letra sa apoy na lumulutang no’n.
Ikinwento ko rin sa kanya ang sinabi sa akin ni Mensahero na delikado na ako sa labas dahil may sumusugpo sa ‘kin. Lahat-lahat ay kinwento ko kay Serria.
“Alam mo, Tortia, hindi ko na talaga kilala pa ang sarili ko,” ani Serria habang nakatitig sa aming harapan.
Ako rin, Serria. Hindi ko na rin kilala pa ang sarili ko. Parehas lang tayo…
Umihip ang pang-hapong hangin at sumaboy ang nakalugay kong buhok dahil doon. Sinalikop ko ang mga buhok ko at inilagay iyon sa kanan kong balikat.
“Natatakot na ako,” dugtong pa niya.
Tumingin ako sa kanya. Umalis ako sa pagkakahilig sa barandilya ng terasa at nilapitan ko siya.
“Bakit naman?” Marahan kong tanong sa kanya.
“Dahil hindi ko na alam pa ang nangyayari sa ‘kin. Natatakot akong may magawa akong mali sa mga tao dahil sa pagliliyab ng mga kamay ko. Natatakot akong makapatay...” nanghihina niyang paliwanag.
Napayuko siya at nakita ko ang matinding pagkuyom ng kanyang mga kamay. Hinawakan ko iyon kaya napatingin siya sa akin.
“Nandito naman ako para damayan ka, eh,” maikli kong tugon at binigyan ko siya nang matipid na ngiti.
Pumungay ang kanyang mga mata at yinakap ako nang marahan. Lumaki nang kaunti ang ngiti ko at ginantihan siya ng yakap.
“Sino pa ba ang magdadamayan dito? Edi tayo lang dahil paniguradong hindi maiintindihan ng mga tao ang nangyayari sa ‘tin,” aniko.
“Sabagay, pero salamat talaga, Tortia, ah. Mahal na mahal talaga kita. Abot talaga ang pasasalamat ko sa Kanya dahil binigyan niya ako ng kaibigang katulad mo,” nakanguso niyang sabi.
Nang matapos ang pag-uusap naming dalawa ay pumunta muna ako sa kwarto ko at nanatili naman siya sa terasa. Si Jaric naman ay pinagtulungan namin kahapong ilagay sa kwarto niya dahil hanggang ngayon ay hindi pa siya nagigising na nakapagtataka naman.
Sinarado ko ang pinto at dahan-dahan akong umupo sa aking kama. Pinakiramdaman ko muna ang paligid ko. Noon pa lang ay hilig ko ng gawin ang ganito. Ang manahimik habang naka-upo at pakiramdaman ang paligid. Ewan ko pero sa pamamagitan ng ganito, gumagaan ang pakiramdam ko. Nakahihinga ako nang maayos.
Napatingin ako sa malapit na lamesita at nakita roon ang bag ko. Naalala ko ang salamin. Kumusta na kaya ang salaming ‘yon? Gusto ko sanang tignan muli ang salamin pero natatakot na ako. Baka makita ko lang ulit ang nagliliyab na impyerno.
Napabuntong-hininga ako at nakapagpasya na. Natatakot na rin ako kagaya ni Serria. Marami ng demonyo ang lumalaganap dito sa lupa dahil atat na silang sakupin ang aming mundo. At nang dahil sa kabagalan ko sa aking misyon kaya nila iyon nagagawa. Siguro nga ay kailangan ko ng bilisan sa paghahanap. Siguro nga ay kailangan ko ng magmadali.
Tumayo ako at lumapit sa aking kabinet. Hinugot ko sa loob no’n ang aking dyaket at kinuha ko rin ang nakasabit na susi ng aking motorsiklo sa loob no’n.
Kaagad ko namang pinuntahan si Serria sa terasa at naabutan ko siyang matamang nakatayo roon.
“Serria,” tawag ko sa kanya. Napalingon naman siya sa ‘kin at napaayos pa siya ng tayo.
“Bakit?”
“Samahan mo ako, hahanapin na natin ang panghuling demonyo,” sagot ko na nagpagulat sa kanya.
![](https://img.wattpad.com/cover/121955650-288-k199426.jpg)
BINABASA MO ANG
Amethyst's Blood (COMPLETED)
FantasyDemon Series 1 Gaano kahirap magkaroon ng misyon? Nakatanggap ka na ba ng isang misyon? Anong klasing misyon? Kinakaya mo ba ang binigay sa iyo? Sa dinami-rami ng misyon na maaaring makuha mo, papayag ka ba kapag galing sa impyerno ang nag-utos sa '...