Salamat po sa lahat ng nakaabot dito. Salamat talaga. Sobra. :)
~*~
Hindi ko namalayan na nakatulog ako sa mga bisig ni Mensahero. Masyadong napayapa ang pakiramdam ko sa tabi niya kaya hindi ko na naalalang may sumusugpo pala sa amin.
Nagmulat ako ng mata at seryosong mata ni Mensahero ang bumati sa akin.
"Ang dalawang itinakda..." aniya na nagpaupo sa akin nang diretso.
"Nasaan na sila?" Natataranta kong tanong nang maalala kong naiwan nga pala namin sina Serria at Jaric habang nakikipaglaban sila sa mga demonyo.
"Ligtas sila kaya h'wag kang mag-alala," sagot niya at hindi naman ako kumbinsido roon. Sa dami ng demonyong kinakalaban nila, imposibleng maging ligtas sila at hindi na ako mabahala! Hindi naman sa wala akong tiwala sa kakayahan ng dalawang iyon pero... nag-aalala lang naman ako.
"Paano kung hindi?"
"Ligtas nga sila."
"Ang dami nilang kinakalaban, Mensahero," mapilit kong giit sa kanya.
Umayos siya ng yapos sa akin at mas hinigpitan iyon. "Ayos lang sila. Hayaan mo na lang sila roon," sagot niya na nagpakulo sa dugo ko.
"Hayaan na lang sila? Siraulo ka ba?" Singhal ko sa kanya. Hinawakan ko ang dalawa niyang braso at pilit na inaalis iyon sa pagkakayakap sa akin. Naiinis ako sa kanya.
"Kaya na nila 'yon." Mas humigpit pa lalo ang yakap niya sa akin at kasama niyon ang pagbaon ng mukha niya sa aking leeg.
"Dalawa lang sila at sandamakmak ang mga demonyo!" Inis kong sinabi. Nag-iinit na talaga ang ulo ko sa kanya. Paano niya nasasabi iyon gayong marami talagang demonyo ang kalaban ngayon.
"Bakit ba iniintindi mo pa sila?" Tanong niya na nagpapigtas sa pasensya ko.
"Eh, ikaw, bakit wala kang pakialam sa kanila?" Inis kong tanong pabalik sa kanya na hindi naman niya sinagot. Hinawakan ko ulit ang mga braso niya at kunot-noong inaalis iyon sa akin. "Ano ba, Mensahero, bitiwan mo nga ako!"
"Ayaw ko."
Pumikit ako nang mariin at wala sa sariling kinurot ang dibdib niya. Hindi pa ako nakuntento at hinugot ko ang ilang buhok doon.
"Hindi ka pa rin nagbabago, Amethyst. Lagi mong ginagawa sa akin 'yan," kutya niya.
"H'wag mo akong tawaging Amethyst." Mas lalo pang nagsalubong ang kilay ko dahil sa tinawag niya sa akin.
Hindi ko pa matanggap na ako nga 'yung Amethyst na tinutukoy niya. Hindi ko pa buong puso matanggap na dati akong demonyo, na dati akong nanggaling sa impyerno. Hindi ko lang talaga matanggap na naging demonyo ako.
"Demonyo ka pa rin hanggang ngayon, Amethyst..."
"H'wag mo sabi akong tawaging Amethyst!" Singhal ko sa kanya.
"Anong gusto mong itawag ko sa 'yo? Taga-gabay? Hindi ka naman talaga si Taga-gabay," ani Mensahero na mas lalong nagpadugtong sa mga kilay ko.
"Anong ibig mong sabihin?" Sa hindi ko inaasahang pagkakataon ay muling umusbong ang kaba sa dibdib ko. Akala ko ay tapos na. Akala ko ay nakilala ko na ang sarili ko... kahit hindi ko naman matanggap kung sino talaga ako.
Lumibot ang mata ko nang magbago ang buong paligid. Nasa isa kaming kwarto. Isang madilim na kwarto at nasa harapan naming dalawa ang isang malaking kama. Dahan-dahan akong tumayo para pagmasdan ang taong nakahiga roon.
Napakunot pa lalo ang noo ko nang mapansing magara ang silid na ito. Hindi ito karaniwang kwarto lang. Masasabi kong mayaman ang nakatira rito.
"Siya si Lovely, ang babaeng tunay na taga-gabay." Kagaya ko ay lumapit din si Mensahero sa babaeng nakahiga. Tumabi siya sa akin.
BINABASA MO ANG
Amethyst's Blood (COMPLETED)
FantasiaDemon Series 1 Gaano kahirap magkaroon ng misyon? Nakatanggap ka na ba ng isang misyon? Anong klasing misyon? Kinakaya mo ba ang binigay sa iyo? Sa dinami-rami ng misyon na maaaring makuha mo, papayag ka ba kapag galing sa impyerno ang nag-utos sa '...