Chapter 4

269 13 0
                                    

Sobrang bigat ng mga talukap ko. Gustuhin ko mang imulat ang aking mata ay hindi ko magawa.

Dama ko pa rin si Mensahero na nakaalalay sa aking likod. Maiinit ang kanyang mga kamay na tumakip sa aking mata. Napaawang ang aking bibig nang tila umikot ang aking mundo.

Tinanggal niya ang kanyang kamay sa mga mata ko at sa aking pagdilat, isang maayos at malinis na bahay ang bumungad sa akin.

Napakunot ang noo ko dahil sa mga katanungan.

“Paanong…” hindi ko makapaniwalang bulong habang iniikot ang mata sa paligid.

Hindi na sira-sira ang kagamitan. Ang mga bintana ay hindi warak. Napatingin ako sa aking sarili at nakitang wala akong ni isang galos.

“Hindi ka pa handa, Tortia,” ani Mensahero sa malalim na tono.

Sinulyapan ko siya habang nakakunot ang aking noo. “Anong ibig mong sabihin?” Naguguluhan kong tanong.

Tinignan ko ang mga braso kong alam kong may mga galos dahil sa pagbalibag sa akin ni Jaric. Si Jaric, nasaan siya? ‘Di ba ay isang ganap na demonyo na siya? Nasaan siya ngayon? Bakit wala siya rito?

“Isang ilusyon lang ang nasaksihan mo kanina,” seryoso niyang sagot.

Nagpantig ang aking tainga at tila nagliyab ang galit. Tumawa ako nang mahina. Isang tawa na pekeng-peke.

“Ilusyon lang ‘yon? Isang ilusyon na ikaw mismo ang gumawa?” Pilit kong pinakakalma ang sarili ko dahil sa galit na nararamdaman.

“Oo, ginawa ko ang ilusyon na ‘yon para malaman kung handa ka na ba o hindi pa sa pagiging ganap na demonyo ni Jaric,” paliwanag niya pero hindi iyon nakatulong para maibsan ang galit kong nararamdaman ngayon.

“Ha! Ilusyon nga lang ang lahat? ‘Yung tipong mamamatay ka na, ‘yung tipong mawawala ka na sana kaso nalaman mong ilusyon lang pala ‘yon. Isang daan para malaman kung handa na ba ako. Alam mo bang muntikan na akong mabaliw dahil ayoko pang mamatay?” Nanginig ang boses ko dahil sa nagpupuyos na galit.

Hindi siya nagsalita kaya nagpatuloy ako. Kinagat ko ang aking ibabang labi at tumingala. Nagpakawala ako ng isang mabigat na paghinga bago ibaba sa kanya ang aking tingin.

“Marami namang daan para malaman kung handa na ba ako, ‘di ba? Bakit kailangan pang iparanas sa akin ang kamatayan? Akala ko ba mabibigyan ako ng walang hanggan na buhay pero bakit pinaranas mo sa akin ang kamatayan? Ayokong maranasan ang kamatayan, Mensahero! Hindi pa ako handa! At walang tao na handa nang mamatay!” Sunud-sunod kong singhal sa kanya.

Naramdaman ko ang pag-init ng aking mata dahil sa mga luhang nagbabadya. Kumabog ang aking dibdib nang malaman na ganu’n ang ginawa sa pamilya ko. Mas lalong nagliyab ang aking galit nang malamang ganu’n katindi ang ginawa niya sa mga magulang ko.

“Salamat, Mensahero, huh? Ang sarap ng kamatayan, gusto kong ulitin,” sarkastiko kong sabi bago siya talikuran. Bago pa tumulo ang aking luha, tumalikod na ako sa kanya upang hindi niya iyon makita.

Malakas kong sinarado ang pinto ng aking kwarto. Nilapitan ko ang sobreng itim at pinunit-punit ito dahil sa aking galit. Pinulot ko ang mga pira-piraso nito at tinapon sa basurahan.

Padabog akong umupo sa aking kama at sunud-sunod na ang pagtulo ng aking luha.

Ewan ko kung bakit ako umiiyak nang ganito. Siguro dahil ngayon ko lang naramdaman ang kamatayan? Siguro dahil ngayon ko lang naramdaman na masaktan ng isang demonyo? Kahit na isang ilusyon lang ang lahat ng nangyari, damang-dama ko pa rin ang sakit na ginawa sa akin. Damang-dama ko kung gaano nawarak ang mundo ko.

Amethyst's Blood (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon