Habang naglalakad sa gilid ng kalsada ay wala akong kabuhay-buhay. Ang mga mata ng mga nakasasalubong ko ay pagtataka. Siguro ay iniisip nilang hibang na ako.
Oo, hibang na nga yata ako.
Nangilid muli ang mga luha ko sa hindi malamang dahilan. Kanina pa ito, eh. Habang kausap ako ng Pangulo, nangingilid na ang mga luha ko at mayamaya, lumuluha na ako.
Hindi ko alam kung nababaliw na ba talaga ako o hindi ko lang talaga matanggap ang sitwasyon ko ngayon.
Kilala ng Presidente si Mensahero na mas lalong nagpabaliw sa ‘kin. Paano niya nakilala si Mensahero? Hindi ba’t ako at mga demonyo lamang ang nakakikilala sa kanya? May komunikasyon ba sila ng Presidente? Kilala ba nila ang isa’t isa?
Nanghihina akong umupo sa batong upuan dito sa parke ng lungsod. Kahit gaano pa kasaya ang nasa paligid ko, hindi nila magawang hawaan ako no’n.
Nakayuko lang ako at walang pakialam sa paligid. Nakalagay sa kandungan ko ang dalawa kong kamay na kanina ko pa tinititigan.
May powers ba talaga ako? May apoy ba talaga sa mga kamay ko? Ako ba talaga ang nagkasala roon? Masama ba talaga ako?
Mahigpit kong kinuyom ang aking kamay at mariing pumikit. Bakit sa pagkakataong ito, tila hindi ko kilala ang sarili ko? Bakit tila ibang tao na ang nasa katawan ko? Ang gulo!
Habang nakapikit nang mariin, naramdaman ko na lang sa kamay kong nasa kandungan ang paglandas ng luha ko. Napapagod na ako. Gusto ko ng sumuko! Puro demonyo na lang ang nasa paligid ko. Kanina pa nila ako minamatyagan!
Nang nakalayo ako kanina sa palasyo, mga tatlumpung metro siguro ang layo, ay naramdaman ko na ang mga matang nagmamatyag sa akin. Kung saan man ako sumuot, dama kong nakatingin pa rin sila sa akin at nakasunod. Kailan ba nila ako titigilan?
Iminulat ko ang mata ko at sa pag-angat ko ng mata sa aking harapan ay halos mapatalon ako sa gulat nang makita kong naroroon si Mensahero. Galit ang tinging nakapukol sa akin at halos manghina naman ako dahil doon. Kumabog pa nang malakas ang dibdib ko sa pagsulyap lamang sa kanya!
“Hindi ba’t sinabi kong huwag kang lumabas?” Mariin niyang tanong na halos ikasindak ko.
“Pasensya na, Mensahero, pero kasi…” lumunok muna ako ng makailang beses bago ikwento sa kanya ang nangyari sa bahay kanina at kung bakit ako nasa labas ngayon. Pati mismo ang pinag-usapan namin ng Presidente ay naikwento ko sa kanya. Ewan ko ba, lahat ay naikwento ko sa kanya, kahit pa ‘yung CCTV footage. Pakiramdam ko kasi ay ligtas sa kanya ang lahat ng kinekwento ko.
Sa galit na mukha ay nagbago iyon at naging seryoso dahil sa mga kwento ko. Lalo na nang maikwento ko sa kanya ang estrangherong tao na pumunta sa bahay at may kakaiba pang sinabi sa akin.
Kaagad niya akong hinawakan sa kamay at hindi ako roon agad nakapag-reak dahil sa pagkakabigla. Nang mahawakan naman niya ang kamay ko, biglang nagbago ang paligid at nasa bahay na kami.
“Hindi ba’t sinabi ko sa ‘yong h’wag na h’wag mong gagamitin iyon lalo na’t nasa dagat tayo ng tao?!” Galit kong singhal sa kanya.
Nu’ng huling beses niyang ginamit ang pagteleport na ‘yon ay kaagad ko na siyang binalaan. Ayokong pinapakita niya sa mga tao ang kakayahang iyon. Ewan ko pero natatakot ako.
“Iisipin lang naman nilang may teleportation ako,” tugon niya pero hindi ako nakumbinsi.
“Paano ko susundin ang ipinagbabawal mo sa akin kung hindi mo rin naman sinusunod ang ipinagbabawal ko sa ‘yo?”
Napamaang siya dahil doon. Makalaunan nang makaahon sa pagkabigla ay hinigit niya ako palapit pa lalo sa kanya.
“Ay, ewan,” aniya na nagpakunot sa noo ko pero tuluyan na akong nawala sa wisyo nang yakapin niya ako.
BINABASA MO ANG
Amethyst's Blood (COMPLETED)
FantasíaDemon Series 1 Gaano kahirap magkaroon ng misyon? Nakatanggap ka na ba ng isang misyon? Anong klasing misyon? Kinakaya mo ba ang binigay sa iyo? Sa dinami-rami ng misyon na maaaring makuha mo, papayag ka ba kapag galing sa impyerno ang nag-utos sa '...