Sa sumunod na araw ay laging nasa bahay lang kami. Walang nagbabalak na lumabas at pumuntang lungsod dahil baka may mga nagkalat na demonyo roon, baka kasi bigla nila kaming atakihin at may madamay pang mga inosenteng tao. Hindi ko gugustuhin ‘yon kung may madamay nga dahil ayokong may nasasaktan. Kung pu-pwede nga lang na sumuko ako ay gagawin ko na, eh. Ayoko kasi talagang may nadadamay sa mga problemang hindi naman kanila.
Humilig ako sa barandilya ng terasa at hindi ko maalis sa isipan ko noong nakita kong nagkatawang demonyo noon ‘yung uwak hindi kalayuan sa pwesto ko. Naalala ko ay sinugod niya ako no’n at nakakapagtaka rin ang nangyayari sa akin no’n. At iyon ang una naming pagkikita ni Taga-bantay. Tandang-tanda ko pa ang lahat, maski ang sobra-sobra niyang galit sa ‘kin ay alalang-alala ko pa.
Hindi lang iyon ang naaalala ko, lahat ng nangyayari sa buhay ko ay maaliwalas pa sa aking kaisipan. Ang talagang ipinagtataka ko lang ay ang rason ng mga demonyo sa galit nila sa ‘kin. Doon talaga ako walang maalala at kahit gaano ko pa ipilit alalahanin ay wala talaga akong maalala.
Nakagat ko ang aking ibabang labi nang maalala ko ‘yung araw na kauna-unahan kong pagtungtong ng impyerno. Iyon na yata ang pinakakinatatakutan kong lugar. Maraming kaluluwang humihingi ng tulong at sobrang init doon, idagdag pa ang mga nag-aalab na galit sa akin ng mga demonyo. Mga wala talaga silang puso.
Dumiin ang kagat ko sa aking labi nang maalala ko ang paghaplos na ginawa sa aking buhok ni Mensahero nitong nakaraang araw lang. Tuwing naaalala ko iyon ay naninindig ang aking balahibo. At sa tuwing naaalala ko rin ang kanyang yakap ay dumadagundong nang malakas ang dibdib ko. Ganoon ang epekto ni Mensahero sa akin ngayon. Mas tumindi ang nararamdaman ko sa kanya sa hindi ko malamang dahilan. Kahit na iniisip ko pa rin ‘yung demonyong mahal ni Mensahero, heto pa rin ako at patuloy pa rin siyang minamahal kahit may mahal siyang iba. Kung masasaktan man ako sa huli dahil sa ginagawa kong ito, ayos lang sa akin, ito ang ginusto ko. Ang mahalin ang demonyong may mahal na iba.
Nagpakawala ako ng mabibigat na hininga at napayuko. Kahit mainit ang sinag ng araw dahil tanghaling tapat ay hindi ko inalintana iyon. Nanatili pa rin ako sa terasa habang nakahilig sa barandilya niyon. Gusto ko lang munang magpahinga. Gusto ko lang munang huminga dahil pakiramdam ko, baka bukas ay hindi ko na ito magawa. Mas maganda na ang maaga kaysa sa huli na ang lahat.
“Mukhang malalim ang iniisip mo.”
Kaagad akong napaayos sa aking pagkakatayo nang marinig ko ang boses ni Serria. Nilingon ko siya at tipid na nginitian.
“Ano na naman ang pinoproblema mo? Nako, Tortia, ha. Araw-araw na ganyan ‘yung itsura mo, minsan ay subukan mong magpahinga sa kakaisip ng mga problema natin dahil nagmumukha ka ng chaka,” naiiling niyang sinabi.
“Mas chaka pa sa demonyong mahal ni Mensahero?” Nakangiwi kong tanong sa kanya na ikinangiti na naman niya nang malapad.
“Alam kong nag-usap na kayong dalawa ni Mensahero pero hindi ko alam na hindi pa pala niya ‘yon sinasabi sa ‘yo.” Muli na naman niya akong nginitian nang malapad kaya mas lalo akong napangiwi.
“Ewan ko sa inyo. Ang hilig-hilig ninyong magtago ng bagay-bagay sa ‘kin kaya heto ako at pinoproblema ang mga ‘yon. Kasasabi mo lang kanina na huwag na akong mamroblema dahil nagmumukha akong chaka pero kayo pa ‘tong mas dumadagdag sa pinoproblema ko. Eh, kung sabihin mo na lang kaya sa ‘kin ‘yung hindi masabi ni Mensahero?” Giit ko na ikinatawa niya. Ang alam ko ay naging demonyo siya at hindi ko naman alam na naging baliw pala siya.
“Hindi ko pangungunahan si Mensahero, alam kong may binabalak ang lalaking ‘yon,” nakangiti niyang sinabi at kinindatan pa ako bago ako tinalikuram at pumasok na siya ng bahay.
BINABASA MO ANG
Amethyst's Blood (COMPLETED)
FantasyDemon Series 1 Gaano kahirap magkaroon ng misyon? Nakatanggap ka na ba ng isang misyon? Anong klasing misyon? Kinakaya mo ba ang binigay sa iyo? Sa dinami-rami ng misyon na maaaring makuha mo, papayag ka ba kapag galing sa impyerno ang nag-utos sa '...