PROLOGUE

1.3K 154 37
                                    



Sa loob ng lumang building, tahimik na nagtatago ang mga taong tumatakas sa Gobyerno. Sila ang grupong HLG o Human Liberation Group.

Sila ang grupong ipinaglalaban ang karapatan ng mga bawat mamamayan ng bagong mundong kanilang kinagagalawan.

Nagsimula silang mag-aklas ng isulong ng Pamahalaan ang batas kung saan isang anak lang ang puwedeng isilang bawat pamilya. At ang susunod na mga anak ay kukunin ng Pamahalaan.

Ito ang solusyon ng Gobyerno sa hindi makontrol na paglobo ng populasyon. Ang kakulangan sa supply ng tubig at pagkain ang pangunahing naging problema sa pagdami ng mga tao sa bawat araw.

Noong mga unang taon ay naging maganda ang takbo ng batas na isinulong ng Gobyerno. Nakontrol ang biglang paglobo ng dami ng mga tao. Nagawan bigla ng paraan ang supply ng pagkain ng mga tao.

Ang mga mahihirap ay patuloy na naninirahan sa labas ng Wall. Ang mga walang kakayanang magbayad para manirahan sa maayos na lugar ay ang mga nakatira sa labas nito.

Sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ay ang makapal na pader. May mga sabi-sabi na sagana at maayos ang pamumuhay ng mga mayayaman sa loob.

At ang mahihirap, sila ang araw-araw ay ginagawa ang lahat para mabuhay.

Nagsimula ang gulo tatlong taon na ang nakalilipas. Nang magsimulang bumili ang RMC o REAL MEAT CORPORATION ng mga taong magtatrabaho para sa kanila.

Ang kapalit nito ay ang libreng marangyang pamumuhay kasama ng mayayamang tao sa loob ng pader. Lahat ng mga pumasok sa loob ay hindi na lumalabas. Mas ligtas. Walang nagugutom.

Hindi kagaya sa labas. Na pati mga ipis at daga ay pinag-aagawan na ng mga tao para kainin.

Mahirap magpalaki ng pananim dahil sa tuyot na ang mga lupa. Sa hindi malamang dahilan, tatlong taon na ang nakakaraan, biglang nagkandamatayan ang mga halaman. Ang mga lupa ay nagbitak-bitak. At ang mga ilog at sapa ay unti-unting natutuyo.

Totoo ngang katakot-takot ang handang gawin ng mga tao dahil sa sobrang gutom.

Ngayon, ang mga mahihirap na lumalaban sa Pamahalaan ay nagtatago sa mga militar na tumutugis sa kanila.

May mga impormasyong nakuha ang HLG kung ano ang tunay na nangyayari sa loob ng Wall. Ito rin ang dahilan kung bakit sila hinahabol ng mga ito. Dahil sa impormasyon na hawak at ipinaglalaban nila.

"Ano na ang gagawin natin, Seth?" tanong ng kasamahan nitong si Ark.

Wala sa sariling naisuklay niya ang mga daliri sa buhok at napatingin sa direksyon ng kaniyang asawang si Cali. Karga nito ang takot na takot nilang anak na si Margaret na apat na taong gulang pa lamang.

Mas naging malala at agresibo ang Pamahalaan. Maging ang mga babae ay kinukuha na rin nila. Noon ay nagtataka pa sila kung bakit. Ngayon ay alam na nila. At mamamatay muna siya bago niya hayaang makuha ng mga ito ang asawa at anak niya.

Hinarap niya si Ark. "Kailangan na nating makalayo dito. Malayo sa Wall. Malayo sa Gobyerno. Hindi ligtas ang pamilya natin," sagot niya rito.

Napatango ito. Dahan-dahang pumaikot ang mga tao sa kaniya. Tila naghihintay sa bawat sasabihin niya. Kahit kailan ay hindi niya pinangarap pamunuan ang HLG. Pero kailangan ng mga ito ng leader. Nang taong aalalay sa kanila.

Naramdaman niya ang pagpisil sa balikat niya. Kahit hindi niya na tingnan iyon, alam niyang ang asawa niyang si Cali iyon. Hinawakan niya ang kamay nito at pinisil iyon.

"Aalis tayo ngayong gabi. Dalhin niyo na lahat nang puwede niyong dalhin. Magtatago tayo malayo sa lugar na ito. Malayo sa baluktot na sistema ng mga makakapangyarihang tao na namimili lang ng paglilingkuran nila! Ito lang muna sa ngayon ang kaya nating gawin. Ang lumayo," sabi niya sa mga kasamahan.

Nag-aalangang nagtinginan ang mga ito. Alam niyang hindi madali ang desisyon na iyon. Kaya naiintindihan niya ang pagdadalawang-isip ng mga ito.

"Pero paano tayo mabubuhay? Gobyerno ang nagbibigay ng pagkain at tubig sa atin. Kapag lumayo tayo sa Wall, wala na tayong makukuhanan ng kahit na ano," sagot ng isa sa matatanda. Nagsunod-sunod pa ang mga opinyon ng mga kasamahan niya.

Itinaas niya ang kamay para patahimikin ang mga ito. "Pero 'wag niyo ring kakalimutan kung ano ang mga kapalit no'n! Ano ang gusto niyo? Ang mabuhay ng  naghihintay ng tira-tirang pagkain na isusubo natin sa pamilya natin? Mga itinatapong pagkain ng mga nasa loob ng wall!"

Natahimik ang mga ito at kinuha niya ang pagkakataong 'yon para magpatuloy. "Kinuha nila sa atin ang mga babae. Mga anak niyo! Asawa at kapatid! At hindi sila titigil. Alam niyo 'yon." Napatingin siya sa asawa at anak niya. "Hindi ko hahayaang makuha nila ang mag-ina ko. Kung gusto niyo ng malayang buhay, magagawa lang natin 'yon kapag malayo na tayo rito." Lumapit siya sa anak at hinalikan ang ulo nito. Hinding-hindi niya hahayaang may mangyari rito.

"Ano ang mangyayari sa atin, Seth?" tanong pa ng isa.

Hinarap niya ito. "Hindi ko rin alam. Pero mas may pag-asa tayong mabuhay sa malayo at magbakasakali, kaysa rito kung saan iniisa-isa tayo."

Tumayo sa tabi niya si Ark. Ang matalik niyang kaibigan at kanang-kamay na rin.

Tatlong ulit nitong kinalabog ang dibdib gamit ang kamao bago tuluyang nanatili ang kamay nito sa tapat ng dibdib. Simbolo ng kanilang samahan.

"HLG!" sigaw nito.

Napangiti si Seth sa ipinakitang suporta ni Ark sa kaniya.

Sumunod pa ang ilang miyembro sa ginawa ni Ark at umalingawngaw sa lumang gusali ang sigaw nila.

"HLG!"

Siguro nga ay hindi madaling makamit ang kalayaan. Lalo na sa mundong nawasak na. Nasira na. Sa mundong wala na ring natira kundi ang mga taong unti-unti na ring sinisira ang bawat isa.

Napatingin siya sa apat na taong gulang niyang anak na si Margaret na ngayon ay nakikisigaw na rin. Siguro nga ay hindi niya maaayos ang mundo para sa anak niya. Mananatili pa rin itong sira at wasak. Pero sisiguruhin niyang ang pagiging makatao ng anak ay mananatili rito sa kabila ng kawalang hustisya sa bagong mundong ito.

Lahat ay gagawin niya para sa anak.

Palalakihin niya itong malayo sa mga mananakit dito. Malayo sa gulo.

Malayo sa Gobyerno.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon