4

548 140 44
                                    



Tatlong araw ang lumipas simula nang makita niya ang pagbigay ng prutas ni Zach sa matandang si Julius. Sabihin na lang din natin na tatlong araw na rin niyang palihim na minamatiyagan at sinusundan ito.

Kaso sa paglipas ng mga araw ay diskumpiyado lang siya. Bukod do'n sa pagbigay ng prutas ni Zach, wala na siyang napansing kakaiba. Ni hindi nga ito lumabas ng kampo. Palagi lang itong nakikipagkuwentuhan sa matandang si Julius.

Doon siya naguguluhan. Hindi niya maintindihan. Alam niyang may itinatago si Zach. Alam niyang may inililihim ito. Pero ano? Gayong wala naman siyang nakikitang kakaiba sa tatlong araw na pagmamasid dito.

Kagaya ngayong araw. Palihim na sinundan niya na naman ito, kahit pa sa paliguan ito nagpunta. Pinag-isipan pa nga niya kung susundan ito, pero kung mawawala ito sa paningin niya, baka do'n ito biglang kumilos. Ayaw niyang mawala ang kahit katiting na pag-asa niya.

Ang simpleng paliguan na ginawa lamang ng mga kalalakihan nila ang isa sa mga paborito niyang likha at lugar sa kampo nila. Hindi man sila mayaman sa tubig, pero nagpapasalamat siya at kahit papaano ay nakakapaglinis pa sila ng katawan. Nakakapagsipilyo. May naiinom kahit papaano.

Salamat na rin sa apat hanggang limang ulan sa isang taon. May naiipon silang tubig. Medyo naaalala niya no'ng bata pa siya. Umaabot pa nga halos ng sampung beses ang pag-ulan sa isang taon. Mas maraming supply ng tubig ang naiipon. Kaya halos araw-araw rin silang nakakaligo.

Ngayon, dalawa hanggang tatlong beses isang linggo lang sila makakapaglinis ng katawan nang maayos. At kapag hindi sila nakakaligo, nakukuntento na lamang sila sa papunas-punas at paghuhugas ng mga dapat hugasan.

Sa ngayon ay padalang na nang padalang ang tag-ulan, kaya naka-rasyon na rin ang dami ng tubig na gagamitin sa pagligo. Pero hindi na siya magrereklamo. Lalo na sa mga kuwentong narinig niya na mula sa mga scouts. Na may mga tao sa labas na hindi na talaga nakakaranas nang maayos na pagligo at paglilinis ng katawan.

Mga tao raw na nasiraan na nang bait.

Natigil siya sa pag-iisip nang makitang naghubad ng pang-itaas si Zach. Nanlalaki ang mga mata na napalunok siya. Naalala niya ang gabing pumasok siya sa tent nito. Alam niyang wala ring damit no'n ang lalaki, pero hindi niya naman talaga nakita kung tutuusin. Hindi kagaya ngayon.

Nakikita niya.

Nakikita niya nang maliwanag at maayos.

At naiinis siya.

Naiinis siya dahil masyado niyang nagugustuhan ang nakikita niya.

Buong buhay niya, pinangaralan talaga siya ng kaniyang ama. Lalo na ng Uncle Ark niya.

Na hangga't maaari ay umiwas siya sa mga ganitong sitwasyon. Tinatawanan niya lang ang mga ito noon. Kumpiyansa siyang hindi magiging interesado. Kumpiyansa siyang hindi mailalagay ang sarili sa ganitong sitwasyon. Sa atraksiyon. Lalo na at naiintindihan at alam niya ang sitwasyon na kinalalagyan nila ngayon.

Pero ito yata ang sinasabi ng mga nakatatanda. Na normal na makaramdam ng ganito ang tao lalo na ang mga kabataan.

Ano nga 'yon? Ang itinuro nang isa sa apat na guro na mayro'n ang kampo nila--- hormones?

Oo. Hormones nga yata 'yon.

At sa dami ng araw na puwedeng umatake ang hormones niya, bakit ngayon pa kung kailan may lalaking nakahubad sa harap niya? Hindi ba puwedeng kapag mag-isa na lang siya sa kuwarto niya?

Itinuro pa namang maigi 'yon sa kanila para maiwasan na rin ang mga dapat nilang maiwasan. Lalo na ang pagdagdag sa populasyon.

Kasalanan lahat ito ni Zach, pati na rin no'ng anim na umbok sa tiyan niya.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon