26

382 118 2
                                    



Palihim na nagbabatuhan lang sila ng tingin ni Athena. Kanina pa nga siya nito sinisita na 'wag tumingin, pero medyo mahirap. Gusto niya nang makausap ang kapatid. At saka yayakapin pa niya ito, at kung hindi ito masyadong magsusungit ay baka halikan niya na rin ito.

Sinamaan na naman siya ng tingin ni Athena nang medyo tumagal na ang pagkakatitig niya rito.

Nag-iwas na siya ng tingin at itinuon ang mga mata sa nakaposturang si Fabio. Mukhang aalis na ito. Sa wakas at makakahinga rin siya nang maayos kahit ilang oras lang.

Isa pa, hindi pa rin pumayag kanina si Fabio na lumabas sila ni Athena. Mukhang plano yata nitong ikulong lang sila sa bahay. Nakakasama lang ng loob dahil hindi man lang umiimik ang Mama niya.

Tumayo si Fabio sa upuan at uminom ng tubig. Humarap ito sa kanilang magkapatid. "Ayaw kong mababalitaang may kalokohan na naman kayo pag-uwi ko. Lalo ka na, Athena. Tigilan mo na ang pagbibigay nang kahihiyan sa akin." Hinarap naman nito ang Mama niya. "At ikaw naman, Cali, bantayan mo ang mga anak mo. Siguraduhin mong wala silang gagawin na pagsisisihan nila sa huli."

Nakita niya ang paggalaw ng panga ni Athena, pero hindi na lamang ito umimik. Mga ilang sandali pa ay umalis na si Fabio. Napabuga siya ng hangin nang marinig na ang pagbukas at pagsara ng pinto. Senyales na nakaalis na ito.

"Para kang tanga! Bakit ka ba tingin nang tingin?!" naiinis na sabi ni Athena sa kaniya.

Napansin niya ang pangingitim nang ilalim ng mga mata nito. Halatang hindi ito nakatulog nang maayos. Pansin niya rin ang maya't mayang paghihikab nito. Isang ebidensyang inaantok pa si Athena.

"Hindi ka ba natulog?" tanong niya rito. Hindi niya na lang pinansin ang pagsusungit nito. Mukhang ugali na talaga kasi 'yon ng kapatid niya.

Sinamaan siya nito ng tingin bago pasimpleng pinasadahan ng tingin ang Mama nila na tahimik na pinapanuod lang sila. Ibig sabihin ay hindi sila puwedeng mag-usap hangga't naririnig nito ang pinag-uusapan nila. Pakiramdam niya naman ay hindi sila isusumbong ng Mama niya. Kahit gaano pa ito tila sunud-sunuran lang kay Fabio.

"Margaret, Athena, hindi ko na alam ang gagawin ko sa inyong dalawa." Naiiling ito bago napabuntong-hininga. "Pero sana mag-iingat na kayo. Wala naman akong ibang ginusto kundi ang maprotektahan lang kayo sa paraang alam ko at kaya ko."

Natahimik lang silang magkapatid. Wala nang umiimik. Narinig niya ng paghingan nang malalim ng Mama niya bago ito tumayo. Akala niya ay aalis na ito pero lumapit ito sa kanila ni Athena.

Hinawakan nito ang tig-isang balikat nila at pinisil 'yon. "Mahal ko kayo. Ayaw ko lang na may mangyari sa inyo at wala man lang akong magawa para ipagtanggol kayo."

Inaasahan niyang hindi ulit iimik si Athena. Na hindi ito sasagot kagaya nang palagi nitong ginagawa. Kaya gano'n na lang ang gulat niya nang marinig ang paghikbi nito.

Napatitig siya sa kapatid. Nakayuko kasi ito. Kaya hindi niya sigurado kung tama ang hinala niya. Hindi lang kasi niya maisip na iiyak ang kapatid niya. Parang wala kasi sa ugali nito ang pag-iyak.

Nakompirma ang hinala niya nang lapitan ito nang tuluyan ng Mama niya at yakapin nang mahigpit. Narinig niya na nang mas klaro ang pag-iyak nito.

Napatitig tuloy siya rito. Parang batang iniwan. 'Yon ang nakikita niya. Bata pa nga talaga si Athena, pero pinilit nitong patatagin kaagad ang loob dahil pakiramdam nito ay wala siyang ibang masasandalan. Lalo na siguro nang mga panahong wala si Zach sa loob ng Wall.

Isa sa mga bagay na ipagpapasalamat din niya kay Zach. Naging mabuting ehemplo ito kay Athena. Itrinato nitong parang sariling nakababatang kapatid ang kapatid niya.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon