28

351 119 2
                                    



Matapos ang mahabang usapan, nabuo ang isang plano kasama ang Mama nila. Ang plano ay simple lang, papainumin nito ng pampatulog si Fabio. Para kahit makagawa sila ng ingay habang tumatakas ay hindi ito magigising. At ang Mama na nila ang bahalang magpainom ng pampatulog dito.

Ang sabi nito ay mahilig uminom ng isang basong alak ang asawa bago matulog. Medyo mababaw raw kasi ang tulog nito kaya kinakailangan pang uminom ng alak kung minsan.

Napagkasunduan nilang iwan na ang trabahong 'yon sa Mama nila. At pupuntahan na lang sila nito sa kuwarto oras na makatulog na talaga si Fabio.

Patulugin nang mahimbing si Fabio. 'Yon lang. At kahit mukhang madali lang, hindi niya maiwasang kabahan. Dahil gustong-gusto niyang magtagumpay ang plano nila. Dahil 'yon lang ang tanging paraan para makasama niya nang buo ang pamilya. Ang Papa, Mama at kapatid niya.

Hindi niya alam kung ano ang mangyayari ngayong gabi. Isa lang ang alam niya. Matatapos na ang paghihirap nila. Nang mga taong gusto nang makawala sa bulok na sistema sa loob.

Sana lang ay sumang-ayon lahat sa plano. Dahil alam niyang hindi maganda ang kahihinatnan kung mahuhuli sila.

Tahimik na napatingin siya kay Fabio na kumakain. Ito na ang huling beses na makakasalo niya ito sa hapunan. At hinding-hindi na siya muling makakakita pa ng nakakadiring karne ng tao sa lamesa kahit kailan.

Ito na ang huling beses na kailangan niyang pigilang magsuka sa tuwing humihiwa ito ng karne na iyon.

Hindi niya napigilang mangilabot nang isubo ni Fabio ang karne sa bibig. Lalo na nang ngumuya ito na tila 'yon na ang pinakamasarap na karne na natikman nito.

Mas katanggap-tanggap pa ang karne ng daga na ipinapakain noon sa kaniya ng Papa niya. Mas masisikmura pa niyang kumain no'n.

Nang mapatingin sa direksyon ni Athena ay mas lalong gusto niyang makaalis sila nang magkakasama sa lugar na 'yon.

Kung hindi kayang alagaan ni Fabio ang kapatid niya nang mabuti, kung hindi nito kayang palakihin nang maayos si Athena, hindi siya papayag na maiwan pa ito.

Kung kinakailangang kaladkarin ito, gagawin niya.

Buti na lang talaga at natauhan na ang Mama nila.

Ilang saglit pa ay marahang tumayo na si Fabio. Hinarap nito ang Mama nila. "Dylan is coming. Pinapasabi niya na baka medyo mahuli lang siya nang kaunti. Papasukin mo na lang mamaya at pagsilbihan," bilin ni Fabio rito.

Biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Mabuti na lang at nakayuko siya kaagad nang hindi niya napigilan ang mapangiti. Kung nagkataon ay baka nakita pa ni Fabio ang pagngiti niya.

Darating si Zach. Darating na siya. Susunduin niya na ako.

Hindi na nawala ang nararamdaman niya. Hindi niya na rin tuloy alam kung kaba, takot o tuwa ba ang nararamdaman niya ng mga sandaling 'yon.

Napatingin siya kay Athena nang balingan ito ni Fabio.

"Ikaw na ang bahala kay Dylan. Dito raw siya magpapalipas ng gabi. Ibigay mo ang guest room. Alam kong malapit kayo sa isa't isa. 'Wag mo na sanang isali sa mga kalokohan mo ang anak ng Presidente, Athena. 'Wag na 'wag kang gagawa ng bagay na pagsisisihan mo," tila nagbabanta na sabi nito.

Nagulat pa siya nang bigla siyang lingunin ni Fabio. Akala nga niya ay may sasabihin ito. Pero ilang segundong pagtitig lang ang ginawa nito bago umalis.

Ilang saglit na nanatili lang silang tahimik. Nagpapakiramdaman. Tinitingnan kung may tsansang may marinig pa si Fabio sa mga pag-uusapan nila. Nang makarinig nang pagbukas at pagsara ng pinto ay nakahinga sila nang maluwag.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon