15

422 125 5
                                    



Tahimik na nakamasid sila sa paligid nang lumang gusali na kinaroroonan ng mga kasamahan nila Luke. May mga Militar sa paligid. Sa tantiya nila ay nasa sampu hanggang labing dalawa ang bilang ng mga ito.

Ang kalahati sa bilang ng grupo nila ay pumuwesto sa kabila. At silang natitirang kalahati ay nasa katapat na puwesto ng mga kasama nila.

Sa bilang ay higit na mas lamang sila. Lalo na nang makumpirmang labing-isa lamang ang mga Militar. Ngunit kung ihahambing ang mga armas nila sa armas ng mga ito, siguradong walang-wala ang mga baril nila.

Na kung mamalasin ka ay hindi pa pumuputok kung minsan dahil sa taglay na matinding kalumaan.

Humigpit ang hawak niya sa baril. Ang baril ng Mama niya.

Kung siya ang tatanungin, mas gusto niyang 'wag sanang dumating sa punto na kinakailangan niyang iputok ang baril na hawak niya.

Pero maaari ba 'yon? Puwede bang hindi umulan ng bala sa gitna ng giyera?

Hindi. Malabong mangyari.

Alam niya na kapag sumugod na sila, uulan ng bala. Dadanak ang dugo. Magkakaubusan ng tao.

At sa bandang huli, manalo man sila sa laban na ito, alam niya sa sarili niyang sa giyera, wala naman talagang panalo.

Talo ang lahat.

Sumenyas ang tumayong lider ng mga estranghero na si Luke.

Napagkasunduan kasi nila na aatake sila kapag medyo malalim na ang gabi. Kung saan mas hindi inaasahan ng mga Militar ang pag-atake nila. Lalo pa't ang iba sa mga ito ay magpapahinga rin.

Nakita rin nilang nakatali ang mga kasamahan nila Luke sa isang sulok. May busal din ang bibig ng mga ito.

Kung tutuusin ay nagtataka pa sila kanina kung bakit nando'n pa rin ang mga Militar, pero base na rin sa mga narinig nila, hinihintay ng mga ito ang sasakyang magsusundo sa mga ito.

Nang sumenyas ulit si Luke ay napabuntong-hininga siya.

Oras na.

Tumango siya rito. Walang pagdadalawang-isip na umikot ito sa kabila kasama ang ilang mga kasamahan. Ang plano ay gugulatin ng mga ito mula sa likuran ang mga kalaban na nasa loob. At sila, silang natitira sa labas ay ang magbabantay at sisigurong walang ibang Militar sa paligid ang makakapasok.

Si Rose, kasama ng mga kuya nito ay pumuwesto sa likod ng isang pader. Sila ang magbabantay sa kaliwang bahagi ng gusali.

Samantalang siya, si Zach, at ang isang kasamahan ay sa bandang kanan. Ang apat na natitira ay nasa harapan. Ito ang mga unang papasok oras na matiyak ng grupo nila Luke na wala ng problema sa loob.

Pinilit nilang kumilos ng tahimik hangga't sa makakaya nila. Kaya nakahinga sila nang maluwag nang makitang may isang Militar na nahawakan ang grupo nila Rose. Mabilis na natakpan ang bibig nito. At base sa nakikita niya, mahigpit na sinasakal ng kuya ni Rose. Hanggang sa tuluyan na itong tumigil sa pagkilos.

Napalunok siya.

Ilang buhay ba ang mawawala kapalit ng ilang buhay na maililigtas nila?

Gano'n na ba talaga?

Kung hindi buhay nila, buhay naman ng iba.

Napatingin siya kay Zach nang marahan siya nitong tapikin. Itinuro nito sila Luke na pinapasok na ang mga kasamahang naghihintay sa labas.

Mga ilang sandali pa ay lumabas na ang mga ito na may mga tao ng kasama. Na sa tantiya niya ay may hindi bababa sa libing-lima ang bilang.

May mga babae, lalaki, matanda at bata.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon