21

375 124 17
                                    




Kinaumagahan, napansin kaagad niya na puro karne lang ang nasa lamesa. Mukhang isa ito sa mga parusa ni Fabio sa kanila.

Nang makita nga kaagad ni Athena ang nasa hapag, mabilis itong tumalikod at bumalik sa kuwarto nito. At dahil pakiramdam niya ay siya ang may kasalanan kaya napaparusahan ito, hindi na lang din siya kumain. Kakain lang siya kapag kumain na rin ang kapatid.

Kaya lang ay umabot na ang gabi at karne lang talaga ang ipinapahanda ni Fabio. At aaminin niya, medyo kumakalam na ang sikmura na. Lalo pa't alam niyang may pagkain naman.

Pero mas nag-aalala siya sa kapatid. Matapos kasi nitong bumalik sa kuwarto, hindi na ito lumabas. Ilang beses pa nga itong sinubukang pakainin ng Mama niya, pero matigas talaga si Athena.

"Hayaan mo siyang magutom. Siya pa ang magmamatigas." 'Yon lang ang sinabi ni Fabio nang sabihin ng Mama niya na simula umaga ay hindi pa rin ito kumakain. At kagaya ng inaasahan niya, hindi na nakaimik ang ina.

Tinanong nga rin siya nito kung bakit hindi siya kumakain. Kaya sinabi niyang hanggat hindi kumakain ang kapatid, gano'n din siya.

"Suit yourself. Gutumin n'yo ang mga sarili n'yo," kalmadong sabi nito. "Magugutom din kayo. At wala kayong ibang pagpipilian kundi ang kumain."

Ipinagkibit-balikat niya na lang ang sinabi nito. Totoo naman kasi. Magugutom din si Athena. At kakain din ito. Hindi naman siguro ito magpapakamatay sa gutom?

Pero dahil nag-aalala na rin siya, pinuntahan niya na ito sa kuwarto. Kagaya ng utos ni Fabio, hindi naka-lock ang pintuan nito. Kaya madali siyang nakapasok. Hindi na siya nag-abalang kumatok kagaya ng Mama niya na hindi nito pinagbubuksan.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" nakataas ang kilay na tanong nito.

Nakaupo ito sa sahig. Nagkalat ang mga papel na tila nilamukos nito. Dinampot niya ang isang gusot na papel at tiningnan 'yon.

Kunot ang noo na napatingin siya sa kapatid. "Bakit ka gumagawa ng ganito?"

Paano kasi ay tila gumagawa ng mapa ng buong loob ng Wall si Athena. May mga pangalan ng lugar at kung ano'ng tawag sa gusali. May mga naka-estima rin kung ilang Militar ang nagbabantay sa nasabin lugar. O kung anong oras nag-iikot ang mga ito.

Tumayo si Athena at nagmamadaling isinara ang pintuan bago siya hinarap. "Kailangan mong makaalis dito kaagad. Kailangan mong makatakas." Seryosong sabi nito at isa-isang dinampot ang mga papel na nagkalat. Maging ang hawak niya ay kinuha nito at pinunit.

"Tutulungan kitang makaalis. Sa lalong madaling panahon. Kailangan mong makaalis na rito."

Lumapit siya sa kapatid na tila hindi na mapakali. "Ayos ka lang ba?"

Tiningnan siya nito sa mga mata. "Tutulungan kitang makaalis. Pangako 'yan."

Naguguluhang napatitig siya rito. Masaya siya na handa siyang tulungan nito, pero nakaka-alarma ang ikinikilos nito.

"May problema ba? Ano'ng nangyayari sa'yo?"

Napailing-iling ito at hindi mapakaling naglakad-lakad sa may kaluwagang kuwarto nito. Napapansin din niya ang maya't maya nitong pagkagat sa ibabang bahagi ng labi.

"Kailangan nating makahanap ng mga tao na tutulong sa'yo. Dapat ka nang makaalis dito," bulong nito sa kawalan.

Nang hindi na siya makatiis sa inaakto nito ay hinawakan niya na ang magkabilang balikat nito at pilit itong pinahinto sa pagkilos.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon