10

445 133 12
                                    



Sa totoo lang, hindi niya alam kung ano ba ang inaasahan na makikita niya kapag nakalabas na siya.

Kung siya ang tatanungin, medyo umaasa siya na ang mga kuwento ng matandang si Julius ang mabubungaran niya. Pero kalahati ng pagkatao niya ang nagsusumigaw na ang panahon na kinukuwento nito ay matagal nang natapos.

Matagal nang naglaho.

At ngayon, habang tahimik na sinusundan si Zach, hindi niya mapigilan ang makaramdam ng takot.

Ano ba ang mga makikita niya?

Isa lang ang hiling niya, sana, sana talaga, ay hindi kasing sama ng mga sinasabi ng iba.

Na sana ay may pag-asa pa siyang makita.

Dahil sa panahon ngayon, 'yon ang kailangan niya. Ang kailangan nilang lahat.

Pag-asa.

Kahit isang maliit o katiting na pag-asa lang.

Huminto si Zach sa paglalakad. Nasa tapat na sila ng paliguan. Kaya gano'n na lang ang pagkunot ng kaniyang noo nang humarap ito sa kaniya.

"Dito?" hindi-makapaniwalang tanong niya.

Nakangising ngumiti ito at pumasok sa loob. Mabilis siyang napalinga sa paligid para siguraduhing walang nakakakita sa kanila.

Nang makasigurado ay sumunod kaagad siya kay Zach sa loob at ikinandado sa loob.

Nakita niya si Zach na tinungo ang isang lumang drum na matagal na ring hindi ginagamit.

"Ano ang gagawin mo?" tanong niya rito nang makalapit.

Nakangising humarap ito sa kaniya. "Lalabas. Lalabas tayo." Sabi nito at itinulak ang may kabigatang drum na bakal sa tabi.

May yero pang nakasandal sa pader kaya tinanggal din ito ni Zach. At doon niya nga nakita ang hindi naman masyadong kalakihang butas.

Sapat lang para nakaluhod na makagapang ang isang tao palabas.

Hindi siya makapaniwala. Nandoon lang pala ang daan. Hindi sumagi sa isip niya na nasa paliguan lang ang labasan.

"Dito ako gumawa ng lagusan dahil alam kong walang magdududa na may daanan dito. Nagkataon pa na may mga lumang drum din dito sa loob," paliwanag nito.

Hindi-makapaniwalang napatingin siya kay Zach. Kaya pala walang nakakapansin kapag nawawala ito. Sino ba namang mag-iisip na nasa labas na pala ito at hindi naman talaga buong oras ay naliligo lang?

"Kaya pala hindi kita matiyempuhan na lumalabas. Kaya pala walang nakakahuli sa'yo," sabi niya.

Marahan itong tumango sa kaniya. Saglit itong kumuha ng tubig at pinuno ang isang walang laman na plastik na botilya.

Kumunot ang noo niya. "Kay Rex ang tubig na kinukuha mo, Zach," sabi niya rito.

Paano ay sa balde ni Rex ito kumuha ng tubig.

Muling bumalik ang nakakalokong ngisi nito. "Sinuntok niya ako, Margaret. Bayaran man lang niya ang pananakit sa akin sa ganitong paraan," sagot nito.

Napabuga na lang siya ng hangin. Sige, palalagpasin niya ang ginawa nito ngayon. Una ay dahil isasama siya nito sa labas, pangalawa ay dahil sinapak naman talaga ito ni Rex.

Humarap sa kaniya si Zach na may dalawang punong lagayan ng tubig. "Tara na," pag-aya nito.

Bumalik na naman ang kaba niya. Bigla ay parang nanlamig ang kamay niya. Kailan lang ay ang tapang-tapang pa niya sa harapan ng ama, ngayong nandito na, natatakot naman siya.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon