12

474 135 97
                                    


WARNING:

This chapter contains matured content. Read at your own risk.


---




Nang gabing 'yon ay hindi siya madalaw ng antok. Paano siya makakatulog nang maayos kung sariwa pa sa isipan niya ang pagmarka ng ekis sa pangalan ng Uncle Ark niya?

Idagdag pa na hindi man lang siya nakapagpaalam sa taong itinuring niya ng pangalawang ama.

"Margaret."

Natigil siya sa pag-iisip nang marinig ang boses ng kaniyang ama sa labas ng tent. Kaagad siyang tumayo at pinagbuksan ito.

Bumungad sa paningin niya ang pagod na itsura nito. Ang nangingitim na ilalim sa mga mata ay patunay na ilang gabi na rin itong hindi nakakatulog nang maayos.

Nag-aalala na siya rito.

"Ama, bakit po?" nagtatakang tanong niya.

Hindi rin kasi ugali ng ama niya ang puntahan siya ng dis-oras ng gabi. Wala na rin kasing lumalabas pa sa gano'ng oras.

Nakita niya ang paghinga nito nang malalim. "A-Ayos ka lang ba, A-Anak?"

Sandali siyang natigilan. Napatitig siya sa ama at hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya.

Anak

Tinawag siya nitong anak at pinuntahan sa tent niya para lang kamustahin.

Napalunok siya. Bigla ay nagsusumiksik sa utak niya ang tanong nito.

Kung ayos lang ba siya? Hindi.

Bigla ay nag-init ang sulok ng mga mata niya. Naging malambot ang ekspresyon ng kaniyang ama.

"N-Nakita kong may marka na ng ekis ang pangalan ni Ark. A-Alam kong ikaw lang ang gagawa no'n." Narinig niya ang paggaralgal ng boses nito.

Marahan siyang tumango bilang sagot. Hindi niya kasi alam kung kakayanin niyang magsalita nang hindi umiiyak sa harapan nito.

Nakita niya ang pag-aalangan ng ama bago tuluyang lumapit sa kaniya. Sa isang iglap lang ay nakakulong na siya sa mainit na yakap nito.

At do'n na naman bumagsak ang mga luha niya.

"Patawarin mo ako, Margaret. Patawarin mo ako kasi wala ako no'ng mga panahong kailangan mo ako. Patawarin mo ako na si Ark ang naging mas ama sa'yo. Patawarin mo ako kasi hindi ako naging ama sa'yo sa mahabang panahon. Pero mahal kita. Mahal na mahal kita." Tuloy-tuloy ang naging pag-agos ng luha niya.

"Ikaw ang pinakamahalaga na mayro'n ako, anak."

Hindi niya napigilan ang paghikbi niya bago yumakap nang mahigpit sa ama. Kagaya no'ng bata pa siya.

"Sana hindi pa ako huli, Margaret," naiiyak na sabi nito.

Umiling-iling siya habang nakayakap dito. Hindi. Hindi ito kailanman mahuhuli.

Ngayon higit na mas kailangan niya ang ama. Ngayon niya mas higit na kailangan ang pinakamatibay na sandalan niya.

Ang tagapagtanggol niya. Ang tagapagprotekta niya.

Ang pinakamatapang na mandirigma sa buhay niya no'ng bata pa siya.

Sa wakas ay bumalik na ang ama niya.

"Alam kong nahihirapan ka ngayon. At alam kong wala rin akong magagawa para mabawasan ang sakit, pero gusto ko lang iparating sa'yo na nandito lang ako palagi para sa'yo, anak. At kahit dumating ang panahon na magkahiwalay tayo, palagi mong tatandaan na kasama mo ako." Inangat nito ang mukha niya at pinahid ang luha niya. "Ako pa rin ang tagapagtanggol mo."

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon