2

606 138 18
                                    



Nagising siya sa ingay na naririnig na nanggaling mula sa labas. Tila nagkakagulo ang mga tao. Inaantok man ay pinilit niyang idilat ang mga mata. Naghihikab na napipilitan siyang bumangon sa pagkakahiga. Sa tantiya niya ay mga hating-gabi pa lang. Nagkusot pa siya ng mata para tanggalin ang antok.

Lumabas siya saglit sa tent niya at sinilip kung ano ang nangyayari. Nagsalubong ang mga kilay niya nang makita ang mga tao na nagkukumpulan. Mas lalong nalukot ang mukha niya nang makita ang mga scouts. Ang bilis naman yatang bumalik ng mga ito. Kadalasan kasi ay inaabot ang mga ito ng ilang araw bago makabalik.

Lumapit siya sa mga kasamahan niya. Ang iba ay katulad niya na halos kagigising lang din. Naghihikab pa nga ang ilan sa mga ito.

Napatingin na siya sa mga scouts. Kumunot ang kaniyang noo nang makitang wala ang kaniyang Uncle Ark. Napalinga pa siya sa paligid para hanapin ito, pero wala talaga. Wala rin ang ibang miyembro ng scouts na kasama nitong lumabas sa kampo.

Mabilis na lumapit siya sa puwesto ng mga ito. Napalingon pa nga ang kaniyang ama nang makita siyang papalapit.

"Bakit nandito kaagad kayo? Nasaan si Uncle Ark? Nasaan ang iba pa?" kunot ang noo na tanong niya.

Nagpalitan ang mga ito ng tingin. Ilang saglit ding namayani ang katahimikan. Lalong kumunot ang noo niya. Tiningnan niya isa-isa ang mga scouts. Kitang-kita niya ang balisa at pagod sa mukha ng mga ito. Pero mas kapansin-pansin ang labis na pag-aalala at takot sa mukha ng mga scouts.

Doon siya nakaramdam ng kaba.

Napatingin siya sa isang scout na si Jeff. Isa sa mga scouts na ilang taon na ring tumutulong kumuha ng supplies para sa grupo. Mas bata lang ito ng ilang taon kaysa sa kaniyang ama at Uncle Ark.

Napansin niya ang dugo sa bandang balikat nito. Hawak din kasi nito ang mukhang napuruhan na parteng iyon.

"Ano'ng nangyari? Nasaan si Uncle Ark? Nasaan ang iba?" nag-aalalang tanong niya.

Lumapit sa kaniya ang ama at pinisil ang balikat niya. "Bumalik ka muna sa tent mo, Margaret. Sa umaga na lang natin ito pag-usapan," sabi ng ama niya.

Lumayo siya rito. "Ano'ng nangyari?" tanong niya ulit.

Pagod na napabuntong-hininga si Seth. "Margaret---"

Pero hindi niya pinatapos ang kung ano mang sasabihin nito. "Nasaan si Uncle Ark? Ano ba talagang nangyari?"

Napatingin ang mga scouts kay Seth. Halatang hinihingi ang permiso ng lider nila kung maari ba silang magsabi ng kahit na ano.

Hinarap ng kaniyang ama ang mga tao. "Bukas ng umaga, ipapaliwanag namin lahat. Pero sa ngayon, hayaan niyo munang makapag-usap kami at bigyan ng oras na makapagpahinga ang mga scouts," ma-awtoridad na sabi nito.

Isa-isang nagsibalikan ang mga tao sa tent nila hanggang sa ang ama niya at mga scouts na lang ang natira. Nanatili siya sa puwesto niya. Hindi siya aalis. Lalo na at wala ang Uncle Ark niya.

Tiningnan siya ng mga ito. Ang ama niya ay napapailing sa kaniya. "Margaret, hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Bukas ng umaga ay---"

"Gusto kong malaman kung ano ang nangyari? Hindi na ako bata, ama! May isip na ako. May sarili na akong desisyon! Hindi mo na ako puwedeng itrato na parang bata!" sabi niya rito. Nang akmang magsasalita ito ay nagpatuloy siya. "Si Uncle Ark ang pinag-uusapan dito. Si Uncle Ark!"

Napahilot sa sentido ang ama bago diretso siyang tiningnan sa mga mata. "May nangyaring hindi maganda sa labas, Margaret. Naka-engkuwentro ng mga scouts ang mga Militar no'ng kumukuha sila ng supply ng pagkain sa labas ng wall," sabi nito.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon