13

421 131 8
                                    



Nang magising siya nang umagang 'yon, wala na sa tabi niya si Zach. Akala pa nga niya ay panaginip lang lahat dahil nakadamit na siya paggising niya.

Kung hindi lang sa Sun Flower na nakalagay sa gilid ng unan niya.

Doon niya lang naisip na kailangan ngang umalis ni Zach sa tent niya. Lalo na't anong oras na rin yata siyang nagising.

Hindi niya mapigilan ang mapangiti nang maalala ang nangyari nang nagdaang gabi.

Bigla ay naisip niya ang sinabi ni Zach. Na gusto na nitong kausapin ang Papa niya. Kinakabahan siya, pero hindi na rin naman niya gustong patago lang lahat ng pagkikita nila.

Kailangan lang nilang magpaliwanag nang maayos.

Nag-ayos siya ng sarili bago lumabas sa tent. Habang naglalakad ay iniinom niya ang tubig na dala niya. Pakiramdam niya ay mainit ang panahon ngayong araw.

Napadaan siya sa may kalakihang tent kung saan ito ang nagsisilbing opisina ng kaniyang Papa. Doon din nagaganap ang mga pribadong pag-uusap.

Sa taas ng tent na ito ay may bandera ng HLG ang nakalagay. Isang puting tela na sinulatan ng mga letrang HLG.

Matagal na nilang hindi ginagamit ang watawat ng bansa. Sa kadahilanang hindi na rin naman sila itinuturing na mamamayan ng sariling bansa.

Ang hindi sumusubod sa Gobyerno ay hindi na itinuturing na mamamayan ng bansa.

Kaya para sa mga ito, rebelde sila.

Kailangang ubusin.

May isa nga lang bagay na hindi niya pa rin maintindihan hanggang ngayon.

Bakit kinukuha ang mga rebeldeng babae at sapilitang ipinapasok sa loob? Ang mga bangkay rin ay kinukuha ng mga Militar para dalhin sa loob ng Wall.

May mga tao pa rin naman daw sa labas? Bakit sila ay hindi ginagalaw ng mga Militar?

Ano ba ang nangyayari?

Napabuntong-hininga siya. Kung sana ay may ideya man lang sila kung ano at sino ba talaga ang mga kalaban nila.

Kung bakit gano'n na lang ang kagustuhan ng Pamahalaan na mapasunod silang lahat.

At kung sino ang mga tao sa likod ng pag-uutos na hanapin lahat ang mga nananahimik na sanang katulad nila.

Aalis na sana siya dahil ayaw niya na ring istorbohin ang ama, pero narinig niya ang pagtatalo sa loob.

Lalapit pa sana siya kaso ay hinarang siya ng isang bantay. Umiling pa ito na ibig sabihin ay hindi puwede.

Kumunot ang noo niya. "Ano ang nangyayari?"

"Umalis ka na lang, Margaret," tanging sagot nito.

"Gusto ko lang malaman. Bakit parang nagtatalo sila sa loob?"

Napabuga ito ng hangin. "May ilang tao ang napadpad sa gate ng kampo kagabi. May ilang sugatan. Nakatakas lang sila sa mga Militar," sagot nito.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon