25

410 117 6
                                    



Hindi niya alam kung gaano na sila katagal nag-uusap ni Zach. Oo, alam niya nang Dylan ang pangalan nito, pero mas totoo ang pagkatao ni Zach. Dahil tinakasan nga nito ang pagiging anak ng Presidente bilang si Dylan Mondiego. At si Zach, 'yon ang totoong siya. Ang taong gusto niyang maging.

Malayo sa Dylan na inaasahan ng tatay nito na papalit sa puwesto niya. Alam niyang malaki ang posibilidad na ipasa kay Zach ang posisyon ng ama nito. Gano'n din si Fabio kay Athena. Balang-araw, silang dalawa ang magpapatuloy sa nasimulan ng mga magulang nila.

Kaya gano'n na lang pala kung itrato ang dalawa. Sila ang mangunguna oras na bumaba na ang Presidente at si Fabio sa mga tungkulin nila.

Akala niya ay makabubuti nga 'yon. Na kapag si Zach na ang naging Presidente, puwede na nitong baguhin ang mga baluktot na pamumuno ng ama nito. Gano'n din sa kapatid niya. Na kapag hindi na si Fabio ang nangunguna sa RMC, hindi na matutuloy ang pagkatay sa mga tao.

Pero hindi pala gano'n kadali 'yon. Dahil una sa lahat, kailangan nila ng mga tao na lalaban para sa kanila. Paano nga naman sila makakalaban kung puro tauhan ng Presidente at ni Fabio ang nakapalibot sa kanila?

Huminga siya nang malalim at yumakap kay Zach. Nakahiga na sila sa kama ngayon. Pabulong lang ang pag-uusap nila dahil sa takot na marinig sila ni Fabio. Alam niyang hindi sasaktan ni Fabio si Zach, pero siguradong mahihirapan na sila sa plano nila.

"Hindi ko pa rin maintindihan. Paanong nangyari ang mga 'to. Saan nagsimula. Sino ang may kasalanan?" tanong niya rito.

Hinaplos-haplos nito ang buhok niya. Kung normal na sitwasyon siguro, baka nakatulog na siya. Pero masyadong maraming katanungan ang utak niya na pati mismo ang antok ay walang lugar sa isipan niya.

Huminga nang malalim si Zach bago nagsimula. "Nagkaroon nang malaking problema noon dahil sa sobrang paglobo ng populasyon, Margaret. Naaalala mo ba ang mga kuwento ni Lolo Julius? Totoo ang lahat ng 'yon. Pero sinira ng mga tao ang mundo."

Humarap ito sa kaniya. Magkatapat ang mga mukha nila. Ang mga mata nito ay nakatitig lang din sa mga mata niya.

"Maraming litrato noon sa bahay. Noong bata pa ang Lolo ko. Kasing-edad na siguro siya ni Lolo Julius ngayon kung nabubuhay pa siya. Pero sa maniwala ka o hindi, mas naging malapit ako may Lolo Julius kaysa sa mismong lolo ko." Bahagyang may maliit na ngiti sa mga labi nito. "Ang ganda pa noon, Margaret. At bata pa lang ako, wala akong ibang ginusto kundi ang maibalik ang ganda noon. Kahit sa maliliit na paraan lang."

Hinaplos niya ang pisngi nito. Dahil malamig ang kuwarto ay ramdam na ramdam niya ang init ng balat ni Zach. "Kaya gusto mong mag-alaga ng mga halaman," pagkompirma niya sa sinabi nito.

Ngumiti si Zach sa kaniya at mabilis siyang ninakawan ng halik. Napangiti na lang din siya. Ayaw niya nang magliwanag pa. Gusto niyang makasama pa si Zach. Pamilyar na sa pakiramdam niya ang presensya nito.

"Maganda ang mundo, Margaret. Kaso unti-unting sinira ito ng mga tao. Hanggang sa hindi na nakontrol ang mga pangyayari. Sunod-sunod na bagyo. Matinding tag-init. Kakulangan sa mga pananim. At nagugutom na ang mga tao..."

"Kuha lang nang kuha ang mga tao, pero hindi sila marunong magbalik. Ang walang tigil na pagputol ng mga puno. Ang pagtatapon ng mga basura. Ang sobra-sobrang paggamit ng mga resources. Ang mga dagat, ilog at sapa na unti-unti na ring nasira. Ginawa ng mga tao 'yon sa sarili nila," pagkukuwento nito.

"At anong kinalaman ng mga 'yon sa nangyayari ngayon, Zach?" naguguluhang tanong niya rito.

Alam niya ang mga ikinukuwento ni Zach. Nabanggit na ni Lolo Julius ang mga trahedyang 'yon. Pati ang Papa niya ay nasabi na ang istorya tungkol sa dahan-dahang pagkasira ng kalikasan noon. Pero hindi ang dahilan ng pagkawasak ng mga tao ngayon. Kung paanong humantong ang lahat sa ganito.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon