3

556 140 12
                                    



"Ano'ng ginagawa mo rito sa loob ng tent ko, Margaret?"

Kahit malinaw at klaro ang sinabi nito, hindi niya alam kung bakit hindi niya mahanap ang boses niya. Baka dahil alam niya sa sarili niya na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng babae sa tent ng lalaki, gano'n din naman ang lalaki sa tent ng kababaihan. O baka dahil masyado itong malapit sa kaniya na nararamdaman niya na ang hininga nito malapit sa tenga niya nang magsalita ito.

At alam niyang wala itong damit.

"Uulitin ko. Ano'ng ginagawa mo sa loob ng tent ko, Margaret?" tanong ulit nito.

Napalunok siya. Pakiramdam niya ay kinilabutan siya nang tumama ang hininga nito sa balat niya. Ngayon niya lang nalaman na sensitibo pala ang tenga niya para kilabutan siya ng gano'n.

Bigla tuloy niyang naalala ang mga pangaral at turo ng Uncle Ark niya. Na 'wag siya masyadong dumikit sa mga lalaki. Na 'wag niyang hahayaang mailagay ang sarili na maaaring pagsisihan niya.

Mukhang itong sitwasyon niya ngayon ang tinutukoy ng Uncle Ark niya.

Naramdaman niya ang bahagyang paglayo ni Zach. Nawala kasi ang init ng katawan nito na halos nakadikit na sa kaniya kanina.

Doon niya pinakawalan ang malalim na paghinga. Naramdaman niya rin na pinagpapawisan siya. Nakakatawa lang, malamig kasi ang panahon. Hindi niya tuloy maintindihan kung bakit siya pinagpapawisan ng gano'n.

Huminga pa siya nang malalim bago tuluyang hinarap si Zach. Blangko ang mukha na nakatitig ito sa kaniya. Kagaya ng dati, magkakrus na naman ang mga braso nito. Palagi na lang nakahalukipkip ang lalaking ito.

"Alam ba ni Seth na pumapasok ka sa tent ng lalaki, Margaret?" tanong nito nang nanatili siyang tahimik.

Bigla ay nakaramdam siya ng kaba. Kung galit na nga ang kaniyang ama sa kaniya, mas lalong magagalit ito kapag nalamang pumasok siya sa tent ng lalaki. At ang masama, sa tent pa ni Zach. Sa lalaking pinag-iingat siya ng kaniyang ama.

Napayuko siya. Kapag nalaman ng ama niya ang ginawa niya, mas lalong lagot siya.

"Alam mo ba kung bakit mahigpit na ipinagbabawal na pumasok sa tent ng lalaki, Margaret?" nakangising tanong ni Zach.

Napaikot ang mata niya dahil sa sinabi nito. Alam niya. Lahat sila ay alam. Hindi na nito kailangan pang ipaalala ang sitwasyon nilang lahat.

"Kailangan ko ng tulong mo," diretsong sabi niya rito. Tutal naman ay nandito na siya. Gising na rin ito. Eh 'di sasabihin niya na rin kung ano ang sadya niya.

Tumaas ang isang kilay nito bago napabuntong-hininga. "Hindi kita matutulungan," sagot agad nito.

"Please. Parang awa mo na. Kailangan ko ng tulong. Ikaw lang ang malalapitan ko," pagmamakaawa niya rito.

Nagsalubong ang mga kilay nito. "Bakit hindi ka manghingi ng tulong kay Seth? O kaya sa mga scouts? Bakit ako ang guguluhin mo?" kunot ang noo na sabi nito.

Huminga siya nang malalim bago walang pasabi na umupo sa higaan nito. "Nakauwi na ang mga scouts..."

Nakita niya ang pagkunot ng noo nito. Marahil ay nagtataka kung bakit sinasabi niya, o kung bakit maagang umuwi ang mga ito. Alin man do'n sa dalawa, mukhang hindi ito interesadong makinig.

Nagpatuloy siya. "Napalaban sila sa mga militar. May mga scouts na hindi na nakasama pauwi. Isa na si Uncle Ark do'n."

Nakita niya ang pag-aalala sa mukha nito. Kahit saglit lang. Kahit dumaan lang sa mga mata nito. Nakita niya.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon