5

529 138 34
                                    



Dalawang araw ng ginugulo ni Zach ang isipan niya. Dalawang araw na rin siyang umiiwas dito. Nawala bigla ang kagustuhan niyang sundan ito. Paano kung mangyari na naman ang nangyari sa paliguan? Tapos ay malaman o makita ng ama niya?

Napailing siya. Hindi niya dapat hinayaang umabot sa gano'n. Baka mapatay pa ng ama niya si Zach.

Napabuga siya ng hangin. "Kung nandito ka lang sana, Uncle Ark," bulong niya.

Nami-miss niya na ito. At sa mas lumilipas na mga araw ay mas nag-aalala siya. Paano kung pinapahirapan ito at ang ibang mga scouts na nahuli rin ng mga militar? Paano kung sinasaktan ang mga ito para paaminin kung saan ang lokasyon ng kampo nila?

Baka nga tama ang narinig niyang sinabi ng ama sa iba pang mga scouts no'ng nakaraang araw. Na sana ay namatay na lang ang mga kasamahan kaysa nahuli ng Pamahalaan. Para hindi na masaktan pa ang mga ito.

Tumayo siya mula sa pagkakahiga sa higaan niya. Naiinis na kinastigo ang sarili. Paano niya nagawang isipin na mas mabuting mamatay na lang ang mga kasama? Na mas mabuting mamatay na lang ang Uncle Ark niya na simula bata ay kasama niya na?

Hindi ba't mahalaga ang bawat buhay kaya nga sila lumalaban? Mahalaga ang bawat tao.

Ano'ng mabuti sa paghiling sa kamatayan ng mga ito dahil naduduwag lang silang lumaban?

Kung tutuusin ay gano'n naman na ang ginagawa nila sa loob nang mahabang panahon.

Lumalaban.

Tuluyan na siyang bumangon sa pagkakahiga at lumabas sa tent niya. Bigayan ng rasyon ngayong araw. Ayaw niyang mahuli sa pila. Papagalitan din siya ng kaniyang ama kapag nagkataon.

Ang ama niya na hanggang ngayon ay kasamaan pa rin niya ng loob. Hindi niya kasi maintindihan kung paanong tinanggap nito ng gano'n na lang ang pagkawala ng Uncle Ark niya. Gayong buong buhay ay magkasama ang dalawa.

Masama ang loob niya. Nagagalit siya.

Lalo na sa sarili niya. Siguro kung hindi siya ipinanganak na babae ay hindi siya magiging alagain. Hindi niya kailangan ng proteksyon.

Pero gano'n talaga. Ang sabi nga ng mga nakatatanda, isang sumpa na ang maging babae sa panahon ngayon. Lalo na at talamak pa rin ang sapilitang pagkuha ng mga militar sa mga kababaihan.

Habang papunta sa hall kung saan nagbibigay ng rasyon, dumaan muna siya sa pader kung saan nakasulat ang pangalan ng mga scouts.

Nakahinga siya nang maluwag nang makitang hindi pa rin ine-ekisan ang pangalan ng Uncle Ark niya. Siguro marahil ay dahil utos din ng kaniyang ama.

Magagalit talaga siya kapag may gumawa no'n sa pangalan ng Uncle Ark niya.

"Bakit kaya hindi pa ine-ekisan ang pangalan ni Ark?" Mabilis na napalingon siya sa pinanggalingan ng boses sa likuran niya.

Seryosong nakatitig si Zach sa pangalan habang magkasalubong ang mga braso nito. Ilang saglit pa ay bumaba ang mga mata nito sa kaniya. Tila naghihintay sa isasagot niya.

Ibinalik niya ang paningin sa pangalan ng Uncle Ark niya. "Dahil hindi pa siya patay," simpleng sagot niya.

Bigla ay nakaramdam siya nang matinding pagkailang dito. Hindi lang dahil sa nangyari sa paliguan, kundi dahil na rin sa sinabi nito. Na gusto siya nito.

Naalala niyang mabilis siyang umalis sa paliguan no'n. Iniwan itong mag-isa. Ano ang sasabihin niya? Wala pa rin siyang tiwala rito. Pakiramdam niya ay isang malaking sikreto ang lalaking ito. Mas maraming itinatago kaysa sa sinasabing katotohanan.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon