14

410 130 1
                                    



"Hindi ko pa rin gusto itong ideya na lalabas ka, pero tama ka. Kaya mo na. Basta mag-iingat ka sa labas. 'Wag kang kikilos na ikakapahamak mo at ng mga kasama mo," seryosong wika ng ama niya.

Huminga siya nang malalim at tumango rito.

Sa totoo lang, kinakabahan na siya. Ngayong tunay na ang lahat, na hindi na niya kailangang tumakas para makalabas. Ngayong sa wakas ay hinayaan na siya ng kaniyang ama, nakakaramdan na siya ng takot.

Lumapit ang Papa niya sa kaniya at inabot ang isang baril at maliit na kutsilyo. Agad niyang kinuha ang mga 'yon.

"M-Mga gamit 'yan ng Mama mo. H-Hindi ko nagamit. H-Hindi ko kayang gamitin." Napalunok ito bago nagpatuloy. "Naisip ko na ring itapon ang mga 'yan noon pero parang may pumipigil sa akin. Ngayon alam ko na kung bakit," bahagyang nakangiting sabi nito.

Mahigpit na niyakap niya ito. Alam niyang mahirap para rito ang pakawalan siya. Ang bigyan siya nang kalayaan. Ang pabayaan na siyang magdesisyon para sa sarili niya.

Pero ginawa pa rin nito. Dahil naniniwala ito sa kaniya.

At hindi niya bibiguin si Seth. Lider ng samahang HLG.

At mas lalong hindi niya bibiguin ang Papa niya.

"Marami pong salamat. Maraming salamat," mahinang sabi niya rito.

Mas niyakap siya nito nang mahigpit. Na parang kung ito lang ang tatanungin at papipiliin, hindi na siya nito paaalisin. Kahit kailan.

"Basta't umuwi ka ng ligtas, Margaret. Bumalik ka lang sa akin, anak. Iyon lang ang gusto ko," sagot nito.

Ilang saglit pa ay nagbitiw na sila sa kanilang yakap. Bahagya siyang napatingin sa paligid. Iilan lang silang tutulong sa pagligtas sa kasamahan ng mga estranghero.

Isa na si Rose do'n na halatang handang-handa na sa paglabas. Katabi nito ang dalawa nitong kuya na napilitang sumama para protektahan ang kapatid.

Ilan sa mga ayaw sanang tumulong ang mga kuya ni Rose. Ngunit nang nagpumilit si Rose na lumabas at tumulong sa kadahilanang may babae rin namang pinayagang lumabas, at nakapag-training din naman ito noon, pinayagan na ito.

Dahil kung tutuusin, mga boluntaryo ang kailangan nila. At kahit labas sa ilong ang pagboboluntaryo ng mga kuya ni Rose, wala na siyang pakialam. Kailangan nila ang tulong ng mga ito.

Karamihan sa mga scouts ay hindi kasama. Isa na ro'n si Rex. Pero ayos lang din 'yon. Kailangan pa rin ng kampo nila ng mga bantay. At kung ang lahat ay nasa labas, hindi ligtas sa kampo nila.

Napatingin siya sa mga estranghero na handa na ring lumabas nang mga sandaling iyon. Kitang-kita ang determinasyon sa mata ng mga ito na iligtas ang mga kasamahan.

Tiningnan niya si Zach na nagpapaalam ulit sa matandang si Julius. Pamilyar ang eksenang iyon sa kaniya. Ang pagkakaiba nga lang, kasama na rin siyang lalabas.

Nang sa tingin nila ay tapos ng magpaalam ang lahat ay nagtipon na silang mga lalabas sa tapat ng gate.

Napabuga siya ng hangin. Naramdaman din niya ang panlalamig ng mga kamay.

Napalingon siya sa taong tumayo sa bandang kaliwa niya. Si Rose. Nakangiting tinanguan siya nito. Kahit papaano ay kumalma ang kalooban niya.

Tumingin siya sa nakatayo sa tabi niya sa bandang kanan. Ang mainit nitong mga palad ay hinawakan ang nanlalamig niyang kamay dahil sa kaba.

Isang marahang pagpisil sa kamay niya mula sa mainit na kamay na 'yon ay nawala ang lahat ng pangamba niya.

Hindi siya nag-iisa.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon