29

371 82 4
                                    



"Matatapos na itong lahat. Tatapusin na natin ito."

Sasagot pa sana siya nang makarinig sila nang mahinang pagkatok sa pintuan ng kuwarto. Dahan-dahan siyang lumapit sa pinto. Gano'n din ang ginawa ni Zach, pero nanatili itong nakatago sa likod ng pintuan. Para lang makasiguro. Mamaya ay si Fabio pala ang kumakatok.

Marahan niyang binuksan ang pinto at ang mukha ng Mama niya ang nakita niya. 'Saka niya tuluyang binuksan ang pintuan.

"Nakatulog na si Fabio," mahinang sabi nito.

Nang marinig 'yon ay lumabas si Zach mula sa likuran ng pinto. "Oras na kung gano'n," sabi naman nito.

Tumango ang Mama niya bago siya hinarap. "Wala ka bang ibang dadalhin?"

Umiling siya rito. Bukod sa Baril, kutsilyo at sulat ni Athena, wala na siyang ibang gusto pang bitbitin. Napansin niya rin ang maliit na bag na bitbit ng Mama niya.

Napangiti siya sa kabila ng kaba. Kasama niya ang mga taong importante sa kaniya. Isa iyon sa mga handa siyang ipaglaban. Kahit mahirapan pa siya.

Sabay-sabay silang lumabas ng kuwarto at maingat na isinara ang pinto bago sunod na pinuntahan si Athena. Tatlong katok ang ginawa ni Zach sa kuwarto nito bago ito nagbukas ng pinto. Kagaya ng Mama niya, may maliit na bag ding bitbit si Athena.

"Tulog na siya?" tanong nito na ang tinutukoy ay si Fabio.

Tumango ang Mama nila bilang sagot dito. Huminga nang malalim si Athena bago iginala ang paningin sa loob ng kuwarto nito. Alam niyang mahirap para rito ang iwan ang buhay na kinasanayan niya na, pero hindi ang buhay na ito ang nararapat sa kapatid niya.

At maiintindihan 'yon ni Athena kapag nakatakas na sila. Kapag nakalaya na sila. Sisiguradihan niyang maiintindihan 'yon nang maayos ng kapatid niya.

"Tara na," pag-aya ni Zach sa kanila.

Isa pang beses ay muling iginala ni Athena ang paningin sa paligid bago huminga nang malalim. Tumango ito at lumabas na ng kuwarto. Kagaya niya, marahan din nitong isinara ang pinto.

Inilahad niya ang kanang kamay sa kapatid. Sa mga sandaling 'yon, alam niya, nararamdaman niya na kailangan nito nang makakapitan. Dahil aminin man nito o hindi, natatakot ito. Gumaan ang pakiramdam niya nang abutin nito ang kamay niya at humawak nang mahigpit.

"Aalis na tayo. Magkasama tayo."

Unti-unting sumilip ang maliit na ngiti sa mukha nito. Napalingon siya kay Zach nang maramdaman ang paghawak nito sa kaliwang kamay niya bago iyon masuyong pinisil.

"Tara na," sabi nito.

Kasama ng Mama niya, ni Zach at Athena, ay sabay-sabay at tahimik na bumaba na sila. Kung tutuusin ay hindi na nila kailangang mag-ingat sa pagkilos, dahil siguradong hindi na magigising si Fabio sa tatlong tabletang pampatulog na ipinainom dito ng Mama nila.

Pero gusto pa rin nilang mag-ingat.

Pagdating sa baba ay ang madilim na sala ang naabutan nila. Hindi na dapat nila pinatay ang ilaw kanina. Dahan-dahan silang naglakad hanggang sa halos makarating na sila sa pinto.

Kaunti na lang. Naaamoy niya na ang kalayaan.

At nang nasa tapat na sila mismo ng pintuan ay nagulat sila nang biglang bumukas ang ilaw.

Nanlalaki ang mga mata na napatingin sila kay Fabio na prenteng nakatayo at may hawak na baril na ngayon ay nakatutok na sa kanila.

Umiiling na sinenyasan sila nitong umatras palayo sa pinto. Na ginawa nila kaagad dahil mukhang anumang segundo ay hindi ito mag-aatubiling paputukin ang baril sa direksyon nila.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon