9

447 134 10
                                    



Huminga siya nang malalim at napatingin sa harapan ng tent ni Zach. Bigla ay naalala niya ang pagpasok niya noon sa tent nito.

Napapailing siya habang hindi mapigilan ang pagngiti. Kung nalaman ng ama niya ang pangyayaring 'yon, hindi siya nito uutusang palihim na puntahan si Zach para mag-abot ng gamot.

Masuwerte pa rin sila. Paano pa kaya kung malaman ng ama ang nangyari sa paliguan? Baka dagdagan pa nito ang tama sa tagiliran ni Zach.

Nakagat niya ang ibabang bahagi ng labi. Hindi niya alam kung bakit kinakabahan na siya ngayon na makita nang malapitan si Zach. Noon naman ay wala siyang pakialam.

Mas lumapit siya sa tent. "Zach, gising ka pa ba?" mahinang tanong niya.

Naghintay lang siya. Ayaw niyang maulit ang ginawa niyang katangahan noon. Hindi pa rin kasi tama na bigla na lang pumasok sa tent ng iba, lalo na kung lalaki ang tumutuloy do'n.

Nang ilang sandali pang walang sumasagot ay aalis na dapat siya. Pero narinig niya ang mga kaluskos ng taong kumikilos sa loob.

Ilang saglit pa ay binuksan nang maliit ni Zach ang tent. Sapat lang para sumilip.

Kunot ang noo na napatitig ito sa kaniya. Halata ang pagtataka sa mga mata nito. "Anong oras na, Margaret. May kailangan ka?" tanong nito.

Base sa itsura nito, mukhang hindi ito makatulog nang maayos.

Iniisip niya tuloy kung dahil ba sa aksidenteng nangyari, o dahil sa sugat nito.

At mukhang pagod ito. Pagod na hindi magawang makapagpahinga nang mabuti.

"May dala akong gamot. Alam kong may sugat ka. Inutusan ako ni ama," mahinang sagot niya rito.

Tila nabigla ito sa sinabi niya. Hindi makapaniwala. Medyo umawang ang bibig nito. At ang antok na halata sa mukha nito kanina ay napalitan ng ekspresyon nang pagkagulat.

Hindi niya ito masisisi. Baka nga pakiramdam nito ay palalayasin na siya sa kampo.

Pero kahit marami silang hindi pagkakaintindihan ng kaniyang ama, alam niyang mabuti itong tao.

"Papapasukin mo ba ako o ganito na lang tayo hanggang mag-umaga?" nakataas ang kilay na tanong niya rito.

Nagmamadaling nilakihan ni Zach ang pagbukas sa tent para makapasok siya. Kapansin-pansin kaagad ang mga bagong gamit sa kuwarto nito.

Mukhang marami rin itong nakuha sa labas.

Nang marinig ang pagsara ni Zach sa tent ay hinarap niya ito. Ang sugat nito sa tagiliran ang bumungad sa kaniya.

Pinaupo niya ito sa higaan at tiningnan iyon. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang hindi naman malalim ang tama. Halos nadaplisan lang. Pero mas maigi nang malinis ito bago pa lumala nang dahil sa impeksyon.

"Salamat, Margaret," mahinang sabi nito.

Napatingin siya rito. Pinapanuod siya nito habang nililinisan naman niya ang sugat nito.

Ito na naman ang mga tingin nito na parang tumatagos sa kalamnan niya. Ang mga tingin na parang may nakikita ito sa kaniya na hindi magawang makita ng iba.

Dahil si Zach lang ang tumitingin ng gano'n sa kaniya.

"Walang anuman." Mahinang sagot niya at ipinagpatuloy ang ginagawa.

At nang binabalutan niya na ng benda ang sugat nito, hindi niya mapigilang mapalunok habang tumatama ang mga kamay niya sa mainit na balat ni Zach.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon