22

345 117 23
                                    



Halos dalawang oras na rin nang umalis sila Athena para kamustahin daw ang kakauwi pa lang na anak ng Presidente. Sa totoo lang, parang gusto niyang maawa sa Dylan na 'yon.

Dahil mukhang hindi masaya ang kapatid niya na bumalik ito sa loob ng Wall. Pero mukhang siya lang naman ang nakapansin no'n.

Ngayon ay mag-isa lang siya sa bahay. At napansin niya rin na may dalawang Militar na nagbabantay sa labas. Wala naman siyang planong tumakas ulit, pero nakakainis pa rin isipin na wala siyang kalayaan.

Nakahiga lang siya at nakatitig sa kisame ng kuwarto niya. Bukod doon, wala na rin naman puwedeng gawin pa. Palihim tuloy niyang hiniling na sana ay hindi rin pinasama si Athena. Kung nagkataon sana, mas mapag-uusapan nila ang tungkol sa pagtakas na gagawin niya.

Nababagot na bumangon siya. Tutal wala namang ibang tao, kakain siya.

Nagmamadaling bumaba siya at dumiretso sa kusina. Agad niyang binuksan ang ref kung saan nakikita niyang madalas na kumuha ng pagkaing lulutuin ang Mama niya.

Bumungad kaagad sa kaniya ang karne. At muntik niya pa tuloy maibalibag ang pintuan ng ref. Bumaliktad na naman ang sikmura niya.

Kanino naman kayang karne ito?

Iniwas niya ang tingin sa karne at nilibot ang paningin sa iba pang laman ng ref. Nakahinga siya nang maluwag nang may makitang prutas. Kumuha siya ng dalawang pulang prutas at isinara ang ref.

Magalit man si Fabio kung sakaling malaman nito, ang mahalaga ay nalagyan ng laman ang tiyan niya. Mababawasan ang gutom niya.

Nilinisan niya sa gripo ang prutas at diretso iyong kinagat. At sa kabila nang mapait at mapakla nitong lasa, nasarapan siya sa kinakain niya.

Sisimulan niya nang sanayin ang sarili na puro prutas o gulay lang ang kainin kagaya ng bilin ng kapatid niya. Hinding-hindi siya kakain ng karne ng tao.

Hindi siya papayag na maging katulad ng mga tao sa loob ng Wall.

Nang maubos ang pangalawang prutas niya ay biglang may ideyang pumasok sa isip niya. Tutal siya lang naman mag-isa sa loob ng bahay ng mga sandaling iyon, napag-isipan niyang maghanap ng kahit na anong puwedeng magamit niya.

Ang una niyang sinilip ay ang lagayan ng kutsilyo. Tiningnan niya ang mga 'yon na nakalagay rin sa lababo sa kusina. Kung kukunin siguro niya ang pinakamaliit ay walang makakapansin, 'di ba?

Kinuha nga niya 'yon at inilagay sa likuran niya. Sakto rin na may takip na tila tela ang kutsilyong 'yon.

Umakyat siya sa taas at pumasok sa kuwarto ng Mama niya at ni Fabio. Mas malaki ito kumpara sa kuwartong tinutuluyan niya. Malaki ang kamang gawa sa kahoy na nakalagay sa gitna. Marami ring unan sa kama.

Kagaya sa kuwarto niya, may mga pintuan din sa loob. Inisa-isa niya ang mga pintuan na 'yon pero tanging ang damitan at CR lang ang nakita niya. Sinubukan niya ring maghanap ng kahit na ano sa mga gamit na nando'n, pero wala siyang mahanap na maaaring magamit niya.

Mukhang malabong makahanap siya ng kahit na ano sa kuwartong 'yon kaya sumunod na sinilip niya ay ang sa kapatid niya. Oo nga't nakapasok na siya sa silid na 'yon, pero nando'n ang kapatid niya no'n at wala rin siyang hinahanap na kahit na ano.

Pagkapasok ay napansin niyang malinis na ang kuwarto. Ang mga papel na nagkalat ay wala na. Marahil ay naitapon na nang maayos ni Athena.

Binuksan niya rin ang pinto kung saan nakalagay ang mga damit nito, pero wala rin siyang nahanap.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon