17

407 118 15
                                    



Hindi niya mapigilang paulit-ulit na kagatin ang ibabang bahagi ng labi niya. Hindi nga rin niya alam kung makakakain ba siya nang maayos dahil sa sobrang pagkailang sa mga bagong mukha na nakikita niya.

Ang asawa ng Mama niya.

At ang kapatid niya. Si Athena.

Tahimik lang sila at ilang sandali ring nagpapakiramdaman lang. Kung siya ang tatanungin, masyadong mabigat ang aura ng asawa ng kaniyang ina. Hindi na kailangan ng mga salita. Alam niya na.

Hindi bukal sa loob nito ang pagdating niya sa buhay nila.

At ang kapatid niya. Hindi niya alam kung ano, pero siguro dahil na rin sa kahit papaano ay may koneksyon sila, kaya kahit hindi siya nito pinapansin ay hindi mabigat ang pakiramdam niya rito.

At kung tutuusin, hindi niya maramdaman ang ilang taon na hindi niya ito nakilala at nakasama.

Baka may pag-asa siya. Baka makuha niya nga ang loob nito at tulungan siya.

At sana, sana ay sumama ito sa kaniya.

Napalingon silang lahat nang tumikhim si Fabio. Iminuwestra nito ang pagkain bago nagsalita. "Kumain na tayo. Lalamig na 'to."

Napatingin siya sa mga pagkain. Hindi siya makapaniwala sa mga nakikita niya. At mas lalong hindi niya lubos maisip na apat lang silang kakain, pero gano'ng karami ang nakalagay sa lamesa.

May mga prutas at gulay sa lamesa. Mga pagkain na kahit kailan ay hindi niya lubos naisip na magsasama-sama sa isang hapag lang.

At ang mukhang masarap na karne. Kanina pa siya palihim na inaamoy ang pagkain. At ang amoy ng karne ang nangingibabaw sa lahat.

Mukhang mataba at malaman. Malayo sa karne ng daga na madalas nilang kainin sa kampo.

Bigla ay tila nag-aalburoto ang tiyan niya. Parang ipinapaalam sa kaniya na sabik din ito na malagyan ng mga pagkain na hindi niya makakain sa labas ng Wall.

Isa-isang nagsalin ng pagkain ang pamilya, at siya ay hindi alam kung sasabay rin sa pagkuha.

Nahihiya siya. Normal ba rito na kumain lang nang hindi iniisip ang dami ng kinakain o kung mapapalitan ba ang mga pagkain na ipapasok nila sa tiyan nila?

Hindi ba niya pagtatrabahuhan ang pagkain niya?

Ang Mama niya at asawa nito ay kumuha ng karne na inilagay sa plato nila. Naglagay rin ang mga ito ng gulay. Samantalang si Athena ay prutas at gulay lang ang nasa plato.

Napatitig siya sa kapatid. Sa dami ng pagkain sa lamesa, nagtataka siya kung bakit tila mas mapayat ito kaysa sa kanilang mga nasa labas ng Wall na halos karne ng daga o kung anong ligaw na hayop lang na nakakain nila.

"Kumain ka ng karne, Athena," madiin na sabi ni Fabio. Seryoso ang mga tingin na ipinupukol nito sa anak.

Nakita niya ang paghigpit sa pagkakahawak sa kutsara at tinidor ni Athena. Kaunti pa at baka mabaluktot na nito ang mga kubiyertos.

Ngunit umakto si Athena na tila walang naririnig at ipinagpatuloy ang pagkain sa prutas at gulay. Hindi niya alam kung bakit gano'n ang kapatid. Marahil ay nag-aalala lang ang tatay nito sa kalusugan niya. Dahil kung siya ang tatanungin, kailangan ni Athena ng karne sa katawan niya. Mapayat na ito.

"Margaret, kumain ka na," nakangiting sabi ng Mama niya.

Nag-iwas siya ng tingin sa kapatid nang lumingon ito sa kaniya. Dahil ang prutas ang mas malapit ay iyon ang inabot niya. Nilagyan niya ng dalawang hiwa ng dilaw na pahabang prutas ang plato niya. Alam niya 'yon.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon