24

370 116 1
                                    



Kumatok siya ng tatlong beses sa kuwarto ni Athena. Narinig niya ang pagkilos nito sa loob. Ilang saglit lang ay gumawa lang ito nang maliit na siwang para silipin kung sino ang kumakatok.

Hating-gabi na at hindi pa rin siya makatulog kaya naisipan na lang niyang puntahan ito.

"Puwede bang pumasok?" tanong niya rito.

Pinagbuksan naman siya nito. Pagkapasok niya ay isinara at nag-lock din kaagad ito ng pinto.

Malinis na ang kuwarto nito ngayon. Wala ng mga nagkalat na papel sa sahig.

"May kailangan ka ba?" kalaunan ay tanong nito sa kaniya.

Umiling siya rito at komportableng umupo sa kama nito. Tinapik niya ang espasyo sa tabi niya at sumunod naman ito. Tahimik lamang sila.

Ilang sandali pa ay humiga ang kapatid niya at ginawang unan ang hita niya. Nakapikit lang ang mga mata nito. Pinagmasdan niya ang kapatid. Ang ilong nito na may katangusan. Ang mga labing medyo mapula. Sinuklay-suklay niya ang buhok nito gamit ang kamay niya. May pagkakulot sa dulo ang may kahabaang buhok nito.

"Athena?"

"Hmmmm."

Napakagat-labi siya. Nagdadalawang-isip kung itutuloy ang gusto niyang itanong. Sa huli ay napagdesisyonan niyang itanong na lang. Para wala nang bumagabag sa isipan niya.

"Nakita ko ang mga iginuhit mo," sabi niya rito.

Nagmulat ito ng mga mata. Nagsalubong na rin ang mga kilay nito. "Sabi ko na eh. Parang may nangialam sa gamit ko," masungit na sagot nito.

Napangiti siya. Sa kabila ng pagsusungit, alam niyang hindi ito galit sa ginawa niya.

"'Yong lalaki na iginuhit mo..." Iniwan niya na lang ang mga salita sa hangin. Alam niyang naiintindihan nito ang gusto niyang itanong.

"1-7-5," maikling sagot nito.

Kunot ang noo na pinagmasdan niya ang kapatid. Hinihintay na magpatuloy ito. Nang hindi ito nagpatuloy ay pinisil niya ang pisngi nito dahilan para magdilat ito ng mga mata at samaan siya ng tingin.

"Aray! Masakit ha!" inis na sabi nito.

Pinigilan niyang matawa sa itsura nito. Parang bata na napipikon pero hindi naman lalaban. "Anong 1-7-5 kasi? 'Yong lalaki na iginuhit mo ang itinatanong ko!"

Nag-ikot ito ng mga mata bago pumikit. Mas ginawa ring komportable ang sarili sa pag-unan sa mga hita niya. "Wala siyang pangalan. Walang pangalan ang mga utusan. Numero lang. 1-7-5 or One Hundred Seventy-five. 'Yon ang tawag sa kaniya," mahinang sagot nito.

Kumunot ang noo niya. Ibig bang sabihin no'n ay marami pang numero dahil marami pang mga utusan?

"At anong kinalaman niya sa'yo?" tanong niya rito. Bahagya ring tumaas ang kilay niya.

Nakita niya ang dahan-dahang pamumula ng pisngi nito. Dahil maputi si Athena ay kapansin-pansin 'yon. Pinisil niya ulit ang pisngi nitong namula na nang tuluyan nang hindi ito sumagot.

Naiinis na tinapik nito ang kamay niya. "Sinabi nang masakit eh!"

"Ano nga?!"

Sumimangot ito. "G-Gusto ko siya, okay?! Now shut up! Ang dami mong tanong." nakasimangot na sabi nito.

Hindi na nga siya nagtanong. Sapat ng nakompirma niya ang hinala niya. May nagugustuhan na nga ang kapatid niya. Nakakaawa lang kasi alam niyang hindi 'yon papayagan ni Fabio.

Ruined (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon