Taong 2008 ng mangyari to. Hindi ko na tanda kung anong eksaktong buwan. Ako at ang pinsan kong si Julio ay natutulog sa Baranggay Hall namin kahit pinagbabawalan kami ng mga tanod. Pero dahil nga matigas ang ulo namin, doon pa rin kami natutulog pero gumigising kami ng maaga para walang makakita sa amin. Mga 4:30 AM gumigising na kami kasi nagjo-jogging kami tuwing madaling araw.
Isang normal na umaga lang para sa amin ni Julio noong nagising kami nang araw na iyon. Bilang nakasanayan namin, lilibutin muna namin ng sampung beses ang basketball court na katabi lang mismo ng Baranggay Hall namin bilang warm-up bago kami magjogging papuntang ilog. Noong nagstart na kaming magjogging, nagkukwentuhan lang kami. Dalawa lang kami sa lugar namin na gumigising ng ganoon kaaga. Maliit lang ang Sitio namin kaya alam na alam namin kung anong oras nagsisigising ang mga tao roon. Habang nagjo-jogging kami palapit sa may sapa, ang lakas ng tawanan namin kasi nakakatawa iyong pinag-uusapan namin. Diretso lang ang tingin ko sa daan;nasa kanang bahagi ako at sa kaliwa naman ang pinsan ko. Maya maya, may biglang sumigaw ng ""neh"" nang napakatinis pero boses matandang lalake. Pagtingin ko sa malaking bato sa may sapa, katapat ko na ito at may nakita akong napakaliit na anyong tao pero matanda na ito. Tila ba nagulat siya kaya siya napasigaw ng ""neh""! Alam kong hindi tao iyon kasi unang una: Sobrang liit niya kung ihahalintulad sa size ng mga normal na matatandang lalake. Mga hanggang tuhod lang ang laki nito at nakasuot ng brown na long-sleeve, naka-cap, nakasuot ng parang 3/4 na pantalon at may hawak itong kahoy kung saan nasa dulo nito ang kaniyang bag. Kung ano ang itsura nang Seven dwarves ni Snow White sa cartoons, ganun na ganun. Naiba lang iyong cap kasi normal na cap ang suot niya at hindi pa-triangle iyong dulo nito. Pangalawa: Walang taong pupunta roon ng ganun ka-aga kasi nga, napaka-imposible talaga at wala siyang gagawin doon. Tulad na rin ng nasabi ko, kaming dalawa lang ng pinsan ko ang gumigising ng ganun ka-aga.
Pagkarinig ko ng matinis niyang boses, bigla na lang akong tumakbo ng napakabilis. Hindi ko na namalayan na binabangga ko na iyong pinsan ko pakaliwa para lang makalayo ako sa may malaking bato. Ito iyong unang araw sa buong buhay ko na nakaramdam ako ng kakaiba. As in kakaiba. Ganito ang naramdaman ko noon;sobrang bilis kong tumakbo, sobrang bilis ng tibok ng puso ko, at kahit na pawis na pawis ako at mainit ang katawan ko, bigla na lang lumamig ang pakiramdam ko at pati ang mga pawis ko. Habang tumatakbo ako, pakiramdam ko para akong lumilipad kasi bawat hakbang ko, pakiramdam ko ang tagal bumagsak ng mga paa ko sa lupa at tila ba tumatalon ako tuwing humahakbang ako. Ramdam ko rin na nakataas ang aking buhok at mga balahibo sa katawan. Ito siguro iyong tinatawag nilang adrenaline rush na unang beses ko lang naranasan sa buong buhay ko.
Noong nakalayo na ako sa may sapa, huminto ako at nagpahinga. Doon parang nahimasmasan ako. Ang layo na pala ng tinakbo ko pero saka lang ako nakaramdamn ng pagod noong huminto ako. Noong tinignan ko iyong pinsan ko, sobrang layo namin sa isa't isa. Siguro mga limampung metro ang aming pagitan. Noong nakarating na siya sa kinatatayuan ko, pagod na pagod siya at naghahabol ng hininga. Noong medyo nakakahinga na siya ng normal, tinanong niya ako kung bakit daw ako tumakbo ng napakabilis at iniwanan ko siya. Nagulat lang daw siya kaya rin siya tumakbo ng mabilis. Akala ko alam niya peroo hindi pala. Kaya kinuwento ko sakanya kung anong nangyari.
Matapos ang ilang sandali naming pagpapahinga, naglakas loob kaming bumalik doon sa may sapa. Pero pagdating namin doon, wala na iyong maliit na matanda roon sa ibabaw ng malaking bato. Dumiretso na lang kami sa ilog para maligo at umuwi na kami. Baka may magtanong kung bakit kami sa ilog naligo kaya sasagutin ko na agad. Walang tubig ang sapa kasi pa Cuaresma na noon. Natutuyo kasi ang mga sapa sa amin kapag panahon ng tag-init. Hindi ako nakakakita ng mga multo o kung anumang mga bagay na hindi nakikita ng mga normal na tao pero malakas ang aking pakiramdam at sa araw na ito nga ay nakakita ako ng kakaibang nilalang. Isa akong dakilang duwag noong bata ako. Akala ko hanggang tagapakinig na lang ako ng mga kwentong kababalaghan. Hindi ko alam na makakaranas din pala ako ng ganito.
Note: Hindi ko binanggit ang tunay na pangalan ng pinsan ko at ako rin siyempre. Magbabahagi pa ako ng mga iba ko pang karanasan sa susunod kapag na post to ng Admins. Maraming salamat sa pagbabasa.Erebus
BINABASA MO ANG
Tagalog Horror Stories
HorrorKababalaghan, Katatakutan, Misteryo, Masamang Espirito, Demonyo Multo, Engkanto, Tiyanak. Handa na ba kayong matakot? Kaya nyo bang harapin ang takot nyo? Alamin natin yan sa librong 'to.