Isabelle's Point of View
"Sway, sway then ikot. Huwag niyong bibitawan ang partner niyo,"
Kasalukuyan kaming abala sa pagpa-practice ng cotillion dance na sasayawin namin sa nalalapit na Elemental Magic Ball. Nandito kaming lahat sa Great Grand Hall at halos mapuno namin ito dahil sa dami namin.
Ilang araw na kaming nag-eensayo nito dahil nalalapit na ang araw na iyon. Kahit pagod na pagod na kami ay patuloy lang kami sa pag-eensayo. Kahit gabi ay hindi pinapalampas. Kailangan daw namin iyon masaulo.
Gabi ngayon at patuloy kami sa pag-eensayo. Ilang oras na kaming sumasayaw sa nakakaumay na kanta subalit hindi pa rin kami matapos-tapos. Ang iba kasi ay hindi pa rin makuha ang mga simpleng steps ng sayaw kaya't hindi kami makausad. Hilong-hilo na ako kakaikot.
"Huwag mo raw akong bibitawan,"
Nabalik ako sa aking ulirat nang magsalita si Gabriel sa harapan ko. Napatingin ako sa kaniya. Hindi ba? Siya pa rin ang partner ko.
Nakangiti siya na parang tanga sa harapan ko habang itinataas-baba niya ang dalawa niyang kilay sa akin. Tinaasan ko siya ng kilay dahil sa ginagawa niya pero hindi siya natinag. Mas lalo lang lumaki ang mga ngisi niya.
Kanina pa siya na parang tanga sa harapan ko. Hindi siya tumitigil sa pangungulit at pang-aasar sa akin. Kung ano-anong kalokohan ang ginagawa niya para inisin ako. Hindi niya rin ako tinitigilang asarin tungkol sa sinabi ko kanina na pilit ko na ngang kinakalimutan pero pilit niya pa ring ipinapaalala sa akin.
Mabuti na lang ay nakakaya ko na siyang tingnan sa kaniyang mga mata. Tila nawala ang pagkailang ko sa kaniya na ipinagpapasalamat ko dahil hindi na niya mahahalata na apektado ako sa mga ginagawa niya sa akin.
"Hindi pa ba tayo magpapahinga?" pagod kong tanong kay Gabriel. Kanina pa talaga ako pagod at hilong-hilo na rin ako kakaikot.
Actually, memorize na namin ni Gabriel ang bawat routine at steps ng sayaw na ito. Hindi lang kami makausad dahil karamihan pa sa amin ay nalilito pa rin kaya't kailangan naming ulit-ulitin ang sayaw.
Marahan kong pinipisil-pisil ang balikat ni Gabriel para maibsan ang pangangalay ng braso ko.
"Pagod ka na ba?" seryosong tanong sa akin ni Gabriel habang marahan kaming sumasayaw sa tiyempo ng musika.
"Sobra. Gusto ko nang magpahinga," sagot ko sa kaniya. Pinagsalikop ko ang aking mga daliri sa likod ng batok ni Gabriel para suportahan ang katawan kong bibigay na.
"I think, kailangan na nating magpahinga. Malalim na ang gabi at pagod na rin tayong lahat. Ituloy na lang natin ito bukas," saad ni Gabriel.
Nagulat ako nang sumigaw si Gabriel habang sumasayaw kaming dalawa kaya't napatigil ang ilan sa pagsasayaw at napatingin si Olivia sa kaniya.
"Ngunit Prince Gabriel, mala-,"
"Pagod na ang lahat. Gusto niyo nang magpahinga, hindi ba?" tanong ni Gabriel sa aming lahat na kaagad naman naming sinang-ayunan. Bakas na rin sa kanilang mga mukha ang pagod at antok kung kaya't wala na ring nagawa si Olivia.
"Alright then. Let's continue this tomorrow. Be here at 8:00 am in the morning. You can now have your rest. Thank you and good night," saad ni Olivia.
Nagsimula nang lumabas ang mga estudyante sa Great Grand Hall upang magpahinga sa kani-kanilang kwarto. Hinanap ko kaagad sina Ariana at Zoe sa kumpol ng mga estudyante para sabay-sabay na kami bumalik sa aming kwarto.