Chapter 57
Gabriel's Point of View
Nahirapan akong imulat ang aking mga mata dahil naramdaman ko ang sakit mula dito at sa aking buong katawan. Naramdaman ko rin ang malamig na sahig sa aking likod. Pinilit kong minulat ang aking mga mata at tumambad sa akin ang madilim na selda kung saan ako nakahiga at nanghihina. Nanlalabo rin ang mga mata ko.
Napagtanto ko na nasa dungeons ako dahil naaninag ko ang mga malalaking rehas ng dungeons na nagkukulong sa akin dahil sa mga liwanag ng sulo mula dito. Pinilit kong gumalaw kahit masakit ang aking buong katawan at nahihirapan ako. May naramdaman akong malamig na bagay sa aking pulso at sa aking paa at napagtanto ko na nakatali ako gamit ang isang malaki at malamig na kadenang bakal. Isa na akong bihag ng Dark Kingdom.
Dali-dali akong bumangon mula sa aking pagkakahiga at naaninag ko ang mga dugo sa aking damit at mga gasgas at sugat sa aking katawan. Masyadong nanghihina ang aking katawan mula sa pambubugbog sa akin ng mga kawal.
Natulala ako sa isang gilid ng nahagip ko ang nakasandal sa pader na si Isabelle. Dali-dali akong lumapit sa kaniya kahit mahirap dahil sa mga sugat sa aking katawan pero pinilit ko. Nadurog ang puso ko nang makita ko ng malapitan ang kaniyang kalagayan. Nag-init ang gilid ng mga mata ko dahil sa mga namumuong mga luha na handa nang bumagsak dahil sa nakikita kong paghihirap ni Isabelle sa loob ng dungeons. Tulog siya at tanging ang anghel niyang mukha ang nakikita ko ngunit bakas sa mukha niya ang paghihirap at ang panghihina dahil sa mga sugat sa kanyang katawan at ng pamumuti ng kanyang balat.
Agad akong lumapit sa kaniya at sumandal sa pader ng selda. Hinawakan ko ang kaniyang kamay na nasa sahig at hinalikan ito. Hindi siya nagising sa ginawa ko dahil siguro sa pagod at sakit na nararamdaman niya. Ayokong nakikita siyang nahihirapan. Nadudurog ang puso ko sa tuwing nakikita ko siyang nahihirapan at nasasaktan.
Mas hinigpitan ko ang pagkakahawak sa kamay niya at inilagay iyun sa pisngi ko at hinahalik-halikan gamit ang isa kong kamay. Umagos mula sa kaniyang malalambot na kamay ang aking mga luha dulot ng pag-aalala ko sa kaniya. Inihilig ko rin ang kanyang ulo patungo sa aking balikat at doon ito ipinagpahinga.
Alam kong pagod ka na Isabelle. Wag kang mag-alala, nandito na ako para protektahan ka. Nandito na ako para maging prinsipe mo. Nandito na ako para saluhin ang lahat ng mga sakit na ibabato sayo. Ako ang magsisilbi mong sandata at panangga sa ating laban. Nandito na ako Isabelle, nandito na ako sa tabi mo at hindi na ako aalis pa.
Pinisil-pisil ko ang kanyang mga kamay habang patuloy ang pagbuhos ng aking mga luha dahil sa lungkot at dahil sa saya. Lungkot dahil sa nakikita kong pagdurusa at paghihirap ng babaeng mahal na mahal ko at saya dahil bumalik na siya. Bumalik na ang babaeng nagpatibok ng puso ko ng sobra at babaeng sobra kong mahal.
Hinalikan ko rin ang kaniyang buhok habang pinipilit ko siyang yakapin. Gusto kong maramdaman niya na nandito lang ako sa tabi niya. Na hindi na niya kailangang matakot at mag-alala dahil nandito na ako na sasagip sa kaniya.
Gusto ko rin iparamdamam sa kanya ang pangungulila ko sa kanya sa loob ng maraming taon na wala siya sa piling ko. Gusto kong maramdaman niya ang wagas na pagmamahal ko sa kanya. Gusto kong iparamdam kung gaano ko siya kamahal at punan ang mga araw na dapat nasa tabi niya ako.
"Patawad Isabelle dahil wala ako sa tabi mo noong mga panahon na kailangan mo ako. Patawad dahil wala akong nagawang paraan para mahanap ka. Patawad dahil sumuko agad ako. Mahal na mahal kita Isabelle. Hindi na ako papayag na mawala ka ulit sa tabi ko. I would die for you, Isabelle." Bulong ko sa kaniya habang nakapatong ang kanyang ulo sa aking balikat.
Naramdaman ko na lang ang paggalaw ng kanyang ulo sa aking balikat kaya agad akong natauhan. Gumalaw siya at nakita ko ang pagbukas ng kaniyang mga mata. Umupo siya at tumingin sa akin. Muli na namang bumuhos ang mga luha ko dahil sa mga titig niya sa akin. Mas lalo itong bumuhos ng may tumulong luha sa kaniyang mga mata. Automatikong pinunasan iyon ng aking mga palad at nabigla ako ng bigla niya akong niyakap.