Zoe's Point of View
Kumakabog ang dibdib ko dahil sa sobrang kaba. Hindi ko alam kung ano ang mga pwedeng mangyari ngunit kailangan kong maging matapang at matatag.
Iginala ko ang aking tingin sa buong kaharian. Puno ito ng buong mamamayan ng Majika. May mga hawak silang sandata at bakas sa mukha nila ang determinasyon na lumaban. Nandito na rin ang mga hari't reyna maging ang lahat ng kawal ng bawat kaharian. Lahat sila ay handa na at determinadong manalo sa digmaan.
Nandito ang Eastern, Western at Southern Kingdom. Sanib pwersa kaming lahat. Nakikita ko sa kanila ang galit at determinasyon na lumaban para sa lahat. Alam kong mayroon kaming iba't ibang dahilan kung bakit kami sasali at lalaban sa digmaan. Pero ang isa sa pareho naming layunin ay para sa katahimikan ng buong Majika at para sa mahal namin sa buhay.
Sumilay na ang asul na buwan. Napakalaki nito at napakaliwanag. Kakaibang kaba ang dulot nito sa aming lahat. Nagsimula nang umalulong ang mga hayop sa Dark Forest. Ang ingay ng mga ibon, lobo at iba't iba pang hayop. Para bang nagagambala sila dahil sa asul na buwan.
"Hindi ko gusto ang ibig sabihin ng asul na buwan," napatingin ako sa nagsalita at nakita kong si Calvin ito. Nanatili ang titig ko sa asul na buwan.
"Kamatayan," dugtong niya.
Tumindig ang lahat ng balahibo ko sa katawan dahil sa sinabi niya. Hindi ako makagalaw. Kamatayan? Alam kong doon talaga patungo ang digmaan na ito pero hindi ko lubos maisip makakita ng namamatay na tao sa aking harapan dahil lang sa kasamaan ng iilan.
Naagaw ang atensyon ko nang magsalita na si King Caesar sa unahan.
"Ito na ang nakatakdang gabi! Ang gabi ng digmaan! Ang gabi ng paglitaw ng asul na buwan! Ang gabi ng pagtutuos sa pagitan natin at ng Dark Kingdom," sigaw ni King Caesar.
Lahat ay nakikinig sa kaniya kahit mababakas mo mula sa kanilang mga mukha ang takot at pangamba sa kung ano ang pwedeng maging dulot nito sa kanilang buhay.
"Alam kong natatakot tayong lahat sa mga mangyayari ngayong gabi. Maaaring maulit ang malagim na nakaraan pero papayag ba kayo na magpasailalim sa kasamaan ng Dark Kingdom? Papayag ba kayo na magpasailalim sa kanilang impyernong kapangyarihan? Tungkulin natin na protektahan ang ating kaharian at lugar laban sa mga taong masasama at mapangmalabis kaya natin gagawin ang bagay na ito. Ang digmaan na ito ang tutuldok sa mga hidwaan. Wawakasan na natin ngayon ang kasamaan ng Dark Side. Pababagsakin natin ang Dark Kingdom ng sama-sama!" sigaw ni King Caesar at naghiyawan ang lahat ng tao. Sumisigaw sila na tila ba nagpapakawala sila ng takot at kaba.
"Mabuhay ng Light Side! Mabuhay ang Majika!" sigaw ng isang lalaki.
"Mabuhay!" sabay-sabay naming sigaw.
"Ito ang na oras!" sigaw ni King Caesar at nagulat ako nang maging iba ang kulay ng kaniyang mga mata. Nag-iba na rin ang anyo ng mga hari at reyna. Nagsilabasan na rin ang mga tubig, apoy, dahon at hangin sa mga tao.
Nagsimula na kaming maglakbay patungong Dark Side. Marami kami ngunit alam kong hindi iyon sasapat sa dami rin ng Dark Kingdom.
Kaba ang dulot ng bawat hakbang ko patungong Dark Side dahil hindi ko alam kung ano ang naghihintay roon. Ito na siguro ang pagwawakas ng lahat.