Ibang-iba ang araw na ito kung ikukumpara sa mga nakaraang araw. May kakaibang pakiramdam ang dulot nito sa akin. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko ngayon habang malayo kong tinatanaw ang labas ng aming kaharian mula sa bintana ng aking kwarto. Magkahalong poot at saya, ngunit mas nangingibabaw ang galit.
Nakatayo ako sa bintana ng aking kwarto habang pumapasok ang malamig na simoy ng hangin mula sa labas. Pinapalipad nito ang hibla ng aking mga buhok dahilan upang matakpan nito ang aking mukha.
Isiningit ko nang marahan ang mga hibla ng aking buhok sa aking tainga habang patuloy na tinatanaw ang malawak na kagubatan sa labas ng aming kaharian. Napabuntong-hininga ako habang inaalala ko ang lahat.
Masaya ako dahil dumating na ang araw na matagal kong hinintay at pinaghandaan, ngunit may halong galit akong nararamdaman dahil naaalala ko ang kwento ni Dad tungkol sa kanila. Tungkol sa kawalang-hiyaang ginawa nila sa pamilya at kaharian namin.
Narinig ko ang marahang pagbukas ng pinto ng aking kwarto. Narinig ko rin ang mga yapak ng paa mula sa pinto papunta sa akin. Nanatili akong nakatingin sa labas habang nakatingin sa malayo at dinadama ang simoy ng hangin.
Napalingon na lang ako sa aking likuran nang maramdaman ko ang haplos ni Dad sa aking mahabang buhok. Nakasuot siya ngayon ng isang cloak na gawa sa balat ng tupa na kulay itim. Nakasuot din siya ng isang black tunic na hanggang tuhod niya, black trousers at leggings. Itim na itim ang suot niya ngayon na lalong nagpatingkad sa kaniyang maputing balat at kakisigan.
Matangos ang ilong ni Dad at kakaibang kaba ang mararamdaman mo kapag tiningnan ka niya sa mata nang diretso dahil sa kakaiba niyang mga mata. Mapupula ang kaniyang labi. May bigote siya na makapal at balbas na nakapalibot sa kaniyang bibig. Mayroon din siyang medyo kulot na itim na buhok. Nginitian niya ako at nagsalita.
"Handa ka na ba, anak?" tanong niya sa akin habang patuloy niyang hinahaplos ang aking buhok.
Binalik ko ang aking tingin sa labas ng bintana. Matagal kong hinintay at pinaghandaan ang araw na ito. Ilang taon din akong naghintay dumating lang ang araw na ito. Ilang taon akong naghintay sa paglabas ng marka sa mga palad ko.
"Matagal nating hinintay ang araw na ito, Dad. Ilang taon din tayong naghintay at naghanda para rito kaya wala akong dahilan para maging hindi handa," diretso kong tugon sa tanong ni Dad habang hindi tumitingin sa kaniya.
Nakatutok lang ang aking mga mata sa labas ngunit nakikinig ako sa mga sinasabi niya.
"Gusto ko lamang makasiguro anak na handa ka na. Alam ko namang matagal natin itong pinaghandaan. Matagal nating pinaghandaan ang lahat ng ating mga plano," sabi ni Dad. Tumabi siya sa akin at tumingin din sa labas.
Nilingon ko si Dad. Nakatingin na siya ngayon sa malayo.
"Handang-handa na ako, Dad. Handang-handa na akong harapin sila at pagbayarin sa lahat ng ginawa nila sa atin," saad ko na may halong galit at poot. Nakuyom ko ang aking mga palad habang binibigkas ang bawat salita.
Humarap sa akin si Dad at tiningnan ako nang mabuti. Ramdam ko ang mainit niyang mga kamay nang hawakan niya ang aking mga kamay.
"Masaya ako anak na handa ka na sa ating mga plano. Ikaw na lang ang pag-asa ko, ng mommy mo at ng buong kaharian natin. I trust you," saad ni Dad habang nakahawak siya sa aking mga kamay at nakatingin nang diretso sa aking mga mata.
"Pangako Dad. Tutuparin ko ang lahat ng ating mga plano. Pagbabayarin natin sila sa lahat ng kalupitan na ginawa nila sa atin. Magbabayad sila!" madiin kong pahayag.