Gabriel's Point of View
Patuloy ang paghila ko kay Isabelle papalayo sa Dark Kingdom. Patuloy pa rin siyang umiiyak habang ako ay nasasaktan para sa nararamdaman at kalagayan niya ngayon. Alam kong masakit ang lahat ng mga nasaksihan niya ngayon, ang patayin ang kaniyang buong pamilya sa harapan niya. Alam ko kung gaano iyon kasakit pero kailangan niyang magpakatatag.
Hinila ko siya papalayo sa Dark Kingdom dahil nakita kami ni Calixto. Alam ko na papatayin niya si Isabelle ngunit bago mangyari iyon ay kailangan niya munang dumaan sa bangkay ko. Hindi ako makapapayag na masaktan niya muli si Isabelle. Hinding-hindi.
Napahinto ako sa paglalakad at tumingala sa taas. Nagulat ako nang pulang-pula na ang kaninang asul na buwan. Masama ang ibig sabihin nito.
Patuloy pa rin sa pag-iyak si Isabelle kaya't muli ko siyang niyakap nang mahigpit. Ibinaon ko ang kaniyang ulo sa aking dibdib at marahang hinalikan ang kaniyang ulo. Gusto kong maramdaman niya ngayon na nasa tabi niya lang ako at hindi ko siya pababayaan. Gusto kong maramdaman niya na nandito pa ako para sa kaniya.
Sobra akong nasasaktan sa lahat ng mga nangyayari ngayon. Sa malagim na digmaan, sa mga buhay ng mga inosenteng tao na namatay at lalong-lalo na sa nararamdaman ni Isabelle. Kung kaya ko lang kunin ang lahat ng sakit na nararamdaman niya ay ginawa ko na. Pinipilit kong maging malakas kahit ang totoo ay mahina na ako.
Nagulat ako nang may palasong dire-diretsong dumaplis sa braso ni Isabelle dahilan para mapatigil kami sa pagtakas at mapadaing siya sa sakit. Napakapit siya sa aking balikat at dibdib. Nilingon ko agad ang buong paligid at namataan ko si Athan at Anastasia na papalapit sa amin habang ang kanilang mga pana ay nakatutok sa amin.
Naglakad sila papalapit sa amin habang hindi nila ibinababa ang mga panang nakatutok sa amin. Kaagad kong inalalayan si Isabelle at pinaupo sa punong malapit sa amin. Hinarangan ko siya sa papalapit na sina Athan at Anastasia. Tumawa sila nang sobrang lakas.
"Anong akala niyo, makakaligtas kayo nang buhay?" sarkastiko tanong ni Anastasia sa amin ngunit hindi ako sumagot. Nanatili akong nakatingin sa kanila habang nag-aalala ako sa patuloy na pagdaing ni Isabelle sa aking likuran.
"Tatakas kayo? Sige, takas! Para mamatay kayo nang maaga," saad naman ni Athan habang nag-iigting ang kaniyang mga panga.
Hindi ko na rin napigilan ang pag-igting ng panga ko. Kinuyom ko na rin ang mga kamao ko dahil sa mga inasal nila. Dahan-dahan silang lumapit sa amin kaya't pinigilan at binantaan ko sila.
"Diyan lang kayo!" pagbabanta ko sa kanila ngunit tumawa lang sila nang napakalakas na tila ba mga baliw.
"Sino ka para utusan kami?!" sigaw ni Anastasia. Nagulat ako nang bigla niyang pakawalan ang palaso sa kaniyang pana at muli itong dumaplis sa kabilang braso ni Isabelle dahilan upang mapadaing muli siya nang napakalakas.
Tila ba madudurog na ang panga ko sa sobrang pag-igting nito. Lumabas na rin ang mga nagtatagong ugat sa aking buong braso dahil sa pagkuyom ko sa aking mga kamao. Huminga ako nang malalim at hinugot ang espadang napulot ko kanina. Naramdaman ko muli ang paglakbay ng kakaibang kuryente sa aking buong sistema. Naramdaman ko ang pagputi ng aking mga mata maging ng aking buhok.
"I said don't hurt her. Back off!" madiin ang pagkakabigkas ko sa bawat salita. May awtoridad at banta ito.
Mabilis kong iniwasiwas ang aking espada kasabay nang paglabas ng aking puting pakpak. Lumipad ako patungo sa kanila at hindi ako nagdalawang-isip na atakihin sila.