Panimula

26K 646 125
                                    

Matamis.

Ilang ulit ko nang narinig ang katagang iyan. Bata pa lang ako ay nakatatak na sa isip ko ang tamis. Tamis man na lasa ng paborito kong pagkain o ang tamis sa bawat kataga ng papuring ginagawad ng mga taong nakapaligid sa akin.

Oo... masayang pakinggan, ngunit wala akong pakialam. Ang tanging alam ko lang ay sa bawat saya kaakibat nito ang lungkot. Lungkot na dala ng pait at hindi ng tamis ng buhay. Lungkot para sa nakaraan. Lungkot para sa kasalukuyan. Lungkot...dahil umaasa pa rin akong mawawala ang pait para sa hinaharap.

Pinaglalaruan ko ang aking mga daliri kasabay nang paggala ng mga mata sa malawak na sakahan at taniman ng tubo na napapasadahan ng aking mga mata. Humahampas ang panghapong hangin sa aking mukha at buhok na ang ilang hibla ay lumilipad sa mukha ko.

Tahimik lamang akong nakasakay sa umuusad na bus. Tinitingnan ang bawat paglampas ng sasakyan sa bawat tahanan at tanawin sa bawat gilid ng daan.

Pumangalumbaba ako at humilig pa lalo sa bintana ng bus. Nakikita ko nang muli ang pamilyar na liko patungo sa lugar kung saan matagal ko nang hindi nakita.

Maya-maya lamang ay namalayan ko na lang ang sarili kong namamangha sa pagbabagong nakikita sa lugar. Nang huminto ang bus ay agad akong bumaba habang akay sa likod ang maleta.

Pagkatapak ko pa lang sa sementadong daan ay nagsilapitan na ang ilang mga tricycle. Nagtatanong kung saan ba ako patungo.

"Sa Pueblo Dulce po..."

Bumaling ako sa medyo may katandaang driver ng tricycle. Mabuti't nakilala ko na ang mamang ito noon. Ama ng kaklase ko sa elementarya.

"Pwede nyo po ba akong ihatid doon?"

Nang tumango ito ay saka pa lamang akong humakbang para sumunod.

Habang nasa daan papasok ng Pueblo, kita ko ang mga naging pagbabago sa paglipas ng panahon. Mga pagbabago kung saan napag-iwanan ako dahil sa aking pag-alis.

Ang dati'y lubak-lubak na daan, ngayo'y sementado na. Ang dati'y halos walang sasakyan, ngayo'y kaydami mo nang nakakasalubong sa daan. Ang hindi lamang nagbago ay ang malawak na tubuhan. Ang pangunahing produkto ng lugar.

"Ang tagal na nang huli kitang nakita dito sa atin, Maam Yndra."

Napatuon yung pansin ko sa mamang nagmamaneho ng tricycle. Nakita ko ang bahagya niyang sulyap sa akin, nagpapahiwatig ng recognition ang kanyang mga mata.

"Oo nga po. Mukhang ang dami na nga pong naiba sa Pueblo mula ng umalis ako."

Tumango-tango ang mama at tipid na napangiti. Tila ba may magandang naalala.

"Maganda kasi ang naging pamamalakad ng mga Villacias, hija. Maganda ang naging pamumuno ng pamilya mo."

Napakurap-kurap ako at napaiwas ng tingin. Dumagundong ang puso ko sa kaba at sa galit. Nagdadalawang isip kong magpapatuloy pa sa balak kong pag-uwi sa Pueblo. Alam kong masasaktan lamang ako doon.

"Malaki ang pasasalamat ng mga tao dito sa atin sa inyong pamilya, hija."

Tipid akong ngumiti. Mas piniling hindi na magkomento pa. Paunti-unti ay nalalasahan ko ang pait sa aking kalooban. Ang sama ng loob, galit, at hinagpis ay nagsama-sama.

"Narito na po tayo, Maam Yndra."

Napalunok ako at unti-unting bumaba sa tricycle matapos makapagbayad ng pamasahe. Bumundol ang kaba sa aking dibdib. Ngayon ko lang muling naramdaman ang katotohanang mag-isa na lang ako ngayon.

Tanaw ko ang pasilyo papasok sa mataas na gate ng mansyon. Nanginginig ang tuhod ko sa iilan pa lamang hakbang na nagagawa.

Nang sa wakas ay makaharap ang gate ng mansyon ay tsaka naman ang pagbuhos ng masasakit na alaala ng nakaraan.

Drought Affection (Pueblo Dulce #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon