Marso 1

4.4K 137 29
                                    

Marso 1

Namatay ako noong Marso Uno, taon ng kasalukuyan. Hindi ko alam kung bakit. Nakita ko na lang ang aking katawan na nasa aking higaan.

Nakatayo ako sa harap ng aking katawan. Nagtataka ako kung bakit hindi ko ito mahawakan. Sinikap kong tumingin sa salamin na tabi ng aking higaan ngunit wala akong makitang repleksyon.

Matindi ang dilim kung tatanawin ang labas mula sa maliit kong bintana. Mabuti na lamang kahit kulob ang kuwartong ito ay nakasindi naman ang ilaw. Malinaw at sapat ang bigay nitong liwanag.

Nagbabakasakali akong 'pag sinubukan kong gumalaw ng ilang bagay malapit sa aking katawan ay baka sakaling magising ito. Bagamat maka-ilang subok man ako ay bigo pa rin akong makahawak ng mga konkretong bagay sa paligid.

Sinusubukan kong pakalmahin ang aking sarili. Sinisiyasat ko ang aking kalagayan. Bawat sulok, bawat anggulo na pup'wede kong i-analisa.

Lumibot ako sa munting kuwarto. Maraming disenyo at nakakatuwang mga pinta ang nakakalat sa paligid, mga pinta na naka-dikit sa bawat dingding.

Mga pintang kababakasan ng lungkot sa pagtitig mo rito. Pinta na may kaakibat na pighati sa bawat maliliit na detalye ng bawat guhit nito. Kay lungkot nitong pagmasdan.

Lumayo ako sumaglit sa mga obra na iyon at binalikan ko ang aking katawan. Tumabi ako rito.

Nakadama ako ng ilang kirot sa aking puso. Hindi ko alam kung bakit, ngunit parang sumisikip ang aking dibdib.

Pakiramdam ko, may isang malabong ulap sa aking isipan. May hindi ako makita, may nawawalang memorya na hindi ko maalala.

Tinitigan ko ang aking mukha. Maganda naman ito. Maputla nga lamang. Maitim na ang ibaba ng mata. Malaman ang pisngi, maliit ang ilong, at makapal ang labi.

Ilang oras ang lumipas ay nagising ako. Nakatulog pala ako kakamasid sa aking walang buhay na katawan. Sa sandaling ito ay nasa tabi pa rin ako ng aking katawan. Napansin kong namutla lalo ito at tila wala na halos tibok ang dibdib. Wala nang halos bakas ng paghinga.

Tinitigan ko ang bandang pulso ngunit kahit anong titig ko ay wala na itong pintig.

Ilang oras pa ng pag-oobserba, pero hindi na talaga ito humihinga.

Wala na talagang pag-asa..

Wala na...

Wala na talaga ako.

--------------------------------------------
SAVAGE BLOSSOM || Wattpad2018 || All Rights Reserved

She's DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon