Marso 8

1.3K 62 3
                                    

Marso 8

Madaling araw. May kailaliman ang hating-gabi, nahihintay ng bagong liwanag na parating...

Dahil ito ang pinaka-huling lamay, huling araw na makakasama nila ang aking katawan, dagsa ang napakaraming tao sa paligid. Walang tigil ang dating mga tao.

Mga taong hinayang na hinayang dahil maaga akong nawala sa mundong ito.

Nang ganitong oras nang mga nagdaan na araw, ay halos wala nang tao. Ngunit ngayon ay punong-puno pa rin ang buong labas ng aming bahay hanggang kalsada.

Hindi matatawaran ang mga luha na lumalabas sa mata ng bawat isa. Halos lahat sila ay may kani-kaniyang bersiyon ng pagiging Vicky sa kanilang buhay.

Sa huli talaga ang pagsisisi.

"Anak," tawag sa akin ni Inay.
Hindi ko naman na siya masasagot dahil wala na akong boses at katawan para maipakita ko na naririnig ko siya, na nararamdaman ko siya.

Sa mga nagdaang mga araw, siya ang higit sa lahat ang kumikilos. Hindi ko nga maramdaman kung natutulog pa ba siya. Siguro natutulog siya ngunit hindi ang tulog na kaniyang nakasanayan.

Nangayayat na halos ito, maga na ang mga mata at gulo-gulo ang buhok palagi. Kahit na maraming bisita ay nagagawa pa rin nitong asikasuhin ang lahat ng mga taong dumarating. Tinatanong niya ang lahat at kinikilala ang mga nakikiramay. Umaasa na may sagot sa aking pagkamatay.

"Patawarin mo sana ang mama kung hindi ako naging mabuting ina sa iyo," madidiin na malalim na mga salita  sa harap ng aking kabaong.

"Kasalanan ng ina, kung anuman ang nangyaring masama sa kaniyang anak. Anak, patawad. Sa lahat ng mga ginawa ko sa iyo. Gusto ko lang na maging maayos ka, eh. Iyon lang naman ang gusto ng bawat ina para sa kanilang anak," mahinang tugon nito.

"Gusto ko lang naman na magkaroon ka ng desposisyon sa buhay mo. Iyong magkaroon ka ng sarili mong plano at pangarap, iyong makita ko na nagpupursigi kang maging maayos ang buhay mo. Walang ina na gustong mapahamak ang kanilang anak. Lahat ibibigay nila para sa kanilang anak kahit na doble ang nararamdaman nilang sakit sa tuwing inaapi kayo, nakakaramdam kayo ng mga pighati at problema sa buhay ninyo. Anak, wala akong gustong mangyari sa iyo kung hindi ang maging matagumpay ka sa buhay mo. Hindi ganito anak ko. Hindi ganito." Nahulog na ang mga luha nito sa harap ng aking kabaong.

"Anak ko, kung hindi ako naging mabuting ina sa iyo, patawarin mo ako. Kung hindi man kita nabigyan ng totoong buong pamilya, kung hindi mo man naramdaman na isa akong ina na sobrang nagmamahal sa inyong magkapatid. Anak, mahal na mahal ko kayo ng ate mo. Walang makakahigit sa pagmamahal na kaya kong ibigay sa inyo. Anak, hindi ang ina ang maglilibing sa kaniyang anak. Ang anak ang maglilibing sa kaniyang magulang." Hawak nito ay rosaryo, patuloy na idinidiin ito sa aking salamin sa aking kabaong.

"Hindi ko akalain na ang bata na inaalagaan ko noon, nandito na sa kabaong ito. Anak, alam mo ba noong bata ka, ang dami kong pangarap para sa inyo. Wala akong dinasal sa Diyos kung hindi ang mapabuti ka. Wala akong hiniling sa Diyos kung hindi ang maging matagumpay ka sa buhay mo. A-anak ko, anak ko..." patuloy na tawag nito habang mabigat na ang paghinga nito.

"Kahit hindi na ako mabigyan ng Panginoon ng kahit na ano, basta kayo meron. Basta may magandang mangyari sa buhay ni'yo, masaya na ako. Basta masaya na kayo, kayang-kaya at kakayanin kong ibigay lahat para sa inyo, anak. Bakit mo nagawa sa amin ito? Bakit mo kami iniwan? Bakit kailangan na umabot sa ganito?"

"Kasalanan ko anak. Lahat ng hindi magandang nangyari sa iyo ay kasalanan ko. Kung naibigay ko lang lahat ng pagmamahal na kailangan mo, baka hindi nangyari sa iyo ito. Anak, ubos na ubos na kasi ang mama. Pagod na pagod na ako, pero kailangan kong lumaban kasi sabi ko, kailangan ninyo ako, kailangan mo ako." Nagpunas ito ng luha sa mukha sumaglit.

She's DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon