Marso 17
Umaayon sa mag-ina ang mga araw at naibalik na ang kuryente sa kanilang bahay dahil sa pagtutulungan nilang lumako ng gulay sa palengke. Iyon nga lang palala nang palala ang mga taong tinitignan sila nang masama.
"Naibalik ang kuryente nila sa bahay dahil bumalik na naman sa bar si Laxamina. Kaya iyang si Lalaine, panigurado, magiging ganiyan din sa kaniyang ina dahil iyan ang nakikita niya bata pa lamang siya," dinig ko sa malakas na bulong ng mga kapit-bahay. Bumulong pa pero rinig na rinig naman nila Laxamina at Lalaine ang bulungan ng mga ito.
"Kaya bantayan ni'yo ang mga asawa ni'yo dahil iyang mga iyan, wala iyang mga pinipili lalo na kapag nagbibigay ang mga asawa ni'yo. Bantayan ni'yo na ang pitaka at sahod ng mga mister ni'yo dahil panigurado, kalat na naman ang salot sa ating barangay." Pilit na tinakpan ni Laxamina ang taenga ng kaniyang anak na kahit na naririnig naman nito ay hindi na lamang ito umiimik.
"Ayan, may nagmana pa tuloy ng kaharutan at pagkasalot!" sigaw ng isa sa kanila at pinupukol ang tingin kay Lalaine.
Hindi na nakatiis si Laxamina sa pinukol sa kaniyang anak.
"Hindi kayo titigil? Kung salot ako, hindi ang aking anak! Huwag kayong mandamay ng bata dahil hindi siya ang salot dito kung hindi kayo." Napatingin na nang masama si Laxamina sa mga nangungusig sa kanila ng kaniyang anak.
Lumapit pa ang mga ito sa kaniya at inilagay ang anak sa likod na animo'y pinagtatanggol ang inusig na kaniyang anak.
"Natatandaan ko kayo noong buhay pa ang asawa ko. Para kayong mga maamong tupa kung mangutang sa asawa ko noong mga panahon na gipit na gipit kayo pero hindi ni'yo naman binayaran sa asawa ko ni-katiting na singko. Hindi kayo siningil ng asawa ko dahil inintindi niya ang mga kalagayan ni'yo tapos kung laitin ni'yo ang anak namin ngayon, mga daig ni'yo pa ang demonyo at kawalan ni'yo ng utang na loob! Mas masahol pa kayo sa akin na sinasabihan ni'yong salot! Mga lumot kayo!" Pagsisigaw ni Laxamina sa mga babaeng hindi na makakibo ngayon nang lantarang isigaw ni Laxamina ang ginawa nilang pangungutang na hindi naman nila nagawang bayaran.
Hindi nakaimik ang mga ito at nakayuko na lang ito sa pagpapahiya sa kanila ni Laxamina sa kanila.
"May araw ka rin! Makikita mo!" bulong pa ng mga ito habang papalayo ng hakbang si Laxamina at Lalaine.
Nang makauwi na sa bahay ang mag-ina ay agad-agad na nagluto ng mahahapunan ang dalawa.
"Anak, dahil sa talento mo sa pagtatanim, maari ka nang mabuhay at kapag nakaraos tayo, maibabalik natin ang palayan ng Daddy mo. Hindi na tayo uusigin muli ng mga kapitbahay natin." Nasa hapag ang dalawa habang kumakain na ng hapunan.
"Opo, Mommy. Pagbubutihan ko pa po ang aking talento na namana ko kay Daddy. Hinding-hindi ko po ito sasayangin at sisiguruhin ko pong maibabalik natin ang palayan ni Daddy." Isang ngiti ang sumilay sa labi ni Laxamina dahil sa sinabi ng kaniyang anak. Tila isang pag-asa na nakahain sa kanilang dalawa.
"Anak, huwag na huwag mong papakinggan ang mga tao sa labas na isa kang salot, ha? Hindi nila alam ang katotohanan kung ano ang totoong nangyari kaya sila nanghuhusga. Hindi rin naman nila kailangan na malaman ang lahat ng nangyayari sa buhay mo kasi kahit anong sabihin mo, huhusgahan at huhusgahan ka lang nila. Palagi nilang sasabihin ang mali sa iba ngunit kahit kailan ay hindi nila napupuna ang puwing sa kanilang sariling mga mata." Sumubo muna ang ina ng ilang gulay at saka tumingin muli sa kaniyang anak.
"Ang pinakamahalaga anak, hindi ka nagsisinungaling sa sarili mo. Ikaw mismo ang maniniwala sa sarili mo at hinding-hindi ka babatay sa pinupukol sa iyong masama ng iba lalo na kung alam mong wala namang katotohanan. Pero kung alam mong mali ang iyong ginagawa, tandaan mong palaging mayroong darating sa buhay mo na tutulong sa iyo para bigyan ka ng liwanag upang mai-tama mo ang iyong pagkakamali." Napatingin sa kawalan ang ina dahil naalala nito ang kaniyang asawa. Napansin naman ito ni Lalaine.