Marso 15
Isang masayang pamilya ang mayroon si Lalaine nang siya ay bata pa. Mayroon siyang isang mabait at maawaing ama, may isang maalaga at maunawaing ina, at lalong-lalo na ay mayroon siyang pangarap. Malayong-malayo sa Lalaine na nakita ko nang magpakamatay ito.
"Lalaine! Ikaw talagang bata ka, nandiyan ka na naman sa ating taniman. Halika na rito at bababa na ang Daddy mo para kumain ng tanghalian!" tawag sa kaniya ni Laxamina na kaniyang ina. Nakangiti ang butihing ina, medyo maitim nga lang ang kaniyang ibabang mata, dala na siguro ng magdamagang gabi na pag-aalaga at pagbabantay sa kaniyang asawa.
"Talaga Mommy? Okay na po si Daddy?" tanong nito sa kaniyang Mommy. Nagtatakbo ito papunta sa kaniyang Mommy. Inasahan na ang mga masasarap na mga nilagang gulay na may sawsawan na bagoong na nakahain sa lamesa.
"Oo naman, anak. 'Di ba sabi sa iyo ni Mommy na magiging maayos si Daddy mo? Magiging mabuti rin ang kaniyang lagay, anak." Nakangiti ito habang inaayos si Lalaine sa upuan.
Isang maliit na hapag ang nakalagay sa gilid ng kanilang bahay malapit at tapat lamang sa malawak na kanilang taniman. Tanaw na tanaw sa maliit na hapag na iyon ang mayayabong at masaganang mga pananim na si Don Emilio mismo ang walang sawang nagtya-tyaga sa pagtatanim.
"Oh, nandito na pala kayong dalawa, paumanhin sa aking dalawang pinakamamahal na babae sa balat ng lupa dahil nahuli ako sa hapag." Nakangiti ngunit halata na ang pamumutla ng mga labi at ng balat dahil sa sakit na iniinda. Si Don Emilio, isang masipag na magsasaka na sinuwerte na mapalago ang kakaunting namanang lupain sa kaniyang magsasaka ring magulang.
"Hindi ka pa naman nahuhuli, mahal. Kakatapos pa lang ni Lalaine na magtanim ng mga okra at talong sa likod bahay. Akalain mong manang-mana ang ating anak sa iyo. Nako! Buti nga talaga at nagmana ang ating anak sa iyo, kung sa akin siguro ito nagmana.." napatigil si Laxamina sa sinasabi. Hinawakan lamang siya ni Don Emilio sa kaniyang kamay, pinisil ang mga iyon at ngumiti sa kaniyang asawa.
"Mahal ko, Ina.. Sapat na sa akin na mabinyayaan ako ng maganda na at mabait pang anak na si Lalaine, namana man niya ang aking galing sa pagtatanim, namana naman niya ang kagandahan panglabas at ang walang hanggang na kabutihan ng loob dahil sa iyo. Hindi lang nakita ng mga tao iyon dahil bulag sila sa mga magagandang nagawa mo para mabuhay lamang ang pamilya mo." Inalalayan ni Laxamina si Don Emilio na dahan-dahang umupo habang hawak-hawak ng kamay ang asawa at habang ito ay nagsasalita.
"Lalaine, anak ko." Napa-tingin si Don Emilio sa kaniyang anak na nakatitig lamang sa kanilang dalawang mag-asawa.
"Kahit na anong mangyari, anak. Ang palagi mong iisipin ay ang kabutihan ng tao sa loob nito. Huwag mong iisipin na hindi porke marami kang naririnig na hindi maganda tungkol sa iyong ina ay totoo na iyon. Huwag mo silang paniniwalan dahil mas mabuti ang kalooban ng mga taong hindi naninira ng kanilang kapwa. Maniwala sa kabutihan at kababaan ng loob, anak. Iyan lang ang tanging agimat na aking maibibigay sa iyo, kaya alagaan mo iyan. Tiyak dahil diyan ay makakaya mong maging matatag sa mga laban na kailangan mong harapin sa susunod na takbo ng iyong buhay." Hinaplos-haplos ng ama ang ulo ng kaniyang walang kamuwang-muwang na anak na pilit iniintindi at inuunawa ang sinasabi ng kaniyang ama.
Ngumiti lamang si Lalaine bilang tugon sa mainit na paghaplos nito sa kaniyang ulo na punong-puno ng pagmamahal.
Isang ngiti lang din ang tugon ni Laxamina sa tagpong iyon bagamat naiiyak na ito dahil alam na alam na niya ang mga susunod na mangyayari sa kaniyang asawa. Sinabihan na siya ng mga doktor na wala nang magagawa ang mga ito kung hindi tanggapin na lang na malapit nang ibaon sa hukay ang kaniyang asawa. Tinatatagan na lamang nito ang kaniyang loob upang hindi makadama ng kalungkutan ang kaniyang anak.