Marso 25
Nang marinig ko ang sinabi ni Georgia sa Mommy ni Bella, nahiwagaan akong muli. Mercy Heaven Cemetery. Doon ako inilibing, marahil doon din inilibing si Lalaine, at doon ililibing si Bella. Doon ako pabalik-balik mula pa noon. Ang lugar na iyon ang himlayan ng mga namayapa, himlayan kung saan ay nakimbimbim ang aking patay na katawan. Bakit?
Sa lahat ng lugar iyon ang pahingahan ni Bella? Nakakatakot. iSang lugar na kinakatakutan ng karamhina.
Hindi ako dumiretso roon nang malaman ko ang sinasabi ni Georgia. Binantayan ko muna ang mga tao, ang mga taong nakikiramay sa kaniyang lamay. Parang hindi ako pinapaalis sa lugar na iyon at may pumipigil sa akin na pumunta sa sementeryo ng gabing iyon.
·
Mataas ang sikat ng araw. Hanggang ngayon tila nakikita at naririnig ko pa rin ang sandali na sinabi ni Georgia kay Mommy Bea kung saan pumupunta si Bella kapag malungkot. Hanggang ngayon, kumakati ang paa ko na pumunta sa lugar na iyon. Ang kaibahan nga lang ngayon, wala nang pumipigil sa akin na maglakad patungo sa lugar na iyon.
Hindi ako nagkamali, dahil sa pagkakataon na ito ay naroon nga si Bella sa sementeryo. Mag-isa. Nakatulala. At malungkot ang mga mata.
Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya. Mayroong Krus sa tapat niya, nakaupo ito sa tapat no'n at wala siyang imik, parang sanay na sanay siya sa lugar na ito. Naupo ako nang tahimik sa tabi niya. Ngumiti siya nang maramdaman ang aking presensiya.
"Alam kong malalaman mo kung nasaan ako." Napatawa ito pagsabi niyon. Kung ako talaga ang tatanungin, kahit na nasasanay na ako sa mga ganito niyang sinasabi sa akin, nakakadama pa rin ako ng takot sa likod ng mga sinasabi nito.
"Nagpunta si Georgia sa lamay mo. Sinabi niya kay Mommy mo kung saan ka nalalagi kapag malungkot ka." Hindi ko alam kung bakit para akong matagal nang kaibigan ni Bea na nagsusumbong sa kaniya sa mga nangyayari sa sarili niyang lamay.
"Alam mo ba noong nabubuhay ako..." pag-iiba nito ng aming pinag-uusapan. Hindi na ako nag-atubili na itikom ang aking bibig dahil baka magbago ang kaniyang isip at hindi na naman ito magkwento nang buo, baka bitinin na naman ako nito at umalis na naman. Bella is the type of person na hindi mo ma-predict ang susunod na gagawin. Maybe, sobrang stranger niya kahit ilang araw ko na siyang kasama.
"Naalala ko, hindi ko gustong pumunta sa mga lamay. Ayoko na nagpupunta sa mga ganoon. Basta, hindi ako nagpupunta o kung magpupunta man ako, siguro, napilitan lang o kailangan lang talaga." Natahimik siya. Nagtataka siguro ito marahil dahil laging marami ang tao sa kaniyang lamay. Noong siya kasi ay nabubuhay ayon sa kaniya ay hindi niya hilig na makilamay.
"Hindi naman sa ayoko na pumunta sa mga patay o ayoko na makiramay sa mga namatayan. Believe me, gustong-gusto ko tumulong lalo na sa mga taong namatayan or mga taong nangungulila sa mga namatayan na kanilang mga mahal sa buhay." Yeah, iyon nga rin iyong nasa isip ko na baka hindi lang niya gusto na makiramay sa mga namatayan dahil ano pa nga ang magagawa natin sa mga namatay na mga mahal nila sa buhay? Hindi naman na natin maibabalik ang buhay ng mga namayapa na, eh. Hindi rin naman tayo makakatulong sa kanila kasi wala naman tayong kapangyarihan para bumuhay ng patay.
"Malaki kasi ang tulong ng mga nakikiramay sa iyo sa panahon na nawalan ka ng mahal sa buhay. Alam mo ba na napakalaking tulong ng presensiya para sa mga taong nawalan ng mahal sa buhay. Iyong mga taong nakikiramay, may mga problema rin silang kinakaharap. May namamatay sa kanila pero hindi nga lang mahal sa buhay. Minsan, pangarap. Minsan naman, pag-ibig. Pero alam mo kung ano iyong pinakamasakit na mamatay?—" Napatingin ito sa kawalan. Hindi ko tuloy alam kung sasagot ako sa tanong niya dahil sa aking palagay, hindi naman niya hinihingi ang aking sagot.