Marso 6

1.6K 76 14
                                    

Marso 6

Dalawang araw na lang at malapit na ang aking libing. Dalawang araw na lang at mahihimlay na ang aking katawan sa pinagmulang anyo nito --sa alabok.

Sinisikap kong huwag mairita sa mga nagbi-binggo sa labas, mga taong walang sawa na gabi-gabi na nagpupustahan sa pagbabaraha habang pinagtsi-tsismisan ang isa pang kapitbahay.

Sa kapapakinig ko lamang sa kanila, ay marahil nakabuo na ako ng isang libro ng mga istorya. Kaniya-kaniyang kuwento, dagdag-bawas na mga bersyon. Ano ang pinaka-magandang bersyon, laban sa kung ano ang purong katotohanan na may pinaka-totoong intensiyon.

Isang kapitbahay ang nandito kahapon, wala siya ngayon kaya siya ang pulutan sa lamesa na siyang pinag-upuan niya kahapon.

Walang magawa ang mga tao kung hindi ang pag-usapan ang mga kapwa-tao sa paligid nila, kaysa sa pagpapaunlad ng sarili nila.

Kahapon, sila ang pinag-uusapan, ngayong nandito sila, ang mga wala ang pinag-uusapan nila.

Palagi ba talagang dalawa ang mukha ng tao. Isa sa harap at iba pa sa likuran.

Maya't maya na ako ay nagbabakasali na magkaroon ng himala, may maglabas ng video recorder at i-play iyon sa isang malaking screen at marinig ng lahat ang mga pinag-uusapan ng mga ito.

May isang babaeng may maraming dala-dalang mga bag ang dumating.

"Anak!" sigaw ng aking ina.

Nagmamadali ito sa pagyakap sa kadarating na anak na wala pa sa loob ng bahay ay nanghihina nang ihakbang ang mga paa.

Kamukha ko siya. Ngunit hindi ang buong mukha nito. May malaking nunal ito sa noo, medyo matanda ang itsura nito kumpara sa akin.

"Anak, a-anak! W-wala na si Vicky. Wala na ang kapatid mo!" sigaw nitong muli sa labas ng aming bahay.

Inakay ang ina dahil kitang-kita ng lahat ang paghihiyaw nito sa labas ng bahay.

Napatitig din sa bandang roon ang mga kapit-bahay na napatigil sa pagbabalasa ng baraha at pagroleta ng mga bola sa binggo.

Lumapit ako sa aking ate. Sabi ni ina, kapatid niya ako. Marahil ay ate ko ito.

Nang pumasok na ito ay hindi ito dumiretso sa aking kabaong, bagkus ay dumiretso ito sa aming kuwarto.

Nagkulong muna ito bago tuluyang naiyak sa likod ng pinto matapos niyang maisara ito.

Napakuyom ang palad at dahan-dahang napatakip ng buong mukha habang humihikbi.

Maya't maya ay napahawak ito sa dibdib.

Walang tunog ang maririnig sa iyak nito. Kung titigan siya ay maawa ka rito, madarama mo ang pagsikip ng kaniyang dibdib at bigat na nadarama nito.

"Ate," bigkas ko sa kaniyang harap.

Gusto ko siyang patahanin. Gusto ko siyang yakapin. Gusto kong sabihin sa kaniya na nasa harap lang niya ako.

Hindi ko magawa, wala akong katawan para gawin iyon. Hindi ko pa nga alam kung ano ang tawag sa akin, hindi naman ako naniniwala sa kaluluwa pero marahil, ito na nga iyon.

"Kapatid ko!" malakas na bulong nito. Pigil ang tinig ngunit puno ng pait at pagdurusa ang tinig nito.

"Bakit? B-bakit kapatid ko? Bakit?" Napa-upo na ito dahil sa tindi ng iyak nito at sa panghihina ng mga tuhod.

"Kapatid ko, nagkulang ba ang ate? Nagkulang ba ako bilang ate mo?" dagdag tanong nito na pigil na pigil ang tinig ngunit patuloy ang masidhing paghikbi.

She's DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon