Marso 28
Mabigat ang loob kong lisanin ang mundo ni Bella. Akala ko noon, kapag mayaman ka, kapag successful ka, masaya ka. Hindi pala. Si Bella ang nagpatunay sa akin na ang kayamanan ay hindi kailaman magiging galing sa materyal na bagay, kundi sa mga bagay na hindi kayang tumbasan ng kahit anong halaga ng pera.
"Vicky na lang ang itawag mo sa akin." Napatingin ako sa aking kasama. Kahapon pa kami naglalakabay, parang walang sawang paglalakad. Ang kaibahan, parang napapagod ako, ngunit siya ay hindi. Hininihingal ako, nanghihingi ako sa kaniya ng pahinga na kadalasan ay nagtataka siya sa aking sinasabi sa kaniya. Hindi raw kami magkatulad dahil siya, hindi siya nakararamdam ng pagod.
"Hindi mo pa rin ba talaga maalala kung sino ka?" tanong nito sa akin habang kami ay nagpapahinga. Umiling lang ako dahil alam nito na malalim pa rin ang aking isip. Apektado pa rin ako ng nagdaan na kahapon.
"Sige, habang wala ka pang pangalan, tatawagin na muna kitang Alliyah." Tumango lamang ako. Pakiwari ko ay wala rin naman ako magagwa, wala akong alam sa 'king sarili, para akong naglalakad nang wala akong patutunguhan. Pero kagaya ng kay Bella, may rason at sagot sa lahat ng mga katanungan na naghihintay lamang ng tamang pagkakataon.
"Sana mahanap ko na kung sino ba talaga ako. Ang hirap nang walang pagkakakilanlan. Ang hirap kapag akala mo, iyon ang iyong katauhan at sa isang iglap, nalaman mong hindi pala ikaw iyon, nalaman mong hindi mo pala kilala ang sarili mo." Natawa ang aking kausap. Nagtaka ang aking mukha sa turan nito sa aking sinabi.
"Alam mo, wala naman iyang pinagkaiba sa buhay na tao. Akala kasi natin, kilala na natin ang ating mga sarili. Kadalasan, kapag may dumating at ipinakita sa atin ang akala natin ay atin, kaya sa huli --tinatanong natin ang ating sarili kung sino ba talaga tayo. Parang, who you, self? Kasi minsan, nabibigla talaga tayo na mayroon pala tayong ugali o katauhan na hindi pala natin kilala," natatawa pa rin nitong tugon sa akin.
Kapag titignan ko si Vicky, totoo nga na parang wala itong dinadalang problema. Nakadepende siguro ito sa kaniyang mood. Pero sa aking pagsusuri sa kaniya, masiyahing tao lang talaga siya.
"Pero bakit ka nagpakamatay?" tanong ko rito. Nabigla siya sa aking tanong. Natawa siya ngunit sumilay muli ang lungkot sa kaniyang buong mukha.
"Iyong mga panahon kasi na iyon, sobrang lungkot ko. Sobra. Sa totoo lang, lahat ng aking kalungkutan ay nasa aking mga ipinta sa aking kwarto. Naikwento ko na kay Bella lahat, pero alam mo, may bigat pa rin sa aking dibdib. Hindi mo naman kasi mararamdaman ang masidhing kalungkutan kung hindi mo naramdaman ang wagas na kasiyahan. Sa totoo lang, kaya tayo naging malungkot ay dahil naramdaman natin ang kasiyahan. Parang ibinigay sa ating ang isang bagay, at nang kinuha sa atin ito, namatay tayo." Napatingin ako kay Vicky at siniguro ko na hindi si Bella ang aking kaharap.
"Bella, ikaw ba iyan?" tanong ko sa kaniya, at muli --siya ay natawa.
"Kagaya ko si Bella. May mga bagay na para sa amin ay malalim lang talaga. Ang kaibahan sa amin, nabaliw siya dahil nasa kaniya ang lahat, ako nabaliw dahil ako ay walang-wala."
Nanahimik kaming dalawa sa aming kinalalagyan. Tila wala kaming magawa, mga ligaw na kaluluwang walang magawa-gawa.
"Hahanapin natin ang iyong sarili." Suhestiyon niya sa akin.
Sa lawak ng mundong ito, tingin kaya niya... mahahanap namin ako?
"Saan tayo magsisimula?"
"Sa mga lapida. Baka nariyan ang pangalan mo. Saka baka hindi pa natatanggal ang totoong tarpaulin mo, baka may kamukha ka."Napakurap-kurap ako sa kaniyang suhestiyon.
"O baka naman, subukan mong magtingin-tingin sa mga lapida, baka may maramdaman kang koneksyon, baka isa pala rito, iyong libingan mo na." Napaisip ako, wala naman mawawala kung susubukan naming dalawa.