Marso 4

2.3K 97 38
                                    

Marso 4

Hiram sa DIYOS
Ang aking buhay
Ikaw at ako'y
Tanging handog lamang
'Di ko ninais
Na ako'y isilang
Ngunit salamat
Dahil may buhay
Ligaya ko na ako'y
Isilang pagkat tao
Ay mayroong dangal
Sino ang may pag ibig?
Sinong nagmamahal?
Kung di ang tao
DIYOS ang pinagmulan
Kung 'di ako umibig,
Kung 'di ko man
Bigyang halaga
Ang buhay kong handog
Ang buhay kong
Hiram sa DIYOS
Kung di ako nagmamahal,
Sino ako?

Nagsimula nang dumating ang mga mga taong simbahan. Sabi nila'y kasapi ako sa mga gawain ng mga ito. Isa rin ako sa mga gumagawa ng ganito noon. Kasamahan daw nila ako.

Hindi ko naman matandaan o maalala. Hindi pamilyar ang mga taong dumarating. Sa aking palagay ay nabura lahat ang aking ala-ala.

Halos lahat sila ay tahimik na nagdarasal at kumakanta. Marami silang seremonyas at karamihan sa mga iyon ay mapapaluha ka sa banayad na pagkanta at pagdarasal.

Sa mga kantang hatid nila, sa mga mensahe na galing sa puso, at sa pinapakita nilang katatagan sa pagseserbisyo sa Diyos.

Pinagmasdan ko lamang sila. Makikita sa kanilang mata ang lungkot na mawalan ng isang kasamahan.

"Ang hirap pala kapag kasamahan mo na ang pinagseserbisyuhan mo ngayon ng ganito, hindi ako makabuo ng kanta dahil naiiyak lamang ako. Naalala ko lahat ng mga pinagsamahan, kung paano ako nagsimula nang kasama ko pa si Sis Vicky. Iyong panahon na siya ang nagpapatatag sa akin kasi napakalow-self steem ko. May mga panahon na nagtampo na ako kay Lord pero naroon naman siya at sinabi niya pagsubok lang lahat kaya malalagpasan din naman ito. Hinding-hindi ko malilimutan iyong panahon na sinubok talaga ako, iyong time na hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko sa buhay ko. Lahat ng mga mahahalaga sa akin, na-fail ko. Nag-fail ako sa lahat ng bagay pero naroon siya at sinabing magdasal lang, may kapangyarihan sa pagdarasal. Kaya iyon lamang ang ginawa ko at naniwala ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung anong nangyari basta naging okay lang din naman ang lahat. That time na-realize ko na hindi na ako dapat nagwo-worry sa mga bagay na nagpapalungkot sa akin dahil eventually, magiging maayos din naman ang lahat. Hinding-hindi ko malilimutan ang Sis Vicky na dahilan kung bakit ako naging matatag sa buhay. Kung bakit natuto akong kumapit kay Lord at kung bakit naniwala ako sa kapangyarihan ng taimtim na dasal. Kaya Sis Vicky, maraming-maraming salamat po." Naiiyak-iyak ang isang babae sa harap ng aking kabaong.

Ilan pa sa ito ay tuloy-tuloy ang pagdarasal at sa pagmemensahe sa harap ng aking kabaong.

Pinapakinggan ko lamang sila. Halos lahat sila ay maraming sinabing nakakatuwa at nakaka-bihag puso.

Ako raw iyong bigay na bigay sa mga gawain, palaging nakatawa, hagikgik nang hagikgik at palaging masiglahin sa pagseserbisyo.

Hindi ko maintindihan kasi kung okay naman pala ako sa iba, bakit ko naisipang magpakamatay?

Kung ako naman pala ang nagsisilbing ilaw para sa ibang may pinagdaraanang pagsubok, bakit ako ang napundi?

Mga ilang oras nang umalis na halos ang lahat. May nahuli lamang na isa at ito ay hindi ko napansin kanina lamang.

Isang babaeng naka-salamin. Kulot ang buhok at payat ang katawan.

Nagmano ito kay nanay.
"Oh? Bakit nahuli ka?" Ngumiti lamang ito sa tanong ni nanay. Dumiretso ito sa aking kabaong at unti-unting pumatak ang luha nito sa mata.

Nakita ko ang pagsisisi sa kaniyang mga mata. Hindi ko man siya kilala pero nakita ko sa mga mata nito ang panghihinayang at pagsisisi.

"Vicky," nangingiyak na tawag nito sa akin.

Malalim.

Malalim ang pagtawag nito sa aking pangalan. Parang sinasabi na nitong may malaking panghihinayang sa tinig nito.

Huminga ito nang malalim sabay ang pagluha muli sa aking harap. Mukhang hindi ito makapagsalita,parang kinakain ng dilim ang kaniyang puso dahil nakikita kong hirap siyang ilabas ang kaniyang damdamin.

"Vicky, patawad." Sa tinig na iyon ay naramdaman kong galing iyon sa dinadala niyang bigat sa puso.

"Patawad dahil sumuko ako agad. Patawarin mo ako na mas nakakatanda sa iyo at mas maraming nakaatang na responsibilidad sa akin pero pinili ko kayong biguin." Natigil ito sumandali at tumingin sa itaas upang pigilin pa ang mga luhang nagbabadya sa kaniyang mga mata.

"Alam ko, alam kong sobra ko kayong na-disappoint dahil hindi ko na kayo hinarap. Sobra akong nahirapan. Hindi ko alam na nagdamdam ka sa aking ginawa. Akala ko kasi, okay lang kayo, akala ko kasi kaya niyo pa ang mga gawain. Akala ko kasi, mas okay kapag wala na ako. Patawarin mo ako kung iniwan kita sa ere at ikaw ang sumalo lahat ng kailangan kong gawin." Napahinto ito at katulad kanina ay tumingala ito na nagbabakasakali na mapigilan pa ang luha sa kaniyang mata.

"Pero ito ang nangyari..." napatigil ito at pilit na kinagat ang ibabang labi para hindi matuloy ang nagbabadyang hikbi nito. "Masiyado ka nilang pinressure at nawalan ka na rin ng gana. Iyong last na text mo sa akin, hindi ko pa pinansin. Nagtatanong ka sa akin kung bakit ganoon ang ugali nila. Kung bakit kahit na mga taong simbahan pero parang mas malala pa sila sa mga taong hindi nagsisimba. Hindi ko iyon pinansin kasi may pinagdaraanan din ako ng oras na iyon, eh. Hindi ko alam na mas kailangan mo pala ng sagot. Kahit kaunting sagot lang pero hindi ko naibigay. Kahit kaunting pagsasabi ng mga bagay na magpapagaan at magpapatatag sa loob mo, hindi ko pa nagawa." Hinaplos-haplos na nito ang salamin ng aking kabaong.

"Vicky, kung mabibigyan pa ako ng pagkakataon para sabihin sa iyo na huwag kang sumuko, lalong-lalo na kay Lord baka sakaling hindi ito nangyari sa iyo. Vicky, kung sakaling inayos ko ang problema at hindi lumayo at iniwan sa iyo ang mga dapat gawin, baka magkasama pa tayo ngayon. Baka masaya pa rin tayong naglilingkod sa Panginoon. Vicky, I'm sorry kung ako man ang naging problema ng grupo, kung tinakasan ko ang mga dapat kong gawin. Naging mahina ako at makasarili na hindi ko nakita na maraming umaasa sa akin." Tuluyan na nitong pinakawalan ang kanina pang pinipigilan na luha.

"Kung maibabalik ko lang ang dati, Vicky. Gagawin ko ang lahat huwag lang mangyari ito sa iyo ngayon. Gagawin ko ang lahat para mas lalo kang tumatag sa Panginoon. Para mas lalo kang kumapit sa kaniya at hindi mapalayo pa dahil sa mga hindi mo maintindihan na ugali ng ating mga kasamahan." Nagpunas muli ito ng luha.

"Alam ko, kung nagawan natin ng paraan, baka naayos pa. Sorry Vicky."

Dito ko naramdaman ang totoong salita. Nakita ko sa mga mata niya na gusto niyang tumulong. Gusto niyang tumulong pero wala siyang ginawa. Aware siya sa nangyari, pero pinagsawalang-bahala niya ito.

Magsisisi na lamang ba tayo lagi kapag huli na ang lahat?
Kapag nakapagdesisyon na ang tao na ayaw na niya talagang mabuhay?
Dahil sa kapabayaan ng iba kaya napapahamak ang ilan.

Hanggang kailan natin pipigilan ang sariling tumulong sa iba?

Siguro nga, naramdaman ko ang panghihinayang ng babaeng nasa harap ng aking kabaong.

Nadama ko ang nais niyang ipabatid at wari gusto talaga nitong tumulong kung may magagawa lamang siya.

Pero anong magagawa mo kung huli na ang lahat?

Noong may panahon pa, anong ginawa mo?
Anong ginawa mo para matulungan ako?
Iyong mga bagay na kinakapitan ko rati, ikaw ang nag-ambag na sumira nito.

Kung hindi napigtas ang lubid na pinagkakapitan ko, mahuhulog pa kaya ako? Kung ang lubid na siyang aking kinakapitan ay pinatibay ng iyong gabay maari ko kayang maakyat ang bundok sa pinaka-itaas nito? Pinili mo ang una, kaya siyang lubid sa akin ay kumitil. Ang lubid na dapat ay aking pagkakapitan ay siyang lubid na aking pinagbigtian.

Kung hindi mo sinukuan, nanalo ka kaya?
Kung hindi mo tinigilan, natapos mo kaya?
Kung hindi mo pinigilan, naibigay mo kaya?

-----------------------------------------
SAVAGEBLOSSOM || Wattpad2018 || All Rights Reserved

She's DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon