Marso 30
"Gising na." Nadama ko ang malambot na kamay. Haplos-haplos nito ang aking mukha.
"Bangon na riyan. May pupuntahan tayo!"
Napatulala ako nang makita si Bella sa tabi ng aking kinahihigaan. Nasilaw ako nang bumangon ako dahil puro puti ang aking nakikita. Nakakasilaw rin ang hindi mainit na sikat ng araw. Nang aking tignan kung saan nanggagaling ang sakit ng araw ay namangha ako dahil puting-puti ang sikat nito. Naliwanagan ako na hindi sikat ng araw ang ilaw na sumisilaw sa akin, kundi isang malaking lagusan kung saan maraming dumaraan.
Nakangiti na lumapit nang dahan-dahan sa akin si Bella.
"Handa ka na bang sumama sa akin?" tanong nito. Nagtataka ang aking turan dito.
"Saan ba tayo patungo?" tanong ko rito.
Natawa ito sa akin. Hindi ko akalain na makikita ko na siyang ganito kasaya. "Hindi ko kasi pwedeng sabihin. Hindi nila ako papayagan." Umupo ito sa aking tabi. Tinitigan lamang niya ako. Sa pagtitig niya sa akin ay pagtingin ko sa mga taong naglalakbay sa lagusan.
"Sino sila?" tanog ko.
"Mga handa nang sumama sa liwanag. Mga tao na hinanda ang puso, isipan, katawan, at ispiritu para sa araw na ito. Hindi ko pa rin nakikita ang lugar na iyon, pero sa tingin ko ay malapit na akong maglakbay sa lugar na iyon." Tinitigan nito ang aking kamay, ngumiti at humawak dito.
"Nakatakbo ka sa lugar na iyon pero hindi ang katawan mo. Marahil, napagod at hindi nakayanan nito ang mga hirap at sakit kaya naririto ka at nagpapahinga. May masakit pa ba sa iyo?" Nakatitig ako sa kamay kong hawak-hawak niya. Sa wakas, nahahawakan na rin niya ako at totoo ito.
"Masakit, madilim, puno ng pag-iyak at dalamhati. Walang papantay sa lahat ng naramdaman ko sa paglayo ko sa lugar na iyon. Pero parang may hinahanap ang aking puso. Nakatakas nga ako, pero mukhang huli na ang lahat."
"Namamatay tayo ng ilang ulit, nang sa ganoon sa pagkamatay na ating naranasan, may mabuhay sa atin na munting sisidlan ng magandang bunga. Hindi lahat ng namamatay ay isang kamatayan, at aking napatunayan dahil ako ay nabuhay muli na may ibang misyong ginagampanan. May buhay muli pagkatapos ng isang kamatayan."
Pagbangon.
Isang liwanag na inaasam-asam. Nilaban, nilabanan, at lumalaban. Sa bawat talo, mayroong pagbangon na baon-baon. Sa bawat lingon, may pag-asang humahamon.
"Naalala mo ang pangalan na ibinigay sa iyo ni Vicky?" tanong nito sa akin. Tumango ako.
"Ikaw si Alliyah. Alam ni Vicky ang iyong pangalan. Ngayon ko lang napagtanto na hindi aksidente na sa kaniyang kwarto ka napunta nang magising ka. Ikaw ang pinakahuling obra niya. Nakita ka niya sa isang library, tahimik kang nagbabasa, mag-isa at malungkot. Hindi ka niya nilapitan, bagkus ipininta ka niya na kapareho ng kaniyang hinagpis na nararamdaman. Alam niyang hindi siya nag-iisa dahil mayroon siyang isang nakitang kagaya mo." Ako ang kaniyang huling ipininta?
Nang aking alalahanin ang mga pininta niya, isa lang ang aking naalala, mga malulungkot na tao, mga malulungkot na bagay, mismong ipininta pala nito ay malulungkot din.
"Alliyah." Napabuntong hininga ako. Napatingin ako kay Bella. Hinawakan nang mahigpit ni Bella ang aking kamay. Mahigpit na mahigpit na ako mismo ay nahirapan bawiin sa kaniyang ang kaning kamay.
"Ano ba, Bella?" Binawi ko ang aking kamay na pinakahinigpitan niya ng hawak.
"May nararamdaman ka pang sakit. Hindi ka pa patay." Napalukot ang aking mukha. Hindi pa ako patay?
"Lumalaban ang iyong katawan. Lumalaban ka. Lumalaban ka pa para mabuhay. Huwag mong sayangin ang pag-asa na may mga tao kang mabago ang buhay dahil isa ka sa mga taong nakatakas sa pait at pagdurusa ng kalungkutan na hinding-hindi makikita ng ibang tao na nakabase lamang sa panlabas na kaanyuhan. Isa ka sa mga tao na nakadama ng nakatagong nakamamatay na parusa. Isa ka sa mga taong maiintindihan ang sakit na dinaranas ng maraming tao na walang maunawaan dahil hindi nila naramdaman ang kagaya ng ating naramdaman. Lumaban ka pa!"