Marso 21

791 27 2
                                    

Marso 21

Kinilabutan ako sa ngiti niyang iyon dahil parang nababaliw itong nakatitig sa akin.

"Huwag! H-huwag kang tumalon." Sinesenyas ko ang aking mga kamay na pinapatigil ko siya sa gusto niyang gawin.

Binaling niyang muli ang tingin sa mga ulap. Mas lalo nitong tinaasan ang kamay na parang sumusuko na ito sa buhay.

Dahil sa aking takot na baka siya ay tumalon, lumapit ako sa kaniya.

"Kapag tumalon ka riyan, hinding-hindi mo na makikita na may mangyayari pang maganda sa buhay mo. Makinig ka sa akin, hindi sagot ang pagpapakamatay sa mga paghihirap mo sa buhay. Please. P-please, huwag kang tumalon, huwag mo iyan ituloy!" sigaw ko sa kaniya. Katulad kanina ay tumingin lamang ito nang nakangiti sa akin. Napatigil ako sa aking paglapit sa kaniya sapagkat may luha na pumapatak na ngayon sa kaniyang mga mata.

May nakita na naman akong isang tao na naghihirap. Marami ba talagang tao ngayon ang ganito ang mga kalagayan?

Umatras siya, bumaba sa kaniyang kinalalagyan at napaupo na lang ito bigla sa sahig.

Mukhang nagbago na ang kaniyang isip sa pagtalon.

Hindi na ata siya magpapakamatay.

Sinikap kong lapitan siya, kausapin at pagsabihan siya, kaya lamang ay nag-aalala ako na baka hindi niya ako madama. Nagtataka pa nga ako na baka totoong nakikita at naririnig niya ako, pero hindi ko na matanong kung bakit. Baka talagang nakakakikita ito ng mga kagaya ko.

Nang mapagtanto kong huminahon na ang kaniyang loob ay lumapit na ako sa kaniya.

Isang babaeng malalim na rin ang mga mata, may matangos na ilong, may makinis at mala-porselanang balat, may maikling buhok na diretso, at napakagandang hubog ng katawan.

Umupo ako sa kaniyang tabi. Tinitigan lamang siya dahil nananatili siyang nakatulala.

"Hi." Kinukuha ko ang kaniyang atensiyon dahil palagay ko ay hindi nasa kasalukuyan ang kaniyang isip.

Tumingin naman na ito sa akin nang aking iwasiwas nang dahan-dahan ang aking kanang kamay sa harapan ng kaniyang mukha.

Ngumiti pa nga muna ito. Iyong ngiti na parang nakikipag-usap lang talaga siya sa isang kakilala. Nagtaka ang aking mukha sa ngiti na iyon.

"A-ah... okay ka na ba?" tanong ko rito.

"Hindi pa." Umiling-iling ito habang pinipilit ang kaniyang pagngiti.

Nagtaka akong muli sa kaniyang sagot.

Mukha naman siyang okay. Hindi naman na siya mukhang nababahala at mas lalong mukha namang kaaya-aya na ang kaniyang mukha.

"Bakit gusto mong magpakamatay?" tanong ko rito muli nang makita kong ngiti na lamang ang tugon nito sa akin.

Umiling itong muli at mukhang hindi ito sanay na may kausap na kagaya ko.

Hindi ko muna siya inimik dahil sa tingin ko ay nangunguha pa ito ng lakas upang kausapin o sabihin sa akin ang nasa loob nito.

Huminga-hinga siya nang malalim. Tumitingin sa kawalan, sa ulap, sa hangin, at sa akin. Pabalik-balik.

Malalim niyang hinugot ang kaniyang hininga nang sabay ng pag-unat-unat niya ng braso at mga hita.

Ngumiiti muli at mapapatulala sa kung saan.

"Nakakatakot ang mga tao, noh?" Nagulat ako nang bigla siyang magsalita. Hinahayaan ko lamang siya na maging komportable sa aking tabi.

Hindi ako sumagot sa kaniyang tanong. Sa aking palagay kasi, totoo naman na mas nakakatakot pa ang mga buhay na tao, kaysa sa mga patay na kagaya ko na naghahanap ng dahilan ng aking pagkamatay. Mas nakakatakot pa iyong mga buhay na tao na walang ginawa kung hindi ang pag-isipan ng masama ang nasa paligid. Mas nakakatakot pa ang mga buhay na tao, na kahit wala ka nang buhay ay nagagawa ka nilang saktan, pagsalitaan ng hindi magaganda sa likod mo, mahalin at iwan, mahalin at ipagpalit, mahalin at paasahin sa wala, mahalin at sasaktan ka lang din naman nang paulit-ulit.

She's DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon