Marso 14
Hindi ako nakatiis at bumalik ako sa bahay ni Lalaine. Isang malaking bahay na niluma na ng panahon at mistulang nagmukha nang haunted house. Hindi takot ang nararamdaman ko rito kung hindi ang kakaibang pangamba sa kalungkutan na bumabalot sa buong lugar.
Lahat ng kalungkutan ng isang tao ay naiiwan sa lugar na inilagak niya roon. May mga naiiwan tayong enerhiya sa sulok na ating pinaglabasan ng emosiyon. Kapag dadamhin mo ang bawat espasiyo ng lugar na ito, mararamdaman ang pangungulila at kalungkutan ng damdamin na nagtatangis na enerhiya.
Huminga ako nang malalim nang aking iginala ang aking paningin sa paligid. Maggagabi na pala at hindi ko namalayan ang aking sarili na buong araw lamang na paikot-ikot sa buong bahay.
Kung ako nga si Lalaine na mag-isa lamang na nakatira rito, baka mabaliw rin ako nang tuluyan.
Ang laki-laki ng bahay na ito para sa isang taong nag-iisa. Walang hindi malulumbay sa ganitong lugar nang walang kasama.
Paano kaya siya nabuhay na ganito ang kaniyang mundo na kinalakihan? Paano niya nakayanan ng mga ilang taon na mag-isa? Kahit ako, hindi ko maiisip ang gagawin ko kung ako ang napunta sa kaniyang sitwasiyon.
Naisipan kong tumungo muli sa kuwarto na una ko siyang makita. Ang kuwarto kung saan siya nagbigti.
Iginala ko ang aking sarili at nakita ko ang ilang mga gamit na mayroon lamang siya. Totoo ngang ito lamang ang mga damit na mayroon siya. Mapapansin din na may mga ilang damit siya na nakabalot pa ng supot na mga damit pambata. Ini-rereserba kaya niya ito sa kaniyang magiging anak? Hindi naman niya alam kung ano ang magiging kasarian ng kaniyang magiging anak kaya bakit narito pa ito at sadiyang nakabalot pa na parang iniingatan sa kabinet na iyon.
Napadako naman ang aking tingin sa isang lamesa. Ang naalala ko sa lamesang ito, nakalagay ito sa gitna kung saan nakapatong ang isang upuan. Ito marahil ang ginamit niyang akyatan para sa kaniyang pagbibigti.
Nang aking tignan ang lamesa ay mayroong mga papel ito na nakalabas na. Marahil ay ang mga nag-iimbestiga kanina ang naghalungkat ng mga ito. Baka nga naman ay may makita pa silang nakasulat na huling mga habilin ni Lalaine, o baka naman ay mayroon itong huling note kung mayroon mang nagbabalak na pumatay man sa kaniya.
Pero kung susuriin ang kaniyang sulat, parang isang bata ang istilo ng kaniyang pagsusulat. Hindi pa dugtong-dugtong at halatadong nag-aaral pa lang itong magkumpas ng mga titik. Hindi pa ata ito sanay sa pagsusulat. Mahahalata iyon dahil hindi pa buo at hirap pang puliduhin ang pagbubuo ng mga titik. Wala kayang nagturo sa kaniya kung paano magsulat? Ilang taon kaya siya nang mamatay ang kaniyang mga magulang?
Nang bumalik kanina rito ang mga tagaimbestiga ay wala na ang mga dugo sa paligid at malinis na rin ang pinangyarihan ng krimen.
Malinaw na suicide ang lahat at nakafile na ito ang dahilan ng kaniyang pagkamatay. Ang tali na ginamit niya para kitilin ang sariling buhay ay nakasabit sa isang sabitan sa isang dingding.
Tinitigan ko ito.
"Ikaw ang dahilan ng pagkamatay ni Lalaine. Ikaw ang dahilan kung bakit siya namatay. Kung hindi dahil sa iyo, hindi siya mabibigti. Ikaw ang taling mamamatay tao, wala kang awa!" paninisi ko sa taling nasa aking harap at kaunting nangingiti ako dahil natatawa ako sa aking sarili. Alam ko naman na walang kasalan ang tali sa pagbibigti ni Lalaine, nababaliw na ata ako dahil sa maghapon akong mag-isa sa napakalungkot na bahay na ito.
Mga ilang saglit ay natripan ko itong hawakan kahit na alam kong hindi ko naman ito madadama o magagalaw.
Hindi ko akalain na sa paglapat ng aking mga daliri sa tali na iyon ay nagliwanag ang lahat at nabago ang aking paligid. Nabago ang timpla ng mga damdamin na bumabalot sa buong paligid. Naging magaan at masigla ito, maliwanag dahil kumpleto na ang mga ilawan at mayroon nang kuryente sa buong kuwartong iyon. May kurtinang kulay pink ang malaking bintana, mayroong maayos na kobre kama, nakasalansan ang mga damit at gamit at mapapansin na ang magandang pintura ng dinding. Hindi na ito ang haunted house na pinagtambayan ko kanina.