Marso 2

2.8K 113 66
                                    

Marso 2

Ilang kalabog sa pinto ang aking nadinig. Nagising ako sa hiyaw na boses ng isang babae. Tila nagwawala ito sa galit.

"Wala ka na namang gagawin sa bahay na ito? Wala ka talagang kuwenta! Mabuti pa nga na umalis ka na rito. Ginagawa mong boarding house itong bahay! Para kang pensyonada. Anong akala mo sa bahay na ito?Ang dumi-dumi ng bahay. Buong araw kang walang ginagawa. Wala kang trabaho, ayaw mo magtrabaho. Wala ka nang naitutulong sa gawaing bahay, wala kang silbi. Buksan mo itong pinto!" Ilang segundo nang pilit nitong binubuksan ang pinto, may nadinig akong tunog ng mga kumakalansing na susi, hanggang sa tuluyan na nilang nabuksan ang pinto ng kuwarto.

Isang babaeng hindi naman ganoon katandaan. Nakatali ang buhok at mistulang kagigising lamang nito. May dala-dala itong walis tambo habang nagngingitngit ito sa galit papasok ng aking kuwarto.

"Victoria! Wala ka nang ginawa kung hindi ang humilata! Hindi ka pa babangon diyan?" Nakatutok na ang walis tambo sa aking katawan sa higaan. Dali-dali na nitong pinaghahampas ang walang malay na aking katawan.

Walang reaksyon o anumang galaw ang kababakasan sa aking katawan.

Dahan-dahang tumulo ang luha ko. Naawa ako sa sarili ko.

Naalala ko ang sakit ng mga palo na iyon. Hindi ko man maramdaman ngayon ang sakit ng hampas na iyon pero sa aking puso, nararamdaman ko kung gaano iyon kasakit.

"Hindi ka pa rin babangon?" Hindi ito tumigil sa paghampas. Nang maramdaman niyang wala pa ring nangyayari sa pagpalo nito ay hinablot nito ang buhok at sinabunutan.

"Kailangan mong linisan ang kubeta, ang sala, at ang kusina. Kaya bumangon ka na riyan." Hinagis nito ito sa sahig at nadinig sa buong bahay ang pagkahulog nito, ngunit walang nangyari sa katawan ko.

"Tama na iyan, tamad talaga iyang batang iyan. Wala ka nang magagawa." May pumasok na isang lalaki. May hawak itong susi ng kotse.

"Hindi na nagtanda ang batang ito. Walang silbi, walang kuwenta. Babangon lang siya kung kakain siya. Lalabas lang siya kapag gutom siya." Sinubukan niya ulit hablutin ang buhok ng walang malay na katawan.

"Aba'y Dolor, tignan mo nga kung humihinga pa ang batang ito? Bakit parang hindi ito gumagalaw?" Inilipat ng lalaki ang katawan sa higaan at pinakiramdaman ang pulso.

"Hindi ka na nasanay riyan. Palagi naman iyang maputla dahil hindi lumalabas ng kuwarto niya." May bakas na ng pag-aalala sa boses ng babae. Parang kinakabasan na ng takot ang kaniyang mukha.

"Wala nang pulso, Dolor. Patay na ata ang anak mo?" Nataranta ang babae at ang mukha nitong galit na galit ay nabakasan na ng purong takot sa mukha.

"Bakit hindi mo napansin na wala na itong buhay? Hinagis mo pa sa sahig?" Dali-dali na nitong binuhat ang bangkay at sinakay na sa kotse.

"Hindi ko alam Ador! Itong batang ito,nakasanayan na kasi naming hindi lumalabas ng kuwarto kaya akala ko, natutulog lamang siya. Hindi ko naman sinasadya na sa sobrang galit ko, nasabunutan ko pa kanina at hinagis sa lapag. Hindi ko napansing hindi na pala ito humihinga," mayroong pagsisisi sa tinig ng babae.

Naiiyak ang dalawa nang umabot na sa hospital. Nang tignan ang aking katawan ng isang doktor, kinompirmang patay na nga ako.

Gulat ang kababakasan sa mga mata nila. Halos mahimatay ang babae ngunit pilit na pinapatatag ng lalaki ang loob nito.

Mga ilang minuto pa ay tumawag na ang mga ito sa ibang kaanak upang ipamalita ang nangyari.

Mga ilang saglit ay dumating ang ilang iba't ibang tao.

"Anong kinamatay?" tanong ng ilan.

"Heart attack ata or heart failure. Ang sabi, may nai-nom daw ito para hindi makahinga kaya hindi na nakayanan ng puso niya," mahinang tugon lamang ng babae.

"May allergy siya sa gamot na isang brand ng antibiotic at alam na alam niya iyon. Marahil iyon ang nai-nom niya dahil may record ito rito ng allergic reaction noong bata pa siya, hindi siya nakahinga nang uminom siya noon niyon." Napahagulgol ito ng iyak.

"Kung alam niyang allergic siya, bakit pa siya uminom no'n? May sakit ba siya para uminom ng antibiotic? Bawal na magbenta no'n kung walang reseta." Nakakibit balikat pa ang isang babaeng nasa edad na rin sa harap ng lahat.

"Suicide." Nanlaki ang mata ng ilan nang marinig iyon galing sa isa pang kadarating na tao na nakikinig lamang kanina pa sa kanila.

"Bakit naman niya iyon gagawin?" Ilang mga katanungan pa ang sunod-sunod na namayani sa isa't isa.

Walang makasagot kung bakit siya nagpakamatay.

Walang nakakaalam kung bakit niya kinitil ang sariling buhay.

Walang nakakaalam kung bakit niya winakasan ang natatanging buhay rito sa mundo.

Walang nakakaalam...

Walang nakababatid...

Wala.
-----------------------------------------
SAVAGEBLOSSOM || Wattpad2018 || All Rights Reserved

She's DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon