Marso 19

725 31 0
                                    

Marso 19

Hindi mawala sa isip ko ang nangyari sa Mommy ni Lalaine. Hanggang ngayon, hindi ko maalis sa aking isip kung paano namatay ang ina nito bago ito gahasain. Ang iyak at nakakaawang bata na si Lalaine nang makita na ang kaniyang Mommy na wala nang buhay sa kaniyang kama.

Sinisisi niya ang kaniyang mga kapit-bahay. Ilang ulit siyang sumigaw ngunit walang naniwala, humingi ng tulong pero hindi binigay ang kaniyang hiling, at minata pa siya ng ilan.

Ito ang simula na mag-isa na siya sa buhay. Hindi ko akalain na magiging ganito kapait sa aking paningin na masaksihan ko ang isang istorya ng buhay ng inaakala kong ganoon lamang kababaw upang siya ay magpakamatay.

Pinagsisihan ko ang aking pagkamatay, kung sa akin nangyari ang nangyari kay Lalaine, baka mas katanggap-tanggap pa ang rason ko upang magpakamatay.

Anuman ang naging aking dahilan sa aking pagkamatay, nasisiguro kong walang-wala iyon sa dahilan ni Lalaine nang bawiin na nito ang sariling buhay.

Maraming tao ang nagdurusa, maraming tao ang hinihiling na mawala na ang kanilang buhay, at maraming tao ang nagpapasya na tigilan na ang inaakala nilang walang saysay na kanilang buhay. Iba-iba ng dahilan, iba-iba ang kapighatian, at iba-iba nag pinagdaanan, pero hindi pa rin sapat para kitilin ang sariling buhay dahil sa isang banda, may taong pinaglalaban ang buhay nila. Maraming mga tao na mas malala at mas mahirap ang pinagdaraanan, pero kinakaya pa rin nila.

Hindi naman kailangan labanan, kung minsan, kailangan lang magtiwala na may magdadala ng kaunting liwanag. May kamay na kusang lalaban para malampasan ang hamon ng buhay.

Nakaya ng ina ni Lalaine na mabuhay, kahit na namatay ang pamilya sa sakuna ng kahirapan. Hindi ito sumuko kaya nakakita ng liwanag na dinala sa kaniya ni Don Emilio. Ngayong magkasama na sila sa kabilang buhay, marahil masaya na sila. Si Lalaine na lang ang nanatili at hahamunin ng buhay ngayong mga natitirang sandali ng kaniyang buhay.

PInagmamasdan ko si Lalaine. Kung sa kaniyang ama ay pinakita niyang matapang siya para sa kaniyang ina. Iba na ngayon dahil alam niyang nag-iisa na lang siya.

Alam na niya na ang kaniyang mga kapitbahay ay hindi niya maasahan. Hindi tao ang tingin sa kaniya ng mga ito.

Bumalik ang mga taong nagpunta sa kanila nang namatay ang kaniyang ama.

"Iha, nakikiramay kami sa iyo ngayon." Lumapit ang dalawang Ginang sa bata habang nag-aabot ng sobre na naglalaman ng maraming pera.

Tumingala lamang si Lalaine dahil natatandaan niya ang mukha ng mga ito.

"Para saan po ito?" magalang niyang tanong sa dalawa, kahit sa isip niya ay umaasa siyang, may malinis na hangarin ang mga ito.

"Hindi pa rin nagbabago ang alok namin sa iyo, iha. Dadagdagan pa namin ang mga ito. May malas sa bahay na ito. Kailangan nang tanggalin at linisin. Lupa lang naman na sakahan ang magiging kapalit, para sakali, mabuhay ka pa. Iniisa-isa na kayo ng itim na iyon, kaya sana, pag-isipan mong mabuti, iha." Bumuntong hininga si Lalaine.

Dala ng wala nang mapupuntahan ay pumayag na ito sa alok ng mga Ginang.

Katulad sa nangyari sa burol ng kaniyang ama, bumilis na naman ang takbo ng mga pangyayari. Nailibing na ang Ginang ngunit naabutan kong umiiyak si Lalaine at pinipigilang kunin sa kaniya ang buong lupain nila.

"Niloko ni'yo ako, hindi naman totoo ang inyong sinabi! Walang masamang itim na demonyo ang nasa aming tahanan! Narinig ko kayong ang pakay ni'yo lamang ay aming lupa! Mga masasama kayo!" sigaw ni Lalaine sa harap ng kanilang gate dahil pinaalis na ito sa kaniyang sariling bahay.

She's DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon