Marso 13
Bumalik ako kung saan inilibing si Lalaine. Nabalitaan kong inilibing na ito kaagad. Wala na rin namang nag-atubiling mag-ayos ng kaniyang lamay kaya nagpasiya ang lahat na ilibing na lamang ito. Marami-rami ring mga tao ang sumama sa libing ni Lalaine, ang iba pa nga ay narito pa rin sa kaniyang libingan.
Maghapon pa rin akong nakikinig sa mga kuwentuhan ng mga ka-barangay nila. Wala na nga sila Aling Bebang, Aling Sonya, at Aling Cynthia ay patuloy pa rin naman ang pakalat-kalat na balita tungkol kay Lalaine.
Nalaman ko rin na isa pa lang prostitute ang ina nito. Ang mayaman na si Don Emilio na tatay nito ay binili ang ina nito na si Laxamina sa isang kilalang bar sa kabilang bayan. Isa sa tinitingalang maylupa si Don Emilio sa kanilang lugar noong kasagsagan ng karera nito sa negosyo pang-sakahan. Nang magkasakit si Don Emilio ay siyang pagbagsak din ng yaman ng pamilya. Napunta ang lahat ng kanilang yaman sa pagpapagamot ng sakit nitong wala pang natutuklasang lunas.
Magpasa-hanggang ngayon ay usap-usapan ang pamilya ni Lalaine dahil para sa kanila, siya at ang kaniyang ina, ang naghatid ng kamalasan sa kanilang pamilya.
"Mabuti nga at nawala na ang batang iyan sa ating pamayanan. Nako! Sa totoo lang, simula nang mapadpad ang mag-ina na iyan dito sa ating barangay, nabawasan na ang ating ani at nagdulot din ng ibayong tagtuyot sa ating mga lupang sakahan!" dinig ko habang pasigaw pa na binubulyaw ng isang ginang ang kaniyang saloobin ukol kay Lalaine.
"Oo nga! Naalala ko! Simula nang dumating sila sa ating barangay, nagsimula na ang delubyo sa ating buhay at sa pamilya ni Don Emilio! Hamakin mong nagkasakit ito nang malubha kahit kay-ganda ng hubog ng kaniyang katawan." Habang nakatingin ang ginang sa libingan ni Lalaine ay ilan pang mga kahindik-hindik na pagpupukol ng mga mata ang ginagawad nito sa gawi ko dahil nasa may lapida ako mismo ni Lalaine.
"Ganoon talaga kapag kinakarma ang masama, nadamay lang si Don Emilio sa kanila, ang bait-bait naman kasi ng taong iyon, eh! Ayan tuloy, nauwi lang sa isang babaeng mababa ang lipad at naawa lamang kaya inuwi na niya sa kanila. Nakakaawa si Don Emilio, nahawaan ng kamalasan nila," dagdag pa ng isang ginang na masama rin ang pinupukol na tingin sa libingan ni Lalaine.
Kung alam lang nilang may isang kaluluwang pagala-gala at pinupukulan din sila ng masamang tingin, ganiyan pa rin kaya magiging kalakas ang loob nila?
"Kaya iyong bata na nakita ng imbestigador sa loob ng bahay nila Lalaine, kailangang isunuod iyon kay Lalaine para mawala nang tuluyan ang malas sa ating lugar," suhestiyon pa ng isang ginang.
May isang ginang na hindi nakatiis at lumapit sa mga ginang na hindi matigil sa pagdidiskuyunan.
"Hoy! Hoy! Hoy! Kayong mga wala nang ginawa kung hindi ang pag-usapan ang patay na, mandadamay pa kayo ng batang walang kamuwang-muwang! Aba! Baka hindi ni'yo alam na nakakulong na sila Aling Bebang, Aling Sonya, at Aling Cynthia sa Police Station? Kakatsismis nila kay Lalaine, nahuli sila ni Kapitan. Kaya kayo, kung ayaw niyo madagdagan ang maglilinis ng ating barangay -- manahimik na kayo! Pati maliit na bata, idadamay ni'yo!" sigaw ng isang ginang na sa tingin ko ay nasa tamang pag-iisip.
"Para sabihin namin sa iyo, itong ginagawa at sinusuhestiyon namin ay para rin sa ikakabuti ng lahat! Anong malay ba natin na may sa-demonyo talaga ang batang iyon." Isang masamang irap ang ibinalik nito sa sumaway sa kaniya.
"Oh, talaga? Ang galing ni'yo naman. Naisip ni'yo pa iyon, eh wala na nga kayo halos mapakain sa mga anak ni'yo. Sabihin ni'yo 'yan kapag kumita na kayo sa kakaisip nang masama sa iba! Para talaga sa ikakabuti ng lahat? Bakit iyang mga sinasabi mo, nakabuti ba sa mga anak mo iyan? Napakain ba sila ng mga masasarap at masusustansiyang pagkain? Nabihisan ba sila ng magarang damit?" sunod-sunod na tanong ng ginang.
Lumapit pa ito nang mariin sa mga usisera.
"Iyang mga sinasabi ni'yo, mga walang katuturan iyan. Kung hindi kayo titigil sa mga kakaganiyan ni'yo, hinding-hindi kayo uunlad! Sana lang talaga, may mapala kayo, kasi walang umaasenso sa ganiyang trabaho. Pakiramdam ni'yo may sahod kayo sa ganiyang gawain, ang gagaling ni'yong gumawa at magtahi ng mga agam-agam na walang saysay!" sigaw nitong muli habang lumalaki-laki pa ang mga mata.
Akala ko, sa buong baryo nila ay ganito na lamang ang aking makikita o madirinig, iyon pala, may matino pa talaga.
"Akala mo kung makapagsalita ka sa amin? Hindi kasi kayo nagkakalayo ng trabaho noon ni Laxamina! Kaya iyan ka, damang-dama mo ang mga sinasabi namin. Para sabihin namin sa inyo, kayong salot dito sa lugar natin, kayo ang mga nagdadala ng kamalasan dito! Nandito pa lang kayo sa mundo, sinusunog na ang kaluluwa ni'yo sa impyerno. Pati si Lalaine, at isama na niya ang anak niya sa hukay!" sigaw nito muli at dinuro-duro pa ang ginang sa pagkakabunyag ng dati nitong trabaho.
Hindi nagpatinag ang ginang bagkus tinaas niya ang kaniyang ulo at sinagot ang ginang na animo'y nasasapian ni satanas.
"Anong malay niyo rin na baka mamaya nasa likod ni'yo lang din si Lalaine at dadalawin kayo sa pagtulog ni'yo! Diyan na nga kayo! Ayokong madamay sa kadungisan ng utak niyo!" isang pagalit na tono ang iniwan nito sa mga usisera at tumalikod na ito sa kanila.
Tamang-tama nang tumalikod ang ginang na nasa katinuan ay biglang nagsidatingan ang mga tanod.
Natikom ang bibig ng mga usisera kaya napabalik ng tingin ulit si ale na nasa katinuan. Natawa ito sa mga hindi tulak kabingin na mga maiingay kanina.
"Oh, ano? Takot kayo 'no? Parang may dumaang anghel sa harap ni'yo!" bulyaw niya sa mga taong kanina lamang ay hindi mapigilan sa kakadada. Ngayon naman atras na ang mga dila nila. Ang bilis ng balik ng karma, parang nag-express way.
"Kuyang Tanod! Galing-galingan ni'yo sa pagroronda at marami-raming mga dila na kailangan ni'yong hulihin sa ating barangay. Pakisabi na rin kay Kapitan na mabuti na lang at nabawasan na ng salot sa ating lugar. Ang mga kuda nang kuda naman talaga ang mga salot dito at hindi ang mga batang walang kamuwang-muwang. Hay! Makaalis na nga!" Irita man ay nagawa pa nitong sumaludo sa mga tanod bago ito tuluyang lumayo nang tuluyan sa aming kinalalagyan.
Nakita kong napahiya ang mga ale sa mga sinabi ng aleng nasa tamang pag-iisip. Natakot na sila at umalis na sa lugar na iyon.
Ano nga naman ang magagawa ni Lalaine kung pinanganak ito ng isang nagbagong-buhay na prostitute na ina. Hindi naman siguro kalabisan na mayroong nag-atubiling tumulong sa ina ni Lalaine para ito ay maitahak pa sa mabuting landas.
Mas nangangailangan ng liwanag ang mga taong nasa kadiliman, kaysa mga taong nagpapanggap na nasa liwanag ngunit kadiliman naman ang niyayakap. Mga taong itinatago ang sariling mga dumi sa malinis na telang puti. Mga taong nagmamantsa sa mga taong nagbabagong buhay at tumatayo sa kanilang mga pagkadapa.
Si Lalaine ang biktima at hindi ang inyong lugar. Nabiktima siya ng lugar na walang nagmamahal sa katulad niyang ang hanap lamang ay paglingap sa murang puso na sinubok na mahinog na ng mga paglilitis na galing lamang sa paghahatol ng mga mapanirang mga mata at madudungis na pag-iisip.
Hindi rin minalas si Don Emilio dahil tumulong siya sa ibang taong nawawala na sa landas. Mas minamalas ang mga taong hinihila ang kapwa nila pababa at pailalim pa. Mas minamalas ang mga taong hindi tunay at buo ang kalooban na tumanggap sa pag-angat ng ilan. Madalas pa nga na sila pa ang nakakahigit pero sa pusong sakim at ganid sa kasikatan at karangyaan: sila ang mas higit na bumababa.
Sa bawat paghila mo sa mga tao pababa, pati sarili mo, mas lalong lumululon sa kasakiman at pagka-ganid na maging sarili mo ay nawawalan ng patutunguhan.
-----------------
SAVAGEBLOSSOM || Wattpad2018 || All Rights Reserved