Marso 5
Maraming dumarating, maraming na-
kikiramay.Tinitignan ko ang mga ito isa-isa. Maraming nakasuot ng itim. Kadalasan kapag naka-kulay pula ang iyong damit, hanggang sa labas lamang siya at hindi siya papasok dito sa loob.
Isa itong kasabihan na kapag naka-pula ka ay ibig sabihin na masaya ka. Pati sa kulay ng damit ay mayroong ibig sabihin ang mga tao. Pero pagdating sa kaunting kinikilos mo na nanghihina ka na ay pili lamang ang nakaka-pansin nito. Mapapansin na lang nila kapag mayroon nang resulta.
Dalawang resulta lang naman: Masama sa mata nila o mabuti sa panginin mo.
Mabuti sa kalooban nila ngunit masama naman sa damdamin mo.
Masama sa pandinig nila ngunit mabuti naman ang pagkaka-intindi mo.
Bumalik na ako sa tabi ng aking kabaong matapos kong makinig sa mga usapan sa paligid ng aking lamay.
Napukaw ang atensyon ko sa dalawang nakatunghaw sa harap ng aking kabaong.
Naka-pormal ang porma ng damit ng mga ito.
Nakipagkamay rito si nanay.
"Nakikiramay po kami." Nagbow ito sa aking nanay bilang paggalang.
Dalawa sila. Ang isa ay babaeng nakapalda, at ang isa naman ay lalaking nakakurbata.
"Sir, sayang ang batang ito, ano?" Nakatingin ang babaeng iyon nang may panghihinayang sa aking kabaong.
Tango lamang ang sagot ng lalaki.
"Naalala ko, bumagsak siya sa subject niya sa iyo kaya tumatak na sa buong campus na hindi siya matalino na bata." Napatigil ito at napapa-iling-iling na nakatitig sa aking kabaong. "Nabansagan na siyang palakol at palagi na siyang kinukutya. Dumating sa punto na pati sa klase ko rati, hindi na siya umaattend. Muntik pa nga siyang ma-drop. Buti na lang at nakangiti pa itong hinarap ako at sinabi na itutuloy ang kaniyang pag-aaral kahit hindi siya matalino." Napamulsa ito upang kapain ang panyo na nakatago sa kaniyang bulsa.
"Naalala ko nga kung papaano siya makutya noon dahil nabigyan ko siya ng failing grade. Kasalanan ko rin naman kasi hindi ako nagtuturo nang mabuti at naka-focus lang ako sa mga mabibilis makakuha ng lesson. Hindi ko na iniisip iyong mga hindi na nakakasunod. Madalas pa na pinapahiya ko siya dahil umiinit agad ang ulo ko dahil hindi niya masagot nang tama ang mga tanong ko. Madalas na siyang makutya no'n dahil hindi niya makuha ang mga tinuturo ko. Ibinagsak ko pa siya imbes na tanungin nang masinsinan kung okay lang ba siya at kung bakit hindi niya makuha agad ang lesson. Hindi ko man lang siya natanong kung gusto ba niya talaga ang ginagawa niya." Napapabuntong hininga ito sa mga sinabi.
"Gusto niyang magpinta at hindi sa larangan pangpinansiyal ang hilig nito. Iyon marahil ang dahilan kung bakit gulong-gulo ito sa kaniyang gustong tahaking landas. Hindi iibigin ng puso ang hindi nito iniibig. Saka lang natin halos nalaman ang galing nito sa pagpipinta. Doon siya halos nakilala ng lahat." Nakatitig ito sa kamay na tila naglulutas ng isang problema.
"Bakit kaya siya nagpakamatay? Naalala ko rati noong binagsak ko siya. Nakangiti pa itong sinabing okay lang daw sa kaniya kasi iyon lang daw ang nakayanan ng utak niya. Mahina naman daw talaga siya sa numbers. Hindi ko na siya pinansin dahil sabi ko, mahina naman pala siya bakit nandito pa siya sa college natin? Pero imbis na kausapin ko siya, hindi ko na ito ningingitian kahit binabati ako nito palagi," mayroong pagsisi na kakabakasan sa tinig nito. "Kung tinanong ko kaya siya rati kung ano ang gusto niya, maglalakas loob kaya itong tigilan ang kursong tinapos niya? Nakapagtapos naman siya ng Komersiya, pero tila hindi siya naging masaya sa kursong iyon. Bumalik lamang ito sa pagpipinta at doon na siya tuluyang napabilang sa mga baguhan na magagaling na pintor dito sa atin." Tumingin ang babaeng iyon sa loob ng aking kabaong at tila nagtataka pa ito.