Marso 12
Usap-usapan sa barangay na iyon ang pagpapakamatay ni Lalaine. Hindi ko na alam kung saan napunta ang kaluluwa nito na kausap ko lamang kagabi. Nang lumuhod ito sa aking harap at dumating ang mga nagbaba ng kaniyang katawan ay bigla na lang itong naglaho.
Nagpagala-gala ako sa barangay at ang ilan ay nagsisisi sa pagkamatay ni Lalaine. Gusto pa raw ampunin ng ilan ang sanggol na iniluwal nito.
Mga tao, katulad ng aking namatay na katawan, nasa bandang huli ang pagsisisi nila. Kahit saan ako tumingin, magsisisi lamang ang mga ito kapag nawala na ang bagay na akala nila ay walang halaga.
"Tutulungan kita." Mga katangi-tanging kataga para maisalba ang babaeng magpapakamatay dahil kahit kailan ay hindi ito nakadama ng pagpapahalaga. Si Lalaine, hindi ko akalain na iyon lamang ang tanging hinihiling sa buhay nito para kahit kaunti ay makakita ito ng liwanag sa buhay. Mga simpleng kataga na hinhintay lamang upang masalba ang isang natatanging buhay.
Naglakad-lakad pa ako sa Barangay at lahat sila ay pinag-uusapan pa rin ang nangyari kay Lalaine. Halo-halo rin ang kanilang mga pahayag, at ngayon lamang nagsisilabasan ang mga totoong nagpapakalat ng masasamang balita tungkol kay Lalaine. May ilan pa na pinaghihinalaan na baka kasamahan niya ang grupo ng kalalakihan na dahilan kung bakit maraming nagahasa sa kanilang lugar. Magpahanggang sa ngayon, na wala na iyong tao ay pinaghihinalaan pa rin nila ito. Mga kaawa-awang nilalang!
Nadama nila ang lamig ng aking galit dahil hindi ko na kaya ang aking nadirinig mula sa kanila. Nang madama nila ang lamig at nakakapangilabot na aking galit sa mga nagsisitayuan nilang buhok sa kanilang mga balikat at leeg ay bigla silang nagbigay ng tanda ng krus.
"Jusko, Lalaine, kung ikaw man ito. Hindi ko naman sinasadya ang aking mga nasabi laban sa iyo. Patawad Lalaine kung palagi kitang pinagseselosan sa aking asawa. Noong ikaw kasi ay dumadaan, hindi ko maipaliwanag kung bakit ganoon na lang makatingin ang asawa ko sa iyo. Sa tagal ba naman na kasi naming mag-asawa'y hindi niya ako tintigan ng ganoon," saad nito habang niyayakap ang sarili dahil sa nilalamig at takot na gumagambala sa grupo ng mga tsismisera.
"Nako, Lalaine! Ganoon din ang sa akin, kung nasaan ka man, huwag ka nang manggambala sa amin dahil marami na ang naniniwala sa iyo, ngayon. Naalala mo ba noong nagsabi ka sa akin na hinawakan ni Berting legs mo? Sabi ko'y napakasinungaling mong bata ka at hindi ka nararapat na tularan ng ibang bata rito dahil ang ikli-ikli mo magsuot ng short kaya ka namamanyak ng mga may asawa na! Nako, Lalaine, sorry na sa mga nasabi ko at sa hindi ko pagpapaniwala sa mga sinabi mo at sinisi pa kita." Takot na takot din ang tinig nito.
Noong una ay lalakasan ko pa sana ang aking galit sa kanila, akala ko kasi ay ipapangsisi pa kay Lalaine ang kamanyakan ng kaniyang asawa. Mga asawa naman pala ang mayroong problema.
Kung magsusuot lamang daw ng maayos ang isang babae ay titigil ang mga lalaki sa pangbabastos sa mga ito. Maniwala ako? Hindi, kasi kahit anupamang suot ng isang babae kung hindi talaga matino ang pag-iisip ng isang lalaki, makakagawa pa rin ito ng kabastusan sa isang babae. Nakadamit na nga ang babae noong panahon ni Maria Clara, mga balot na balot na kadamitan ngunit karamihan sa kanila ay nagagahasa pa rin.
Tama si Lalaine, hindi kailangan na gawing basehan ng isang tao ang pag-uugali nito sa kaniyang mga nakasanayang isuot na damit. Hindi na pabalik ang mundo at wala na itong babalikan kung saan ay naka-baro't saya ang usong kadamitan. Maari lamang sigurong maging pormal o umayon kung saan ang pupuntahan. Ngunit base sa aking mga naririnig, dito lang naman sa barangay lumalabas si Lalaine.
Isang malinaw na ebidensiya na ang mga taong naririto lamang ang siyang may mapanghusga na mga mata. Mga matatabil na mga dila at mga walang magawa sa buhay kung hindi ang i-kwento ang pagkukulang at pagkakamali ng nasa paligid nila.