Marso 29

665 27 2
                                    

Marso 29

"Ikaw!" sigaw nitong muli sa akin. Lahat ng kaniyang tuon ay nasa akin. Nadama ko na humuhupa na ang init sa paligid. Maging ang ibang mga kaluluwa ay tuluyan nang nawawala sa kanilang mga iniindang sakit. Maging si Vicky ay unti-unti nang nakatatayo sa kaniyang pagkakaluhod. Buo-buo ang lumabas na mga butil na itim na likido sa mga pisngi nito.

Nang mahagip nito ako ay nakita ko sa kaniyang mga mata ang lubos na pasakit. Hindi man ako ang nakadarama niyon, alam kong walang makahihigit sa sakit na nadarama niya. Muli ay bumilis ang takbo ng oras, napalitan ang itim ng maaliwalas na kapaligiran, may mga taong nagdaan, mga bagong inilibing sa sementeryo, mga kaluluwa na kinukuha ng liwanag, mga kaluluwa na nadadagdagan ng mga naliligaw.

Sa pagkakatong natapos ang araw ay muling dumilim ang paligid. Uminit muli ngunit hindi na kagaya ng nakakapasong init. Umiba na ang ihip ng hangin na tila lumiliyab sa apoy ang pinanggalingan.

Muli ang aking kaba dahil nadama kong papalapit ang itim na kalansay sa akin. Sa aking takot ay napahagulgol ako sa harap nito.

"Huwag kang lumapit sa akin! Huwag kang lalapit sa akin!" sigaw ko rito. Napahinto ito saglit. Nagtataka ang gustong ipahiwatig ng pagtigil nito.

Napatingin ako kay Lalaine na ngayon ay hinihimas ang katawan na nasunog sa kaniya nang ipagtanggol ako nito sa itim na kalansay.

"Gusto mong malaman kung sino ako?" tanong ko rito. Hindi ito kumibo o gumalaw. Ni-isa sa mga kaluluwa ay tila naghihintay lamang ng susunod na mangyayari.

"Gusto mong malaman kung sino ako!" sigaw ko sa itim na kalansay na tinitignan lamang ako kahit wala na itong mata. Alam ko lang na sa akin lamang nakatuon ang kaniyang atensiyon.

Buong lakas kong tanong sa kaniya ngunit imbis na sagutin niya ang aking tanong ay hinayaan niya lamang akong humagulgol sa kanilang harap at magsisigaw nang magsisigaw.

"Kung gaano mo kagustong malaman kung sino ako, ganoon ko rin kagustong malaman kung sino ako." Napapaluha kong buong tapang na pag-amin sa kanila.

"Bakit ako nandito? Sa totoo lang hindi ko rin alam." Itinaas ko ang aking dalawang kamay na parang sumusuko na ako. Hindi ko na alam ang mga nangyayari, kahit naman paulit-paulit kong sinasabi ito, nagsasawa na akong palaging hindi alam ang mga nangyayari sa akin.

Tumingin ako sa mga kaluluwa na lulan pa ng mga pighati sa kanilang mga mata.

"Ako? Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari sa akin. Kung mabibigyan lamang ako ng pagkakataon para maibalik ang mga pangyayari para hindi ako mapunta sa sitwasyon na ganito, ito na siguro ang pinakamalaking milagro sa buhay ko," naluluha kong tinig sa kanilang lahat.

"Alam niyo kung bakit? Nasasaktan ako sa mga nangyari sa inyo. Ang sakit-sakit na. Hindi ko na kaya, hindi ko na matiis na mayroong mga naghihinagpis. Kung magkakaroon ako ng kapangyarihan, gusto kong ibalik ang pag-asa sa inyo. Ngunit hindi ako ang Diyos. At kahit kailan, hindi ako magiging siya. Pero alam niyo kung ano ang magagawa ko?"

Tumingin ako kila Vicky at Lalaine. Nakita kong nakikinig lamang sila sa akin.

"Ang magagawa ko na lamang ay idilat ang aking mga mata." Walang umimik. Maging ang itim na kalansay ay wala ring kagalaw-galaw sa kaniyang kinalalagyan.

"Lahat kasi tayo, nagbulag-bulagan, eh. Lahat tayo nakapikit sa kung ano pa ang magagawa natin para sa hinaharap natin. Naging bulag tayo sa pag-ibig. Naging bulag tayo dahil masiyado tayong nasaktan. Naging bulag tayo dahil mas nakita natin iyong sakit, iyong isang mahabang linya ng problema na akala natin wala nang solusyon, na akala natin wala na tayong takas. Mas masarap kasi magbulag-bulagan lalo na kapag iyong puso natin, nalulunod na sa sarili nitong pagdurugo ng luha." Tinitigan ko ang bawat isa at naramdman ko ang lalong paglalim ng kanilang atensiyon sa akin.

She's DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon