Marso 10
Kahapon nang pinilit kong sundan ang lalaking dumalaw sa akin sa aking libingan, si Marcus Samaniego.
Ngunit nang akin na siyang sundan ay sadiyang naligaw-ligaw lamang ako. Kung saan-saan napadpad ang aking mga paa. Hindi ko na namalayan na may naramdaman akong humila sa akin na mainit na hangin na hindi ko makita kung saan nagmumula. Dinala ako nito sa lugar na madilim. Sobrang sakit ng aking katawan at sobrang init ng aking pakiramdam. Para akong mayroong katawan muli dahil sa nadama kong ito.
Pilit kong tinatakpan ang aking taenga dahil maraming mga hiyaw, mga sigaw... nagmamakaawa na sila ay tulungan. Umiiyak sila, tumatangis na sila'y may dinaramang sakit dahil walang humpay ang kanilang pagtangis. Pa-hiyaw, pa-bulyaw, at pa-sigaw, paulit-ulit lamang ang mga hinaing. Mabibingi ka sa walang tigil na mga nagmamakaawang mga tinig.
Hindi ko naman sila magawang tulungan dahil maging ako ay nangangailangan din ng tulong. Maging ako ay may pakiramdam na hindi ko malaman.
Nasaan nga ba ako? Sobrang dilim ng paligid na ito. Wala akong makita kung hindi mga tinig lamang ang aking mga nadirinig. Tila isa akong bulag at walang masilayan ang aking mga mata. Pati ako ay mayroong mga luhang lumalabas sa aking mga mata kahit hindi naman ako umiiyak. Hindi ko malaman bakit mayroon akong binubulyaw ngunit hindi naman ako sumisigaw. Hindi ko alam kung anong pagdurusang hatid ang mayroon sa lugar na ito. Para itong isang lugar ng mga pagdurusa at kapighatian.
Hindi ako matigil sa aking pagluha at pagbulyaw. Maging ako ata ay isa sa mga walang sawang humihiyaw at tumatangis nang buong lakas. Hindi ko na kaya ito. Nakadama ako ng pagod sa aking ginagawa, maging aking isip, hirap na sa pag-intindi ng mga nangyayari. Hindi ko na kaya...
Napapikit ako. Humingi ako ng tulong gamit ang aking puso. Hindi ko nilabanan kung anuman ang ginagawa nang kusa ng aking sarili. Hinayaan ko ang aking mga labi na humiyaw, hinayaan ko ang aking mga mata na umiyak. Tumawag ako ng tulong sa aking puso nang taimtim at mahinahon lamang, pinatahimik ko ang pag-aalinlangan at pangamba na mayroon sa aking dibdib. Nagtiwala ako, na kahit maraming humingi ng saklolo, mayroong sa akin ay magliligtas. Naniwala ako, na kahit bulong lamang ang aking hiling, maririnig ako at sasaklolohan ako. Mayroong darating, mayroong sasagip, mayroong sa akin ay tutulong.
Patuloy ako sa aking ginawa at hindi ako tumigil hangga't hindi nagiging totoo ang aking paniniwala.
Ilang saglit nang higupin ako ng hindi ko makilalang mga kamay. Tila nagbabadya itong lunurin ako dahil may malambot na pumapalibot sa aking katawan na parang hinihigop ako nang buo. Nang umabot na sa aking leeg ay nakadama ako ng pangamba dahil baka hindi na ako makahinga. Naninikip na ang aking dibdib dahil nagsimula akong kabahan muli na baka tuluyan na akong hindi makahinga.
Ngunit kahit anong takot, kahit anong pangamba na mayroon ako, hindi ko iyon ininda. Naniwala ako, nagtiwala, at itong kamay na ito ang sasagip sa akin.
Unti-unting nawala ang mga boses, ang mga nakakasisira sa taengang mga boses. Ang mainit na pakiramdam ay napapalitan na rin ng katamtamang timpla sa aking balat.
Nakadinig ako ng mga kampanang maingay at masayang kumakalembang. Nakarinig ako ng mga masasayang tinig. Mga tinig ng mga batang humahagikgik at masarap pakinggan sa taenga.
Nakakita ako ng liwanag nang bigla akong malunod sa kamay na patuloy na humihigop sa akin.
Pinatibay ko lalo ang aking loob dahil alam kong ito na ang tulong na aking hinihintay. Ano naman ang kaunting pagtitiis sa saglit na pagkalunod kung ito naman ang daan at paraan upang makatakas ako sa lugar na puro paghihinagpis at mga tumatangis.
Hindi ko namalayan na maya-maya ay nakahinga na rin ako nang maluwag. Ngunit silaw na silaw ako sa liwanag at nasaktan ang aking mga mata kaya ako'y napa-pikit na lang bigla.