Marso 23
Niyaya ako ni Bella na sundan ang kaniyang Mommy. Tumatawa-tawa pa ito dahil ngayon lang daw niya nakitang ganito kaabala ang kaniyang ina sa kaniya. Hindi naman daw siya ganito noong siya ay buhay pa. Ni-kahit na anong pansin ay hindi nito maibigay sa kaniya.
Hindi ko mabakasan ng kahit na anong emosiyon si Bella. Pakiwari ko ay isa lamang itong estudyante. Estudyante na tila inoobserbahan lamang ang isang eksperimento. Isang eksperimento na tinititigan lamang, sinusuri, at gagawan ng reaksyon paper. Hindi ko makita ang damdamin nito.
"Tignan mo si Mommy, hindi 'yan uupo hangga't may nakikita iyang bisita, aalamin niya kung kaano-ano ko ba ang mga iyon. Ni-minsan kasi, hindi niya inalam kung sino ang mga kinakaibigan ko, kung sino ang mga kasama ko." Tinuturo nito ang kaniyang Mommy na kinakausap ngayon ang isang nakikiramay sa kanila.
Tumingin ako sa gawi ng mga bagong dating. Katulad nga ng kaniyang sinabi, hindi nga natatahimik ang kaniyang Mommy sa pag-aasikaso ng mga bisita.
Kapag may taong darating, patuloy lamang ito sa mabusising pagsasaayos ng lamay ni Bella.
"Hindi ba kayo close ng Mommy mo?" Lumipat na ang aking tingin sa kaniya na patuloy lamang na nasa kaniyang Mommy ang kaniyang tingin.
Umiling ito na may halong panghihinayang sa kaniyang labi.
"Hindi na," dagdag nito sa kaniyang sagot na pag-iling.
"Hindi na?" tanong ko rito habang patuloy ang aking pagtingin sa kaniyang ekspresyon upang huliin ang ibig nitong sabihin.
"Hindi na kami close at hindi ko na rin gustong maalala kung kalian nagsimula iyon." Napatingin akong muli sa kaniyang Mommy.
Maganda ang kaniyang Mommy. Hindi niya gaanong kahawig dahil nga mukhang Chinese si Bella at ang kaniyang mommy ay maganda kahit hindi ito kaputian na kagaya niya. Simpleng gandang morena ang kaniyang ina na mayroong class ang datingan.
Napansin ko noong unang araw pa lang na ang mommy lang ni Bella ang nag-aayos ng lamay nito. Hinahanap ko ang katuwang nito sa buhay pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakikita ang mommy ni Bella.
"Saan ang daddy mo?" tanong ko rito. Kunot noo ko siyang tinanong dahil mukhang alam na nito na matagal ko nang hinihintay o hinahanap ang daddy niya.
Isang tipid na ngiti muna ang isinagot niya sa akin. Bumuntong hininga lamang ito saka siya napatingin ang gawi sa kaniyang mommy.
Nakatingin lamang ako sa kaniya dahil sa aking palagay ay handa na itong magbahagi ng kaniyang buhay.
"Iniwan niya kami nang malaman na buntis ang mommy ko. Hindi kasi Chinese si mommy kaya ayon kay Mommy ay tinakot daw ang daddy ko na walang yaman na makukuha sa kaniyang magulang kapag pinili kami nito. Pero, ayon nga, pinagamit pa rin sa akin ang apelido ni daddy kahit tinakbuhan niya kaming dalawa ni mommy." Naupo na ang kaniyang mommy sa tabi ng kaniyang kabaong. Ngayon lang ata ito nagpahinga dahil kanina pa ito paikot-ikot sa buong lugar.
"Sobrang hirap ng buhay namin ni mommy rati. Para kaming pulubi na kulang na lang ay manlimos kami sa kalye para may pambili kami ng pagkain na halos tatlong araw kami hindi kumakain. Pinilit niyang maghanap ng trabaho rito sa bansa, pero dahil nga kahit tapos ka ng pag-aaral, may diploma kang hawak ay mahirap pa rin makahanap ng matinong permanenteng trabaho."
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kaniya dahil pakiwari ko ay kahit nararamdaman ko ang paghihirap ng kaniyang nakaraan ay hindi ko maramdaman ang mga salita nito na galing sa kaniyang puso. Parang nagkikwento lang siya ng isang alaala na matagal na niyang tinago at hindi na hinalungkat kailanman.
"Alam mo rati, halos magnakaw ako dahil sobrang kalam na talaga ng sikmura ko. Si mommy naman, walang tigil sa paghahanap ng trabaho noon kaya kahit na hirap na hirap kami, tinitiis ko lahat kasi sabi ko, ngayon lang naman ito. Basta ang alam ko, malalampasan din namin lahat ng paghihirap." Ngayon alam ko na simula bata pa lang ay lumaki na talagang matatag itong si Bella. Base pa lang sa kwento niya, bata pa lang siya, marunong na siya tumingin sa pag-asa ng buhay.
"Naalala ko, noong mga panahon na pinalayas na kami sa inuupahan naming bahay dahil baon na sa utang ang mommy kaka-apply ng trabaho, iyong last na pera niya kasi pinambili naming ng cake kasi umiyak ako, gustong-gusto ko talaga ng cake ng panahon na iyon. Ang alam ko lang kapag may birthday ay dapat may cake, kaya ayon, umiyak ako nang umiyak dahil wala akong cake. Bata kasi kaya ganoon. ..." natigil siya sandali at ako naman ay napatingin na sa bata na naglalaro sa aming harapan.
"...iyong cake na iyon na naging dahilan bakit kami nawalan ng bahay. Imagine, nagkulang lang ng bente pesos iyong utang ni mommy sa pinagkakautangan niya, kinuha na iyong bahay namin na sobrang liit at walang kuryente. Sa sobrang hirap ng buhay namin noon, pati iyong natitirang pipiranggot sa amin, nilimas. Hanggang nagyon, kapag nakakakita ako ng cake, bumibili ako, tapos kapag may nakita akong bata na gusto ng cake, binibilhan ko sila. Alam ko kasi ang pakiramdam ng isang bata na birthday mo pero wala kang cake." Sabay kong pinapanuod ang bata na naglalaro sa aming harap habang nakikinig ako kay Bella.
"Pero alam mo kung ano ang pinakamasakit na nangyari sa amin ni Mommy?" tanong nito sa akin na nahahati na ang atensyon ko sa bata at sa kaniya na nahahalata na niya.
"Ha? Ano?" tanong ko naman dito para ulitin niya kung ano ang kaniyang tanong dahil baka nagkamali lang ako ng dinig.
"Sabi ko, alam mo ba kung ano iyong pinakamasakit na nangyari sa amin noong mga panahon na iyon?" Umiling ako sa tanong niya, malamang. Hindi naman ako magnhuhula kung ano ang nangyari noon sa kanilang buhay.
"Itong daddy ko, nagpakita uli. At gusto niya akong kunin kay mommy. Matapos ang lahat, bigla siyang susulpot at kukunin ako kay mommy. Ano na lang ang matitira kay mommy kapag nawala ako?" Napatingin na ako sa kaniya.
Tama nga naman. Samantalang iyong iba, kapag nalaman nila na mayaman ang father dearest nila, sumasama na sila agad-agad. Itong si Bella, iba talaga mag-isip bata pa lang.
"Hindi pumayag si mommy. Ito iyong naging dahilan para mag-domestic helper siya sa Saudi. Ako naman, pinaiwan ako ng mommy sa mga kaibigan niya na naging mabait nang malaman na mag-aabroad na si mommy. Samantalang noong walang-wala kami, hindi mo sila mahagilap dahil alam nila na kapag lumapit ka sa kanila, mangungutang ka lang."
Ang hirap talaga ng buhay ngayon dahil kung hindi ka pinagtsitsimisan, lalayuan ka dahil wala kang pera. Ang hirap humanap ng totoong tao ngayon. Buti na lang kami na mga kaluluwa na, kami iyong nakakakita ng mga totoong tao. Mga taong totoong nasasaktan, mga taong totoong nakikiramay, at mga taong totoong gustong tumulong.
"You know what? Si mommy lang iyong taong pinaglaban ako. Siya iyong tao na gagawin ang lahat para maging successful ako. Pero ayon nga, ayon nga ang ginawa ko sa kaniya." Nabalik na ang buong atensyon ko kay Bella dahil umalis na ang bata na naglalaro sa aming harapan.
"Ang hirap ng buhay namin noon dahil nang mag-abroad si mommy, doon nagsimula na magpalipat-lipat ako ng tirahan dahil kung hindi ako ginagawang katulong ng mga kaibigan na pinag-iwanan sa akin ni mommy, binubugaw naman ako." Napatingin ako sa kamay ni Bella na nakakuyom na sa mga sandal na ito. Pakiwari ko na tinitiis lang niya lahat ng kaniyang nararamdaman.
"Hindi ka ba nagsumbong sa mommy mo?" tanong ko rito at tanging masamang tingin lamang ang sagot nito sa akin. Parang sinasabi ng mga mata nito na mayroong malalim pang dahilan ang mga kasagutan sa tanong ko.
-----------------
SAVAGEBLOSSOM || Wattpad2018 || All Rights Reserved